Pagpupugay kanila Kasamang Rudy Daguitan at Nora Miguel
Pinakamataas ng pagpupugay at parangal ang ibinigay ng buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ng Kalinga para kanila Rudy Daguitan at Nora Miguel, mag-asawa at parehong mga beteranong pulang mandirigma na nagmartir sa isang labanan sa pagitan ng isang yunit ng NPA-Kalinga at mga tropa ng 50IB-PA noong Marso 15, 2021 sa Barangay Gawaan, Balbalan, Kalinga.
Hindi matatawaran ang kontribusyon at sakripisyo nila Ka Pinpin at Ka Lanie para iabante ang digmang bayan sa probinsya. Sila ay matatagal ng mga Hukbo at kabilang sa mga nanindigan at nagsulong ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto hanggang sa naibangon muli ang sigla ng rebolusyonaryong kilusan sa Kalinga. Nagtagpo sila sa gitna ng maigting na pakikibaka bilang magkasama hanggang sa nakabuo sila ng isang rebolusyonaryong pamilya. Kahit pa mahirap ang pagrerebolusyon, sinikap nilang ipatupad ang kanilang mga tungkulin bilang Hukbo, kadre ng Partido at bilang magulang.
Si Ka Pinpin ay isang kadre pulitiko-militar habang si Ka Lanie ay isang mahusay na opisyal pangkalusugan. Sila ay mga mahuhusay na anak ng bayan na nakagagap kung bakit kinakailangang magrebolusyon. Niyakap nila ang rebolusyon dahil naniniwala silang ito lamang ang tanging solusyon sa daan-daang taong pagkakabusabos ng mamamayang Pilipino.