Pagpupugay kay Jan Michael ‘Ka Simon’ Ayuste, mabuting anak at siyentista ng bayan!
Taos-pusong nakikidalamhati ang Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) sa naulilang pamilya, kasama, at kaibigan niJan Michael ‘JM’ Ayuste. Si JM, na mas kilalang mamamayan sa Cordillera at Ilocos bilang Ka Simon, ay pinaslang ng pinagsanib na yunit ng teroristang 69th Infantry Battalion ng Philippine Army (PA) at lokal na Philippine National Police (PNP) sa Gueday, Besao, Mt. Province noong ika-30 ng Oktubre 2021. Magiting na lumaban si Ka Simon at Ka Corel hanggang sa kanilang huling hininga sa mga pasistang kaaway sa araw na iyon. Tumatangis ngayon ang sambayanan para kay Ka Simon at Ka Corel na nag-alay ng kanilang buhay para sa kapakanan ng mamamayan at para sa pambansang demokratikong rebolusyon.
Si Ka Simon ay isang mahusay na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Nagmula siya sa saray ng mababang petiburgesya. Kinakitaan ng kakaibang talino siJM mula pagkabata. Nakuha nya ang pinakamataas na parangal bilang valedictorian noong nagtapos siya ng hayskul. Sa kabila ng oportunidad na magkaroon ng magandang karir bilang propesyunal na nakapagtapos ng kursong Biology sa Polytechnic University of the Philippines, mas pinili niya ang buong panahon na maglingkod sa mamamayan at isulong ang rebolusyon.
Naunang namulat si JM sa panlipunang katotohanan habang siya ay nag-aaral. Naging aktibong kasapi siJM ng LAB kung saan magkasabay niyang isinulong ang adhikaing makamit ang pambansang industriyalisasyon, tunay na repormang agraryo, at iba pang demokratikong karapatan ng mga mamamayan. Kaalinsabay, naunawaan niya agad ang pangangailangang isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon upang makamit ang pangmatagalan at makatarungang kapayapaan, kalayaan, at kaunlaran sa ating bansa. Nang matapos sa kolehiyo, nagpatuloy at masigasig na ginamit ni JM ang kanyang talino, lakas, at oras sa pag-oorganisa ng mga kapwa niya syentista, pagbibigay ng teknikal na serbisyo sa mga batayang sektor, at paglahok sa mga kampanya na nagtataguyod ng kagalingan ng mga mamamayan.
Bilang rebolusyonaryong siyentista, lumahok siya sa mga pagkilos para isulong ang iba’t ibang isyung kinakaharap ng mamamayan. Isa sya sa mga boluntir na eksperto sa mga iba’t ibang siyentipikong pagsisiyasat at pananaliksik sa lalawigan ng Pampanga, Nueva Vizcaya, Batangas, Isabela at Palawan. Ang mga pag-aaral na ito ay tumulong sa paglalantad sa mga mapandambong na pribado at dayuhang korporasyon kasapakat ang mga malalaking burgesya-komprador at panginoong maylupa na nagmamay-ari ng mga dambuhalang pagmimina, dambuhalang dam, coal-fired powerplant at iba pang mga mapaminsalang proyektong sumisira sa kalikasan, kultura at kabuhayan ng mamamayan. Kasama siJM sa paglatag ng mga siyentipikong batayan para sa mas mahigpit na kaisahan at paglaban ng mamamayan sa reaksyunaryong gobyerno at mga dambuhalang korporasyon na kumakamkam sa ating lupain, dumarambong sa pambansang patrimonya ay sumisira sa kapaligiran.
Sa kanyang pagkilos sa kalunsuran, aktibo siyang lumahok sa mga kampanya at kilos-protestang tumutunggali sa mga mga patakaran at programa ng reaksyunaryong gobyerno na lalong nagpapalala sa pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan at nagsasadlak sa Pilipinas sa kumunoy ng kahirapan. Kabilang sa mga kampanyang ito ang panawagan para sa maayos at abot- kayang pampublikong transportasyon, panawagan laban sa mataas na singil sa kuryente at telekomunikasyon, pagbabasura ng kontraktwalisasyon sa mga manggagawa at iba pa. Masigasig din siyang lumubog sa mga maralitang tagalunsod at nagturo ng iba’t ibang batayang konsepto ng siyensa, literasiya at numerasiya.
Mabilis ang paghakbang pasulong niJM. Nagpasya siya na ilaan ang ang kanyang buong panahon at kaalaman para sa pagsusulong ng kagalingan ng mamamayan at rebolusyon sa kanayunan. Sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan. Sa Kabila ng kanyang balingkinitang pangangatawan, nagawa ni Ka Simon na pangibabawan ang mga hamon at kahirapan sa pagkilos sa kanayunan. Nanatili siyang determinado at masikhay sa kanyang paggampan bilang rebolusyunaryong hukbo ng masa. Partikular na naging ambag ni Ka Simon ang pagbabahagi niya ng kanyang kaalaman sa agham at teknolohiya na kapaki-pakinabang sa kabuhayan ng mga mamamayang Kankanaey at Ilocano, na sa ilalim ng kasalukuyang bulok na sistema ay hindi naabot o salat ang pampublikong serbisyo na kanilang natatanggap mula sa reaksyunaryong gobyerno.
Sa kanyang mga sulat, ibinahagi ni Ka Simon sa amin ang mga hamon, tagumpay, at pag-unlad ng rebolusyunaryong kilusan sa Cordillera. Magiliw niyang ikinuwento ang kanyang mga karanasan, kapwa mahihirap at masasaya, sa pakikipamuhay sa mga mamamayan ng Cordillera. Gayundin ang patuloy na hamon sa mga kapwa siyentista na mag-ambag ng kanilang talino, kaalamang tekninal at kagalingan sa mamamayan sa kanayunan.
Hinding-hindi malilimutan ang kabayanihan ni JM, Ka Simon. Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Liga ng Agham Para sa Bayan sa isa sa mga pinakamahusay na Siyentista ng bayan na hindi nagdalawang-isip na ialay ang kanyang buhay para sa rebolusyon. Walang humpay na isusulong ng LAB ang iyong mga simulain hanggang sa tagumpay! Patuloy na mag-aambag ang LAB sa pagsulong ng digmang bayan tungo sa estratehiyong pagkapatas. Tiyak na maraming siyentista ng bayan na tulad niya ang papalit at tatangan ng armas na kanyang naiwan.
Dakilain natin ang alaala ni Ka Simon, ituloy natin ang kanyang sinimulan.
Siyentista ng bayan, maglingkod sa mamamayan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!