Pagpupugay kay Dr. Maria Lourdes Tangco-Manggagamot ng Sambayanan
Sa gitna ng matinding krisis panlipunan na idinudulot ng banta ng Covid 19 sa kalusugan ng mamamayang Pilipino, isang dakilang duktor ng bayan ang walang-pakundangang pinaslang ng rehimeng US-Duterte. Si Dr. Maria Lourdes Tangco na mahigit nang 60 taong gulang, kasama ang kanyang pasyente at isa pang indibidwal, ay pinagbabaril ng mga ahente ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police noong ika-13 ng Marso, 3:30 ng madaling araw, sa Baguio City. Ang tatlo ay tulog sa mga oras na iyon at walang kalaban-laban.
Si Dr. Tangco ay nagtapos sa University of the Philippines College of Medicine/ Philippine General Hospital. Habang ang karamihan sa mga kasabayan niyang duktor ay tumungo sa ibang bansa o sa malalaking ospital sa Maynila, pinili niyang makipamuhay at magsilbi sa mga komunidad ng mga pambansang minorya sa Cordillera. Nagpakadalubhasa siya sa mas malalalim na dahilan ng pagkakasakit ng pasyenteng Pilipino – mga dahilang malayong mas masahol at mas mabagsik sa Covid 19. Ito ay ang mga salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo na mistulang mga parasitikong sumisipsip sa yaman, rekurso at lakas-paggawa ng Pilipinas. Nasaksihan ito mismo ni Dr. Tangco sa pakikibaka ng mga tribu sa Kalinga at Mountain Province, laban sa Chico River Dam Project na ipinapataw sa kanila ng diktadurang US-Marcos noong dekada sitenta.
Mula sa ganitong pagkamulat, tumugon si Dr. Tangco sa hamon na maging bahagi ng pangkabuuang rebolusyonaryong kilusan. Pinili niyang sumampa sa New People’s Army (NPA) upang higit pang mapalawak ang balangkas ng kanyang pagsisilbi sa sambayanan. Isang naging pangunahing gawain niya ay ang pagsasanay ng mga medic. Ang mga Hukbong nagmula sa uring magsasaka, manggagawa at peti-burgesya, na hindi man nakatungtong sa medical o nursing school, ay nahubog niya para maging mga manggagamot ng masa.
Ang mga medic ng NPA ay may kakayahang mangalaga ng mga sugatan, gumamot ng mga sakit, magbunot ng ngipin at mag-opera ng mga bukol. Bihasa sila sa paggamit ng akupangtura at halamang-gamot. Kasama sila sa pagpapadaloy ng mga kampanyang masa upang maigiit ng mamamayan ang mga serbisyong pangkalusugan na nararapat lamang ibigay ng reaksyunaryong estado sa kanila. Nagbubuo din ng mga grupo pangkalusugan sa mga baryo na siyang nagbibigay-serbisyo, nagtuturo tungkol sa pangangalaga ng kalusugan at pag-iwas sa sakit at nagpapadami ng mga halamang-gamot.
Sa kanayunan ng Mindanao, Cagayan Valley at Cordillera napanday si Dr. Tangco. Hinubog siya ng simpleng pamumuhay – winaswas ang puting uniporme na karaniwang suot sa ospital at kinalimutan ang katawagang ‘Doktora’, ‘Doc’ at ‘Ma’am’. Bagkus ay nakilala siya sa mga alyas na Ka Del at Ka Morrie.
Hindi lamang sa gawaing medical ng NPA naging aktibo si Dr. Tangco. Siya rin ay naging mahusay na instruktor ng iba’t-ibang kurso ng Partido. Naging Kalihim siya ng Regional Medical Staff at bahagi ng mga Komite ng Rehiyon kung saan siya kumilos. May isang panahon ding naging organisador siya sa hanay ng mga manggagawa.
Ang buhay ni Dr. Tangco ay isang hamon at inspirasyon sa lahat ng mga propesyunal, manggagawang pangkalusugan at medic ng NPA. Ang mga sakit ng mamamayan ay hindi kailanman mabibigyan ng karampatang lunas sa loob ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Kailangang maging bahagi ng armadong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya at ng sosyalistang konstruksyon na susunod dito. Sa sosyalismo lamang matatamasa ng sambayanan ang lubos na kalusugan.