Pagpatay kay Mayor Antonio Halili: Mukha ng Malaganap na Karahasan at Pamamaslang; Martial Law sa Batangas!
Hindi na natapos ni Walk of Shame Mayor Antonio Halili ang flag raising ceremony sa Tanauan City, nang tumumba ito sa isang tama ng baril hanggang bawian na ito ng buhay. Inisnayp ang alkalde mula sa masukal na bahagi, hindi kalayuan sa kinatatayuan nito. Sa kabila ng maraming empleyado ng City Hall, kagawad ng Sangguniang Bayan, bodyguards at mga kapulisan ng bayan ay walang kahirap hirap na naisagawa ang pamamaslang. Samantala, nananatiling walang lead ang kapulisan sa gunman at kahit pa ang baril na ginamit ay hindi ma-identify ng mga ito. Madaming kwento at anggulong mga tinitingnan, subalit ang totoo sa napakaraming kwento at mga espekulasyon sa pangyayaring ito, tila isang teleseryeng naging pang-araw araw na ang istorya ng pamamaslang sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.
Mga magsasaka, manggagawa, maralita, katutubo, media, pari, natokhang at ngayon isang Mayor na naman ang biktima na siyang laman ng bawat pahayagan. Sa kabila ng mga di mabilang na eksena, hindi nagbabago ang the end ng kwento – laging walang napaparusahan. Ganito ang setting ng kwento sa dalawang taon ng rehimeng US Duterte – ang climax ng istorya ay ang culture of violence at ang wakas ay ang culture of impunity. Dahil ang moral ng istorya para kay Duterte, hindi dapat lumaban ang mamamayan sa pamamalakad ng gobyerno.
Matatandaang noong Hunyo 10 noong nakaraang taon, isang mayor din ang napaslang sa Batangas. Walang iniwang pagkakaiba ang pagkakapaslang ng dating Mayor ng Balete na si Joven Hidalgo sa kung paano pinaslang si Mayor Halili. Isang tama ng baril sa pamamagitan ng isnayp ang ikinamatay ng dalawang alkalde. Ang una, pinatay sa karamihan ng manonood ng basketball, samantalang ang huli ay inisnayp sa flag raising ceremony. Bukod sa parehong istilo ng pagkakapaslang, parehas na napalagay ang dalawang Alkalde sa listahan ng NARCO Politicians na inilabas ng NAPOLCOM. Kasunod nito, sinuspinde ang police powers ng mga ito, alinsunod sa Section 51 (b) ng RA 6975. Matapos ito, ilang panahon ay napaslang ang mga alkalde. Habang kasama din sa listahang ito ang Lemery Mayor na si Eulalio Alilio at Ibaan Mayor Toreja, na hindi nalalayong sapitin din ang ganitong pangyayari.
Nabantog si Halili, sa kanyang Walk of Shame na kalaunan ay tinawag nang Walk for Change, sa kanyang diumano’y krusada kontra krimen at droga. Sa kabila ng krusadang ito ay pinangalanan siya ni Duterte sa NARCOLIST bilang protector ng illegal na droga sa siyudad ng Tanauan. Katunayan ng pagdidiin ni Duterte dito, sa isang okasyon sa Maasin City, Samar Leyte, sinabi nito na ang Walk of Shame ni Halili ay “pretense” o pagpapanggap lamang na ayaw nito sa droga, dahil ang totoo protektor diumano ito ng iligal na droga. Taliwas ito sa mabilisang pahayag at paghuhugas kamay ni Presidential Spokesperson Harry Roque ilang oras lamang matapos mangyari ang pamamaslang na si Halili ay kaisa ng administrasyong Duterte sa laban kontra droga. Nagtatangkang maghugas kamay ang Malacanang sa pangyayari samantalang si Duterte naman ay tahasang nagpapahayag na inaasahan nang maganap ang ganitong
pagpaslang sa balangkas ng kanyang gera kontra droga.
Pangalawa na si Halili sa napaslang na Mayor sa Batangas, samantalang ika-siyam naman ito sa buong bansa sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte. Sa lahat ng ito, nananatiling walang nananagot sa mga naganap na pamamamaslang .
