Pagpupugay at pakikiisa sa pakikibaka ng mamamayan ng Myanmar
Read in: English
Pulang pagbati ang ipinaaabot ng PKP-TK sa mamamayan ng Myanmar sa mahigit dalawang buwang halos araw-araw na pagprotesta laban sa mabagsik na huntang militar. Malaking inspirasyon ang kanilang pakikibaka na hindi napigilan ng pandemya at karahasan ng estado. Marapat lamang itong suportahan ng mga mamamayan sa daigdig na mapagmahal sa kalayaan at demokrasya.
Matatandaang nagkudeta ang Tatmadaw (mga pwersang militar sa Myanmar) noong Pebrero 1 para patalsikin ang mga demokratikong halal na mga upisyal ng bansa. Inagaw nila ang kapangyarihan matapos matalo ang kanilang prenteng partido sa partido ni Aung San Suu Kyi, ang lider ng sibilyang burukrasya. Ibinilanggo rin sina Suu Kyi at matagal na hindi inilitaw bago isinakdal sa kanilang korte. Mahigpit itong kinundena ng mamamayang Burmese at nagprotesta para palayain si Suu Kyi at ibalik ang demokrasya sa kanilang bayan.
Mahusay na halimbawa at karapat-dapat tularan ang laksa-laksang mamamayang Burmese na nagpoprotesta laban sa diktadura. Kahanga-hanga ang isinasagawa nilang mga mabilisang protesta o gerilyang rali upang patuloy na maipaabot ang kanilang pagtutol. Nakakapagtipon din sila sa pamamagitan ng iba pang pamamaraan o aktibidad kagaya ng mga vigil. Sa maraming syudad, nagbabarikada ang mga nagpoprotesta at nagtatanggol gamit ang anumang sandata na mahahawakan tulad ng air guns, molotov cocktails, bato, pamalo at iba pa.
Patuloy na sinisikil ng Tatmadaw ang mamamayan ng Myanmar. Marahas na dinidispers ang mga nagpoprotesta kung saan humigit-kumulang na sa 570 raliyista ang pinaslang, 46 dito ay mga bata. Noong Marso 27, umabot sa 141 ang pinaslang ng mga militar na tinaguriang pinakamadugong araw sa Myanmar.
Sa parehong araw, inatake at dinamay ng mga militar ang mga grupo ng pambansang minorya sa kanilang kampanyang panunupil. Naglunsad sila ng air raids sa Silangang bahagi ng Karen State sa kabila ng umiiral na ceasefire sa pagitan ng Karen National Union (KNU) at gubyernong Myanmar. Libu-libong katutubo ang nasugatan at lumikas patungo sa mga kahanggang bansa ng Thailand at India habang 20 ang namatay. Ginawa ito ng Tatmadaw upang maghasik ng takot at pigilan ang pagkakaisa ng buong bansa. Pinutol pa ang internet para hadlangan ang mga pagtitipon.
Ang walang humpay na pandarahas ng huntang militar ng Myanmar ay umani ng kaliwa’t kanang pagbatikos sa internasyunal na komunidad. Nakikiisa ang PKP-TK sa pagkundina sa mararahas na dispersal at panunupil ng mga pwersang panseguridad ng hunta sa mamamayan ng Myanmar, kabilang ang mga bata, at atrosidad sa mga minorya.
Sa ganitong diwa, sumusuporta ang PKP-TK sa pakikibaka ng mamamayan ng Myanmar. Makatarungan ang pagkakapit-bisig ng lahat ng mga mamamayang niyuyurakan ang karapatan. Kailangang patuloy na igiit ng mamamayang Burmese ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya laban sa mapaniil na diktadurang militar at nang walang sumasagkang dayuhang kapangyarihan. Makatarungang magsulong ng armadong paglaban upang kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya. Punumpuno ng aral ang pakikibakang Burmese at Pilipino sa pagsusulong ng laban sa diktadura at paglalansag sa pagkubabaw ng imperyalismo sa mahihirap na bayan.###