Pagpupugay kay Kasamang Lorelyn Saligumba!
Pinakamataas na parangal ang ibinibigay ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan kay Kasamang Lorelyn Saligumba, isang bayani at martir ng rebolusyon at sambayanan. Si Kasamang Lorelyn ay isang manggagawang pangkalusugan na nagpasyang yakapin ang landas ng rebolusyon at armadong pakikibaka at iukol ang kanyang buong buhay sa pagbibigay ng serbisyo sa masa sa kanayunan na matagal nang pinagkakaitan ng serbisyong medikal at disenteng kabuhayan ng bulok na sistema.
Nakabilang siya sa mga progresibong manggagawang pangkalusugan na iligal na inaresto, ikinulong at sinampahan ng gawa-gawang kaso na nakilala bilang Morong 43 noong Pebrero 6, 2010. Makaraan ng isang taon matapos lumaya, higit na tumibay ang kanyang realisasyon na ang gamot sa nagnanaknak na kanser ng lipunan ay mahahanap lamang sa rebolusyonaryong pagbabago ng lipunang Pilipino sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Sa ganitong sirkunstansya, naghanap siya ng ugnay sa New People’s Army sa pamamagitan ng kanyang mga kababaryo na kasapi ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa kanilang lokalidad—at nagsimula ang kanyang matapat at walang pag-iimbot na paglilingkod sa interes ng masang api at pinagsasamantalahan.
Walang pag-aalinlangang tinanggap nya ang tungkuling balikan ang mga pansamantalang naiwanang lugar upang maghatid ng serbisyong medikal at edukasyon sa masa sa pagharap at paglaban sa Covid-19. Nasa proseso ng pagtupad ang kanyang yunit ng misyong medikal nang kubkubin ng militar ang kanilang pwesto noong Hunyo 4, 2020 sa Barangay Mangangan Uno, Baco, Oriental Mindoro.
Nasugatan at tinamaan si Ka Lorelyn sa binti at nagawa nya pang mag-tourniquet at lagyan ng benda ang kanyang sugat para patigilin ang pagdurugo bago pagapang na umatras. Inabutan siya ng mga kaaway sa sapa habang gumagapang papalayo at isa nang hors de combat o wala nang kakayanang lumaban. Buhay siyang nadakip, ininteroga at sinakal pa bago walang awa siyang pinaslang at tinadtad ng bala ang kanyang katawan ng mga pasista.
Mariing kinukundena namin ang 203rd Infantry Brigade sa ilalim ni Col. Jose Augusto Villareal sa ginawang pagpaslang kay Ka Lorelyn–na isa nang sugatan at wala nang kakayahang lumaban—sa halip na bihagin na lamang siya at lapatan ng kaukulang lunas ang tinamong mga sugat mula sa tama ng mga punglo ng mga pasista. Malinaw na paglabag ito sa CARHRIHL at Protocol I at II ng 1977 Geneva Conventions.
Kinukundena namin ang malisyosong pag-uugnay ni General Burgos sa kaso ni Ka Lorelyn Saligumba na kabilang sa Morong 43 para iabswelto ang 202nd Infantry Brigade/2nd ID-PA at PNP sa iligal na pag-aresto, pagtatanim ng ebidensya at pagkukulong sa mga lehitimong health workers sa Morong, Rizal noong 2010.
Kung may nagpasya man sa nakabilang sa Morong 43 na hanapin sa rebolusyon at armadong pakikibaka ang solusyon sa malubha at malalim na ugat ng kabulukan ng naghaharing sistema, tulad ni Ka Lorelyn, ito ay nagmumula sa matibay nilang personal na paniniwala na kailangang tanggalin ang kanser ng lipunan sa isang rebolusyonaryong paraan. Sila mismo ang saksi kung gaano kabulok ang sistema ng hustisya ng reaksyunaryong rehimen at kung papaano minamanupaktura ang mga ebidensya ng mga pulis at sundalo para iligal na ikulong ang kanilang mga biktima. Ang mga inhustisya mismong ito ang nagtulak sa kanila na yakapin ang rebolusyonaryong solusyon at talikuran ang daan ng pagreporma sa mapagsamantalang sistema sa pamamagitan ng ligal at parlamentaryong paraan.
Kinukundena din namin ang pakitang-tao na “pagmamagandang-loob” ni General Burgos at 203rd IB na ibigay sa pamilya ang labi ni Kasamang Elmar Murillo na namartir sa isang labanan sa Socorro, Oriental Mindoro at ang pangako na ibibigay ang labi ni Ka Lorelyn sa pamilya’t kaanak nito sa Sablayan, Occidental Mindoro. Ipokrito si General Burgos at 2nd ID gayung mahigit isang buwan na pinigilan at bininbin ng 80th IB na makuha ng pamilya ni Ka. Noel Levanta ang labi nito na namartir sa Puray, Rodriguez, Rizal. Gayundin ang ginawang panggigipit ng 80th IB at 202nd IB para pigilan at binbinin na makuha ng asawa ang mga labi nina Kasamang Ermin Bellen at Lucio Simburoto na biktima ng ala-Tokhang na ejk ng militar at pulis sa Antipolo, Rizal noong Disyembre 5, 2019.
Ang naghaharing rehimen ay hindi na makapaghari sa bihis ng burges-demokrasyang mga palamuti. Nais nitong patayin ang mga lehitimong pagtutol ng mamamayan sa pamamagitan ng marahas at mapanupil na paraan. Nagpapakana ang NTF-ELCAC na kitlin ang lahat ng ligal na oposisyon at kritiko sa ngalan ng anti-komunismo. Higit pang pinatatalas ang pangil ng pasismo at terorismo ng estado sa pagsasabatas ng mas mabagsik na Anti-Terrorism Act of 2020 na niluto ng anti-mamamayang Senado at Kongreso.
Habang umiigting ang kontradiksyon sa lipunang Pilipino at krisis ng naghaharing sistema, ibayong mahuhubaran ang mga instrumento ng pasismo ng estado sa bansa na kinabibilangan ng mga sangay ng ehekutibo, lehislatibo at hudisyal kasama ang pwersang pangseguridad ng estado (AFP at PNP), mga kulungan at mga ahensya sa paglilinlang sa mamamayan. Higit nitong gagatungan ang paglaban ng mamamayan at pagyakap sa rebolusyon. Maraming Lorelyn Saligumba ang babangon sa hanay ng nakikibakang mamamayan upang humawak ng sandata at tahakin ang daan ng armadong pakikibaka.
Mabuhay ang rebolusyonaryong diwa ni Ka Lorelyn Saligumba, isang asawa, anak at mabuting ina sa kanyang mga anak. Ang kanyang bakas ay susundan ng libu-libong mamamayan na tulad nya ay ninanais na gamutin ang nagnanaknak na kanser ng lipunang Pilipino. Ang armas na kanyang nabitawan ay dadamputin ng mga tulad niyang mabubuting anak ng bayan upang ipagpatuloy ang kanyang ipinaglalaban para makamit ang tunay na kapayapaan, kasaganaan at demokrasya sa bansa.
Mabuhay si Ka Lorelyn Saligumba at ang kanyang rebolusyonaryong adhikain!
Kamatayan sa mga pasista!