Pagpaslang kay AKO Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe, hindi kagagawan ng CPP-NPA-NDF Bikol
December 25, 2018
Kinukundena ng NDF-Bikol ang tahasang pagpaslang kina Ako Bicol Party Rep. Rodel Batocabe, sa kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz at ang pagkasugat ng pito pang sibilyan nitong Disyembre 22 matapos ang isang aktibidad para sa mga senior citizen sa Burgos Elementary School sa Daraga, Albay. Nais ipaabot ng CPP-NPA-NDF Bikol ang pakikiramay sa pamilya nina Rep. Batocabe, SPO1 Diaz at sa pitong sibilyang nasugatan sa pamamaril.
Walang katotohanan ang mga pahayag ng PNP na nag-uugnay sa rebolusyonaryong kilusan sa insidente. Walang kinalaman ang anumang yunit ng NPA sa Kabikulan sa naturang pamamaslang. Naging otomatiko na sa panig ng AFP-PNP na ibintang sa NPA ang ganitong mga kaso ng pamamaslang at iba pang krimen upang tabingan ang kanilang kaseryosohang imbestigahan at papanagutin ang mga salarin na kadalasan ay nagmumula rin sa kanilang hanay. Kagyat na isinangkot ng PNP ang CPP-NPA-NDF Bikol at sadya ring sinamantala ang pagpapakalat ng mapanirang pahayag at pekeng balita sa selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng CPP upang gibain ang pagkilala ng mamamayan sa pamumuno ng Partido sa sumusulong na rebolusyonaryong kilusan at rebolusyong Pilipino.
Si Rep. Batocabe ay hindi itinuturing na ‘persona non grata’ ng rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan. Ang pakikipag-ugnayan ng rebolusyonaryong kilusan sa kanya, tulad ng sa iba pang mga pulitikong nagpapahayag ng kanilang kagustuhang maghatid ng serbisyo sa mamamayan, ay sa antas ng paghikayat at paghamon na magdala ng tunay na pagbabago para sa kapakinabangan ng mga Bikolano at ng mamamayang Pilipino.
Hindi kailaman pinatawan ng Access Fee at hindi rin ginawaran ng Permit to Campaign ang partylist na AKO-Bicol sapagkat hindi kinikilala ng NDF-Bikol na lehitimo batay sa reaksyunaryong konstitusyon ang AKO-Bicol bilang representante ng “marginalized na sektor” laluna ng buong mamamayang Bikolano na diumano’y kanilang kinakatawan. Si Rep. Batocabe at ang pamunuan ng AKO-Bicol ay pawang mga milyunaryo at hindi kailanman tatangkilik ng tunay na kalutasan sa suliranin sa lupa ng mga pinakamahirap na sektor na manggagawang bukid at maralitang magsasakang Bikolano at sa suliranin ng kawalang-trabaho bunga ng kawalan ng tunay na industriyalisasyon, ganoon din sa kawalang-malasakit sa mababang pasahod ng mga manggagawa sa rehiyon.
Gayunpaman, mayroong kasaysayan si Rep. Batocabe ng ilang mga makamamamayang tindig tulad ng pagboto laban sa pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao noong Hulyo 2017. Dahil dito, pinaunlakan ng PKP-Bikol ang kahilingan niyang pakikipag-usap kaugnay ng kanyang pagkandidato bilang Mayor ng Daraga at nakatakda na sana itong harapin matapos ang Kapaskuhan.
Sa pagmamadaling mapagtakpan ang kanilang krimen, pinalalabas ng mga pahayag sa midya nina PNP Director General Oscar Albayalde, Region 5 PNP Chief Supt. Arnel Escobal at Supt. Benito Dipad, hepe ng PNP Daraga, na may kaugnayan ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamaslang. Ayon kay Supt. Dipad, hindi nakipagkoordina si Rep. Batocabe sa kapulisan gayong ang baryo ng Burgos ay isa sa mga tinataya nilang ‘rebel-infested area’.
