Pagpupugay Kasamang Kyla! Ang dakilang martir ng rebolusyong Pilipino!
Read in: English
Kami sa hanay ng Artista at Manunulat ng Sambayanan sa rehiyong Bikol ay taas kamaong nagpupugay kay Kerima Lorena Tariman (Kasamang Kyla). Pulang saludo Ka Kyla!
Isang artista ng bayan, si Ka Kyla ay nag-ambag hindi lang ng kanyang talento sa sining sa kanyang kinilusang mga komunidad sa Camarines Sur, kundi maging ng disiplina at pagkamalikhain sa lahat ng aspeto ng gawaing iniatas sa kanya.
Ang pagmamahal niya sa kanyang kasanayan sa sining ay ipinamalas niya sa pagmamahal sa masang kanyang pinagsisilbihan. Sa bawat tahanang kanilang mabasehan, magiliw siyang nagbabahagi ng mga pampulitikang propaganda at pampartidong edukasyon, kanyang mga karanasan at ng iba pang mga kasama. Bago sila umalis, hindi mapigilan ng masa ang maluha sa awit na iniiwan nila bilang pasasalamat at pangako sa pagkikitang muli. Ipinatimo sa amin ni Ka Kyla kung gaano kahalaga ang gawaing ito sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masa. Kung paano iintegra ang gawaing ito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang mandirigma at magsisilbi sa interes ng masa.
Sa kanyang pagpanaw, ramdam ng bawat isa sa amin ang pagkapoot sa pasistang militar na kumitil sa kanyang buhay at ilan daang libong iba pa. Ano ba naman ang aasahan natin sa mga berdugong utusan ng anumang kriminal na rehimen? Kalakaran na nilang pumaslang ng mga tulad ni Ka Kyla – mga nanindigan at nakibaka para sa interes ng nakararaming inaapi.
Ngunit walang dapat ipangamba. Ilinibing man ang kanyang katawan sa lupa ay hindi mawawaglit sa aming mga puso at isipan ang ritmo ng kanyang mga alaala at mga aral. Mananatili itong buhay sa lahat ng mandirigma, rebolusyonaryo at mga nakakilala kay Ka Kyla – sa saliw ng bawat awit at tula na kanyang ibinahagi sa amin. Mananatiling buhay ang araw-araw na pakikisalo niya sa mga sakripisyo, balakid at mga kahirapan sa harap ng sari-saring mga tunggalian. Maging ang masasayang karanasan na ibinahagi niya sa amin at ang mga pagsisikap na pag-abante sa araw-araw na rebolusyonaryong gawain.
Ang dakilang ambag ni Ka Kyla sa pagsusulong ng rebolusyon sa Kabikulan ay mananatiling sandata ng lahat ng rebolusyonaryo sa pagpapatuloy ng pakikibaka laban sa mapang-api at mapagsamantalang naghaharing uri. Ang hangaring wakasan ang sistemang mala-pyudal at malakolonyal ng bawat rebolusyonaryo ay hangarin ng libu-libong mamamayan. Maasahan ng lahat ng mga kasamang nag-alay ng buhay na hindi masasayang ang kanilang nasimulan.