Pagpupugay kay Kasamang Julius Giron!
Sa tabing ng dilim bago madaling-araw ng Marso 13 sinalakay at pinaslang ng mga berdugong galamay ng pasistang estado si Kasamang Julius Giron at 2 pang kasama sa Baguio City.
Si Kasamang Julius ay nagpapagaling sa malubhang karamdamang acute pancreatitis na tumama sa kanya noong Hulyo 2019, sumira sa kanyang bato at nagpwersa sa kanyang magpasyudad para magpagamot. Ang pagpatay sa kanya ay walang pasubaling isa na namang kaso ng extrajudicial execution, pampulitikang pamamaslang, pagpatay sa hors d’combat na labag sa mga internasyunal na makataong batas, at bahagi ng madugong kampanya ng pamamaslang ng pasistang rehimeng Duterte at AFP-PNP sa mga rebolusyonaryo at iba pang lumalaban.
Si Kasamang Julius na mas kilala sa rebolusyonaryong hanay bilang Kasamang Alban, Amian, Nars, Kiko ay 69 taong gulang. Nagluluksa ang Partido, Bagong Hukbong Bayan, mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines at ang rebolusyonaryong masa. Ipinagluluksa rin natin ang kasamang duktor at taguyod na idinamay sa walang-awang pagpaslang.
Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pasistang kalupitan, pang-aabuso at arogansya ng uhaw-sa-dugong papet na rehimeng Duterte at mersenaryong AFP-PNP. Walang pakundangang nilalapastangan nila ang sarili nilang mga batas, ang internasyunal na mga pamantayan at makataong batas, gayundin ang kasunduang CARHRIHL na pirmado ng GPH at NDFP dala ng hibang na ambisyong suhayan ang papet na estado at lunurin sa dugo ang mga naghahangad ng pundamental na pagbabago sa lipunan.
Hindi kailanman matutupad ang kanilang buktot na hangarin. Ang mga pasistang kalupitan at panunupil ay lalo lamang nagpapasilakbo sa galit at paglaban ng mga api at busabos. Sa bawat Kasamang Alban na kanilang pinapaslang, maraming libo pang anak ng bayan ang napupukaw at tumitindig upang ipagpatuloy ang paglaban hanggang magapi ang paghahari ng mga pasista, papet at reaksyunaryo.
Nagdadalamhati tayo dahil malaking kawalan sa Partido at rebolusyon si Kasamang Alban. Kaalinsabay, binibigyang-pugay natin siya dahil sa mga kahanga-hangang nagawa sa mahaba at matapat na paglilingkod sa proletaryado at sambayanan. Pinaparangalan natin siya bilang huwarang komunistang pinuno, kadre at mandirigma na gumanap ng krusyal na papel sa pagsusulong ng kilusan at paglampas ng Partido sa mga kagipitan. Dahil sa kanyang maningning na rekord, inihalal siya ng Ikalawang Kongreso ng Partido bilang isa sa mga pangalawang tagapangulo at kagawad ng Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika at Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral.
Si Kasamang Alban ay mahusay na lider ng Cordillera at hilagang Luzon. Siya ay may dugong-Igorot at nag-ukol ng malaking bahagi ng kanyang rebolusyonaryong pag-aaral at praktika sa usapin at pakikibaka ng minoryang mamamayan. Ginamit niyang gabay ang Marxista-Leninista-Maoistang teorya at linya ng Partido sa usaping pambansa, demokratikong rebolusyong bayan, at matagalang digmang bayan sa pagsisiyasat at pag-unawa sa mga partikular na katangian at pangangailangan ng lipunan at rebolusyon sa Cordillera. Binigyan niya ng partikular na pansin ang mga leksyong hinalaw ng Partido mula sa mga karanasan sa maagang yugto ng pakikidigmang gerilya at paglaban sa pasistang diktadurang US-Marcos at ang paglalapat ng mga ito sa paglilinaw sa linya ng integradong pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan at pakikibaka para sa pagpapasya-sa-sarili ng minoryang mamamayan ng Cordillera. Sa gayon, narating ng kilusan sa rehiyon ang wala pang kapantay na lawak, lakas at pamumuno sa mamamayang Cordillera at ang pakikibakang Cordillera ay naging tampok na pwersa sa pakikibaka ng mga pambansang minorya, pakikibakang antidiktadura at buong pakikibakang pambansang demokratiko.
