Pagpaslang sa Baras 5 ng 2nd IDPA at PNP-4A, mukha ng terorismo ng RUS-Duterte sa Rizal
Tigmak ng dugo ang kamay ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa kanilang patuloy na paglabag sa karapatang tao, sa pamamagitan ng Anti-Terror Law at NTF-ELCAC, na siyang mayor na instrumento ng Rehimeng US-Duterte upang makapanatili sa kanyang paghahari. Sa ngalan ng pagsupil sa rebolusyonaryong kilusan, lansakan nitong nilalabag ang internasyunal na makataong batas ng Geneva Convention. Hindi nito kailanman isinaalang-alang ang panuntunan hinggil sa paggalang sa karapatang tao at mga internasyunal na mga tuntunin na sumasaklaw sa armadong tunggaliang umiiral sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Nagpupuyos sa galit ang mamamayan ng Rizal sa pagmasaker ng pinagsanib na pwersa ng 2nd ID at PNP-4A sa Baras 5. Karumal-dumal na pinaslang ng mga berdugo sina Vilma Salabao, Wesley Obmerga, Carlito Zonio, Jonathan Alberga at Niño Alberga noong Disyembre 17 sa Brgy. San Jose, Baras, Rizal..
Malaking kasinungalingan ang pahayag ni 202nd Bde. Commander Alex Rillera na magsisilbi lamang sila ng warrant of arrest sa nagngangalang Antonio ‘Ka Dad’ Cule nang paputukan diumano sila kung kaya’t naobliga silang gumanti ng putok. Ang totoo, pinalibutan ng hindi mabilang na pwersa ng AFP at PNP at kaagad na pinasok ang farm at pinadapa ang lahat ng mga tao sa loob nito saka pinagbabaril. Upang bigyang katwiran ang kanilang ginawang krimen, agad na nagpahayag muli ang 2nd IDPA na nakatakas diumano si Ka Dad sa lugar na pinangyarihan.
Sa ginawa naming sariling imbestigasyon, nagtatrabaho bilang mga manggagawa sina Carlito, Jonathan, Niño, Vilma at Wesley. Caretaker at head security ng farm si Carlito at mga security guard naman sina Jonathan at Niño. Napag-alaman ding nagpapagamot mula sa malubhang karamdaman sina Vilma at Wesley. Maysakit na kanser sa lalamunan si Vilma at matagal nang iniinda ang malalang arthritis na nagdudulot ng pamamaga ng kanyang dalawang tuhod habang may tuberculosis sa buto at kidney failure si Wesley.
Ang pagmasaker sa Baras 5 ay isa lamang sa patung-patong nang mga kasong kriminal ng AFP-PNP. Pinalalaganap ng rehimeng Duterte ang kultura ng impyunidad at ginagawang karaniwan ang kabi-kabilang ala-tokhang na pagpaslang sa mga sibilyan at hors de combat. Padron na ng kanilang gawa-gawang istorya ang pagsisilbi kuno ng warrant of arrest, pagdedeklarang ‘nanlaban’ ang mga biktima at pinutukan hanggang mapaslang. Paboritong oras ng kanilang patraydor na mga operasyon ang alas dos hanggang alas tres ng madaling araw habang nahihimbing sa pagtulog ang kanilang target. Sa kabalintunaan, ang paulit-ulit na mga istoryang ito rin mismo ang naglalantad sa katangian ng berdugo at mersenaryong AFP-PNP na kampon ng sagad sa pagkapasistang presidente na si Rodrigo Duterte.
Isa lamang ito sa mga napakaraming kaso ng brutalidad ng rehimeng Duterte tulad ng sinapit nina Ermin Bellen, Mario Caraig na walang-awang pinaslang sa kabila ng kawalan na ng mga ito ng kakayahan na lumaban. Hindi rin hiwalay ang kaso ng pagpaslang sa mag-asawang Agaton Topacio at Eugenia Magpantay, mga retiradong lider ng Partido Komunista ng Pilipinas, na sa kabila ng kanilang katandaan at mahinang kalusugan ay pinaslang habang natutulog sa kanilang tahanan sa Angono, Rizal.
Ang sunud-sunod na pagmamasaker ni Duterte sa lahat ng mga kritiko at mga nagsusulong ng demokratikong interes ng mamamayan ay pagpapakita ng labis niyang pagkatakot sa kumukulong galit at napipintong pagsambulat ng lumalakas na sigaw ng pagpapatalsik sa kanya sa estado poder.
Hindi na masikmura ng mga Rizaleños ang terorismo ng estado na kumitil sa maraming buhay at puminsala sa kabuhayan ng mamamayan upang itulak ang imbing pakana nito ng kampanyang kontra-insurhensiya. Kailanma’y hindi palulupig ang mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa lagim na inihahasik ng rehimeng Duterte. Tuluy-tuloy na isusulong ng mga Rizaleños ang matatagumpay na mga pakikibakang anti-pyudal at kilusang masa para sa batayang karapatan nila sa buhay at kabuhayan.
Pagbabayarin ng NAAC-NPA-Rizal ang 2nd IDPA at PNP-4A sa krimen nila sa Baras 5 at iba pang biktima ng terorismo ng estado sa hanay ng mamamayan. Patuloy na isusulong ng mamamayan sa lalawigan ng Rizal ang armadong pakikibaka upang pabagsakin ang rehimeng-US Duterte at dalhin ang digmang bayan sa mas mataas na antas hanggang sa ganap na tagumpay.
Katarungan para sa Baras 5!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay!