Pagpupugay kay Kasamang Parts Bagani: Pulang Artista ng Sambayanan at Mandirigma
Ibinibigay ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Parts Bagani, magiting na Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at Pulang Artista ng Sambayanan. Labag sa mga batas ng digma, walang kalaban-labang pinaslang ng mga buhong na pasista si Ka Parts sa kanyang pansamantalang tinutuluyan sa Polomolok, South Cotabato noong Lunes. Hindi armado at wala siya sa katayuang lumaban. Siya ay 54.
Mula sa kaibuturan ng aming puso, nakikiramay kami sa mahal na asawa at mga anak, mga kamag-anak, kasama at kaibigan ni Ka Parts. Nagngangalit kami sa kalapastanganang ginawa ng mga kriminal na ahente ng pasistang rehimeng US-Duterte. Buong-lakas naming binabatikos at pinapanagot ang 5th Special Forces Battalion at ang Philippine National Police sa krimen ng ekstrahudisyal na pagpatay kay Ka Parts.
Nang siya ay paulanan ng punglo, ang tanging sandatang hawak ni Ka Parts ay ang hindi niya binibitiwang mga lapis, brotsa, pintura at papel. Ang mga ito ang ginagamit niya para lumikha ng matatalim na obrang pumupunit sa huwad na mga reaksyunaryong larawan at nagpapatalas sa diwa ng sambayanan.
Ang buong buhay at talino sa pagpinta at pagguguhit ni Ka Parts ay iniukol niya sa sambayanang Pilipino at sa kanilang rebolusyonaryong pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Habang tangan ang armalayt, sa gawaing militar at gawaing masa, lumilikha siya ng mga obra na sumasalamin sa paghahangad ng sambayanan na lumaya mula sa pang-aapi, pagsasamantala, gutom at kahirapan at para sa pambansang at panlipunang paglaya.
Si Ka Parts ay isang mahusay na mandirigma ng BHB at rebolusyonaryong manggagawang pangkultura, isang pintor at dibuhista. Habang nakatuon sa armadong pakikibaka, aktibo rin siyang lumahok sa larangan ng rebolusyong pangkultura. Aniya, pinili niya ang pangalang “Parts” na pagpapaiksi ng Pulang Artista ng Sambayanan.
Nagmula si Ka Parts sa uring petiburgesya, subalit ang kanyang puso at diwa ay para sa masang api at dusta. Espesyal ang pagmamahal ni Ka Parts sa masang Lumad kaya’t pinangalanan ang sarili na “Bagani” bilang pagsumpa na magsisilbi siya bilang kanilang mandirigma. Lumikha siya ng di mabilang na mga obra na nagbigay-buhay at kulay sa mga rebolusyonaryong pahayagan, mga libro at iba’t iba pang mga babasahin na nagmumulat sa masa at kinagigiliwan nila.
Katulad ng ibang rebolusyonaryong artista, inilarawan ni Ka Parts sa papel at kanbas ang larawan ng pagdurusa ng masang api at pinagsasamantalahan, ang imahe at buhay ng kanilang mga Pulang mandirigma, ang kanilang taimtim na paglilingkod sa masa, at kagitingan sa larangan ng digma. Ang mga pinipili niyang imahe at kulay ay nagbibigay-inspirasyon na makibaka para sa kinabukasang malaya.
Naging tanyag ang kanyang pangalan dahil sa natatanging estilo at paksa ng kanyang mga obra, kung saan palaging bida ang masa at ang kanilang mga mandirigma. Ang eksibit ng kanyang mga obra noong 2007 sa UP Diliman ay dinagsa at pinalakpakan ng madla, mga artista at kritiko.
Katulad ng lahat ng Pulang mandirigma, mapagkumbaba at walang hibo ng yabang o pagmamalaki si Ka Parts. Mahusay makisama at madaling makapagpalagayang-loob kahit sa mga bago niyang nakadaupang-palad. Hindi niya ipinagdadamot ang kanyang husay at tinuturuan ang sinumang nais matuto sa sining ng pagpipinta, pagguguhit at pag-uukit. Parati rin siyang nagtatanong at gustong matuto sa kaalaman at karanasan ng iba.
Habang nakilala sa kanyang mga obra bilang rebolusyonaryong artista, sa pangunahin, si Ka Parts ay isang mandirigma at kadreng militar ng BHB. May mayaman siyang karanasan sa digmaan, sa mga pagsulong at pag-atras, sa pangunguna sa mga taktikal na opensiba at sa pag-aaral ng sining ng digma. Ikinukunot niya ang kanyang noo sa pagbubuo ng mga hakbang para ibayong itaas ang kakayahan ng BHB at ng mga Pulang mandirigma sa armadong pakikibaka.
Ang kanyang kaalaman sa pagdidibuho ay ginagamit niya sa pagguhit ng mga plano sa mga taktikal na opensiba. Hindi matatawaran ang kanyang mga ambag sa pagsusulong ng armadong rebolusyon sa rehiyon ng Southern Mindanao at sa ibang bahagi ng Mindanao.
Ang buhay ni Ka Parts ay habampanahong magsisilbing inspirasyon sa sambayanang Pilipino, sa mga Pulang mandirigma at sa mga rebolusyonaryong artista sa iba’t ibang larangan ng sining na kaisa ng masang manggagawa at magsasaka sa paghahangad at pakikibaka na baguhin ang hugis ng lipunan at buong mundo, burahin ang pang-aapi at pagsasamantala at ukitin ang sistema na maunlad at malaya.