Ayon sa mga nakasaksi, ang apat na taong imbwelto sa pamamaril ay umatras sa Brgy. Maopi, karatig-baryo ng pinangyarihan. Mayroong nakapakat na Peace and Development Team ng 9th IDPA sa naturang barangay ng Daraga gayundin sa mismong baryo ng Burgos, Kinawitan, Mabini, San Vicente Piqueno at sa mga barangay ng Magogon at Panoypoy sa bayan ng Camalig. Kaduda-duda na sa kabila ng maraming putok ng baril ay hindi naalerto at nasita ng maraming nakakalat na tropa ng AFP ang apat na salarin na may dalang mahahabang armas. Nakaalerto lamang ang mga militar laban sa NPA at hindi sa mga kasamahan nilang nakasuot sibilyan na tumambang kay Rep. Batocabe at escort nito kabilang ang pito pang senior citizens na nasugatan. Malinaw na hindi mahuhuli ng Special Investigation Task Group Batocabe sa pamumuno ni R5 Chief Supt. Escobal na itinalaga ni PNP Chief Albayalde ang mga militar na nagpakana at gumawa ng karahasan.
Ang pagpaslang kay Rep. Batocabe ay bahagi ng serye ng mga planadong high profile killings ng rehimeng US-Duterte upang gawing tuntungan ng pagpapaigting ng todo-largang gera nito laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa taumbayan laluna sa Kabikulan na itinakda nitong isa sa mga prayoridad ng ‘de-facto’ Martial Law MO 32 (state of emergency on accounts of lawless violence) at EO 70 o ang pagbubuo ng National Task Force to End Communist Insurgency (NTFECI). Maasahan ang iba pang patatampuking kaso ng diumanong kaguluhan at kawalan ng pag-iral ng batas ng tulad ng malawakang pagpapasabog, ‘ambush me’, pananabotahe, sa ibabaw ng patuloy na ejk bilang bahagi ng paghahanda ng rehimeng US-Duterte upang iratsada ang pambansang Batas Militar sa kagyat na hinaharap.
Gagamitin ng rehimeng US-Duterte ang isinakripisyo nilang buhay ni Rep. Batocabe at ang mga susunod na pulitikal na pamamaslang upang higit pang gipitin ang mga progresibo at ang sistemang partylist, paluhurin ang mga kalaban sa pulitika, pahupain ang kilusang masa at busalan ang mga kritiko sa hanay ng midya. Maaari niya itong gamitin para sa alinmang senaryong makapagtitipon ng kapangyarihan sa kanyang mga kamay tulad ng manipulasyon ng eleksyong 2019, pormal na pagpataw ng Martial Law sa bansa, pagsusulong ng huwad na pederalismo at diktadura nito o ang pagdedeklara ng pagpapaliban ng eleksyon at NOEL habang rinaratsada ang Charter Change pabor sa kanya at sa imperyalistang interes.
Sa parehong araw ng kriminal na pagpatay kay Rep. Batocabe ay tinuran ni Duterte sa Davao City na nais niyang tularan ang ginawa ng berdugong diktador na si Suharto na kampanya laban sa mga rebeldeng komunista na pumatay ng tatlong milyong mamamayan upang masugpo ang komunismo sa Indonesia. Sa nauna pang araw noong Disyembre 18 ay nagpahayag din ito ng paggamit ng “hamlet” sa Mindanao sa hanay ng mga Lumad. Ginawa ito ng mga tropang Kano sa Pilipinas at sa Byetnam upang makontrol ang paglaban ng mamamayan sa kanilang pananakop. Sa ganitong tunguhin ng rehimeng US-Duterte, ngayon pa lamang na wala pang pormal na deklarasyon ng Batas Militar sa buong bansa, nalagpasan na nito ang masaklap na dinanas ng mamamayan sa panahon ng batas militar at diktadura ni Marcos. Kailangang paghandaan ng rebolusyonaryong kilusan at sambayanang Pilipino ang higit pang kalupitan at nag-uulol na bigwas na terorismo ng estado.
Ngayong okasyon ng ika-50 anibersaryo ng CPP, nananawagan ang CPP-NPA-NDF Bikol sa lahat ng makabayan at demokratikong pwersa at sa mamamayang Bikolano na magbuklod at lumikha ng malapad na nagkakaisang hanay at kilusang masa upang ibagsak ang rehimeng Duterte sa pinakamaagang panahon. Sa pagkakapit-bisig maipamamalas ang tunay na lakas ng sambayanang pinagsasamantalahan, linilinlang at dinadahas. Tanging sa sama-samang pagtahak ng rebolusyonaryong landas makakamit ng masang Bikolano at Pilipino ang lipunang ganap na malaya, tunay na demokratiko, sustenableng kaunlaran at may pangmatagalang kapayapaan.###
Pagpaslang kay AKO Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe, hindi kagagawan ng CPP-NPA-NDF Bikol