Kabilang si Kasamang Alban sa makapangyarihang hukbong aktibistang iniluwal ng Unang Sigwa ng 1970 na nagpalaganap ng kilusang propaganda sa buong bansa at naghasik ng binhi ng armadong pakikibaka sa iba’t ibang rehiyon. Gaya ng libu-libong iba pang kabataang estudyante, agad siyang bumalik sa rehiyong kinagisnan upang ipalaganap ang propagandang pambansang demokratiko, magbuo ng mga balangay ng Kabataang Makabayan at iba pang progresibong organisasyong masa, at mag-umpisa ng puspusang gawaing propaganda, pag-oorganisa at pagpapakilos sa hanay ng masang anakpawis at iba pang demokratikong uri sa kalunsuran at kanayunan. Nang marekrut sa Partido noong 1971, tumayo siyang kalihim ng Komite ng Partido sa Syudad ng Baguio at Direktor ng Rehiyunal na Kawanihan sa Unyon ng Manggagawa.
Mula 1973 nagkonsentra siya sa pakikibaka sa kanayunan. Naging kalihim siya ng Sangay ng Partido sa Platun ng BHB sa Montañosa (Ifugao-Benguet-Mountain Province) at Upisyal Pampulitika ng Platun. Naging kagawad siya ng Komiteng Tagapagpaganap ng Partido sa Rehiyong IMP at kabilang sa mga nanguna sa pagpapalawak ng mga sonang gerilya, pag-oorganisa ng mga minoryang Cordillera, pagbubuo ng mga sandatahang yunit pampropaganda ng hukbong bayan at pagsisimula ng pakikidigmang gerilya.
Noong 1974 nadakip siya at malupit na pinahirapan ng mga tortyurer ng pasistang diktadura. Sa harap ng matinding pahirap at peligro, hindi kailanman natinag ang kanyang paninindigan at katapatan sa Partido at mga rebolusyonaryong prinsipyo. Hindi siya nagdalawang-isip kailanman sa kanyang komitment sa rebolusyon at sambayanan. Sa ilang taong pagkakabilanggo, naging isa siyang pangunahing lider ng mga bilanggong pulitikal na matapang na nagpatuloy ng paglaban, nagtransporma ng mga preso tungong iskwelahan, pandayan at sentro ng protesta at pakikibaka.
Nakatakas siya noong 1979, agad na bumalik sa kanayunan, at tuwirang lumahok sa komprehensibong pagsulong at paglakas ng pakikibakang Coordillera. Pinamunuan niya ang Komiteng Probinsyal ng Kalinga noong umabot sa kaigtingan ang armado at di-armadong paglaban sa mapandambong na proyektong Chico Dam ng pasistang diktadura. Naging kagawad siya ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon ng IMP (Ilocos-Montanosa-Pangasinan) at kagawad ng Komisyon sa Hilagang Luzon.
Ang apat na laking-distritong larangang gerilya sa Cordillera, na may tig-isang laking platung sandatahang yunit pampropaganda ay masiglang lumawak nang paalun-alon sa tulong at tulak ng makapangyarihang pagdaluyong ng mga protesta at pakikibakang masa laban sa Chico Dam, Cellophil at pambansang pang-aapi, at laban sa pasistang diktadura. Nasaklaw ng armadong pakikibaka ang lahat ng probinsya, lumaganap at dumalas ang mga taktikal na opensiba ng hukbong bayan, bumilis ang pagtatayo ng mga bagong platun at iskwad bunga ng pagdami ng sandata mula sa mga taktikal na opensiba. Lumawak at lumakas ang mga organisasyong masa, ang mga antipyudal na pakikibaka, pag-oorganisa at pagpapakilos laban sa pambansang pang-aapi at ang iba’t ibang tipo ng kampanya at pakikibakang masa, at ang pagbubuo ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. Sa iba’t ibang saklaw at antas, lumawak at lumakas ang mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa at pakikibaka sa pamamagitan ng mapanlikha at maramihang-panig na kumbinasyon ng mga armado at di-armado, iligal, malaligal at ligal na mga anyo ng organisasyon at pakikibaka. Itinatag ang Cordillera People’s Democratic Front bilang komprehensibong rebolusyonaryong nagkakaisang prente ng mamamayang minorya para sa pambansang demokrasya at karapatan sa pagpapasya-sa-sarili.