Ang RUS-Duterte ang nasa likuran ng maramihang pamamaslang na nagaganap sa bayan ngayon. Siya ang kontrabida sa kwento at buhay ng mamamayang Pilipino. Sagad sa buto ang kasamaan nito na ikinamumuhi ng mga Batangueño. Gamit ang kanyang karosel ng gyera kontra droga at terorismo upang paslangin ang lahat ng mga mamamayan na tumututol at lumalaban sa kanyang mga anti-mamamayang patakaran, karahasan at mga panlilinlang upang bigyang daan ang proyekto ng mga malalaking burgesya kumprador-panginoong maylupa at dayuhan sa bansa. Target na din ng pamamaslang na ito ang mga opisyal ng gobyerno na hindi kakampi ni Duterte. Kahit pa ang mga kaparian ay hindi na nakaliligtas, tulad ng nangyari kay Fr. Richmond Nilo ng Nueva Ecija at sa napakarami pang pari at taong simbahan bago ito na pawang masugid na kritiko ni Duterte. Kung ang mga kilalang tao na ito at alagad ng diyos ay defenseless o walang kakayanan sa umiiral na culture of violence, paano pa ang mga maliit na mamamayan na walang boses sa lipunan? Wala nang pinakikinggan at kinikilala si Duterte kundi ang sariling kapangyarihan nito at kahit pa ang karapatan sa pananampalataya ng mamamayan ay nilapastangan nito sa kanyang garapalang pagkutya at pagtawag na ‘stupid God’ ang sagradong pinaniniwalaan ng mga mamamayang Kristyano. Sa isang banda, sa pagkakalat naman nito ng sapantahang may kaugnayan sa Kaliwa ang simbahang Katoliko, ikinokondisyon nito na maging lehitimong target ang mga taong simbahan dahil sa nagiging pagtutol ng mga ito sa hindi makataong patakaran ni Duterte.
Sino pa ang magtatanggol para sa kagalingan ng mamamayan, kung iisa ang kinasasapitan ng mga lumalaban para sa kanilang karapatan? Ito ang nais likhain ni Duterte: ang wala nang tumutol sa kanyang mga anti-mamamayang patakaran; ang maghasik ng absolutong karahasan para sa absolutong kapangyarihan.
Hindi kaiba ang ganitong sitwasyon sa pangkabuuang nagaganap ngayon sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan matapos dagsaan ng bata-batalyong deployment ng militar. Militarisado at tinayuan ng mga kampo at detachments ang mga sibilyang komunidad na may pakikibaka ang mamamayan sa kanilang tirikan at sakahan, upang bigyang daan ang proyekto ng malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Martial Law na ang umiiral sa Batangas sa ginagawa nitong karahasan, intimidasyon at pamamaslang sa itinuturing nito na kalaban ng gubyerno.
Unti-unti nang nabubulok ang Rehimeng US Duterte, kaya mahigpit ang pangungunyapit nito sa kanyang pwesto sa pamamagitan ng kanyang absolutong karahasan para makapanatili sa kanyang kapangyarihan. Suklam na suklam na ang mamamayan sa satanikong paghahari nito, at anumang oras ay sasambulat ang galit ng mamamayan na hindi na mapipigilan nang anupamang humaharang na kasamaan nito.
Ginising na ng kagutuman, paghihikahos, pamamaslang, pandarahas at malakas na hiyaw ng katarungan ang mamamayan sa lalawigan. Hindi na kayang sikmurain pa ng mamamayan ang ganitong tanawin sa araw araw. Iisa ang sigaw ng mga biktima, mga panggitnang pwersa, taong simbahan at maralita, magsasaka at mga manggagawa, hustisya para sa lahat. Samantalang naglalatang na ang apoy sa dibdib ng mamamayan, ang kultura ng karahasan at kawalan ng pananagutan ay tatapatan ng kultura ng paglaban ng mamamayan.
Ang mamamayan ang tagapaglikha ng kasaysayan, pipiliin ng mamamayan ang magandang wakas ng kuwento ng rehimen ni Duterte, kaparis ng sinapit ni Marcos, papatalsikin ito ng mamamayan at kamumuhian ang kamay na bakal ng butangero, pasista, walang paggalang sa karapatang pantao, lapastangan sa kababaihan at berdugong pangulo. Ang karahasang ipinataw nito sa mamamayan, ang siyang tatapos sa masaklap na araw ng kanyang panunungkulan, katulad ng sinapit ng maraming napaslang, sinisipat na ng mamamayan ang pagbagsak ng Rehimeng US-Duterte.
Mamamayang Batangueño, Magkaisa! Biguin ang Martial Law ng rehimeng US-Duterte!
Sagot sa Martial Law, Digmang Bayan!