Sa ika-9 na Plenum ng Komite Sentral nahalal si Kasamang Alban bilang regular na kagawad ng Komite Sentral. Naging kalihim siya ng Komiteng Rehiyon ng Cordillera noong 1986 at pangalawang tagapangulo ng Komisyon sa Hilagang Luzon noong 1987. Pinamunuan niya ang paglaban sa panghahati ng Pangkating Balweg-Molina-Ortega at kanilang kampanyang mag-udyok ng kontrarebolusyonaryong lokalismo sa hanay ng masang minorya laban sa Partido, BHB, CPDF at mga elementong galing sa patag. Pagkatapos humiwalay sa Partido at hukbo, mabilis na inilantad ng pangkatin ang bangkrap nilang linya at katangian nang sumuko sa reaksyunaryong gobyerno at naging mga bayarang paramilitar ng AFP.
Sa ika-10 Plenum ng Komite Sentral nanindigan si Kasamang Alban para sa mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo ng Partido at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, laban sa rebisyunismo, kaliwa at kanang oportunismo, at iba pang malulubhang paglihis. Nahalal siyang kagawad ng Kawanihang Pampulitika at Komisyong Militar habang gumaganap ng tungkulin bilang tagapangulo ng Komisyon sa Hilagang Luzon. Pinamunuan niya ang mga organisasyon ng Partido sa hilagang Luzon sa puspusang pagpuna at pagwawasto sa malulubhang kakulangan at kahinaan at sa mahirap na pagpapanibagong-lakas mula sa malalaking pinsala at pag-atras habang nagtatanggol laban sa todong gyera ng papet na rehimeng Ramos at todong pananabotahe at panghahati ng mga kontrarebolusyonaryong taksil na nakapuslit sa pamunuan ng Partido, hukbo at NDFP. Nabigo ang mga atake mula sa labas at sa loob na nagtangkang ganap na durugin ang Partido at rebolusyon. Nakapagpanibagong-sigla ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa bagamat patuloy hanggang ngayon ang pagbawi sa dating saklaw at lakas.
Sa ika-11 Plenum ng Komite Sentral nahalal siyang kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral at tumupad ng mahahalagang tungkulin sa pambansang pamumuno. Sa katungkulang ito pinamunuan niya ang pagtiyak sa kaligtasan at muling pagtitipon ng mga sentral na organo ng Partido nang mapuruhan ng atake ng kaaway. Higit pa, gumanap siya ng pangunahing papel sa koordinasyon, paghahanda at pagdaraos ng Ikalawang Kongreso ng Partido na lalong nagpatibay sa pagkakaisa at paninindigan ng Partido sa mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo at sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Kinilala ng Ikalawang Kongreso ng Partido at binigyan ng ibayo pang tulak ang pagpapaunlad at promosyon ng malaking bilang ng mga kadreng kabataan at nasa kasibulan sa iba’t ibang saklaw at larangan ng pakikibaka. Lalong pinatibay nito ang Partido para sa pagpupursigi sa landas ng armadong rebolusyon sa harap ng total war ng pasista, papet at reaksyunaryong rehimeng US-Duterte at magiting na pagwawagayway ng pulang bandila ng proletaryong rebolusyon sa panahon ng transisyon tungo sa panibagong paglakas ng pandaigdigang rebolusyong sosyalista.
Sa panahon ng mga mahigpit na pagsubok, pinatunayan ni Kasamang Alban ang kanyang lubos na katapatan at dedikasyon sa Partido at rebolusyon. Sa malalaking usapin palagi niyang mulat na binibigyan ng pinakamataas na pagpapahalaga ang mga rebolusyonaryong prinsipyo, ang pananalig at pakikipagkaisa sa malawak na masa, ang pagtataguyod sa pamumuno at pagkakaisa ng Partido, at ang optimismo sa maaliwalas na kinabukasan para sa rebolusyon at sambayanan. Hanggang sa katindihan ng kanyang karamdaman, ang palaging nangunguna sa isip niya ay ang mabilis na pagbalik sa tungkulin at pag-aambag sa pakikibaka ng uri at bayan.
Nawala man sa atin si Kasamang Alban, dakila ang kanyang pamanang halimbawa at mga aral. Mahalin natin ang kanyang alaala at matatag na tahakin ang kanyang proletaryong rebolusyonaryong landas.
Mabuhay si Kasamang Alban!
Mabuhay ang Partido!
Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!