Pagpupugay kay Kasamang Ronnel Madrigal!
“Kung sa sakripisyo, kahirapan at kamatayan, tanggap ang kalagayang kailangan magbuwis ng buhay para sa mga kasama, lalo na sa bayan.“—Ka Sandee
Nilaan niya ang kanyang talino, kakayahan, at ang mismong buhay para sa Demokratikong rebolusyong Bayan. Simulang namulat at naging aktibista, malinaw ang kanyang perspektibang maglingkod sa sambayanang Pilipino bilang kasapi ng New People’s Army (NPA) o Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Siya si Ronnel Rhay Phoben Madrigal. Mula sa hanay ng kabataang estudyante. Kasapi siya ng pangmasang organisasyong pangkultura na nag-oorganisa sa hanay ng magsasaka.
Sa pamamagitan ng tuwirang pakikipamuhay sa magsasaka, higit niyang naunaawaan na sa pamamagitan lamang ng demokratikong rebolusyong bayan malulutas ang problema sa lupa ng masang magsasaka. Tanging Partido Komunista ng Pilipinas, sa tulong ng BHB ang nakapagpapatupad ng tunay na repormang agraryo sa iba’t ibang antas. Napagtanto din niya na ang mga panginoong maylupa at malalaking negosyante ay nakasalig sa AFP, PNP, mga maton at pribadong army para ipataw ang kanilang otoridad at walang patumanggang pang-aapi at pagsasamantala sa mga magsasaka at iba pang masang anakpawis. Kung ganon, kailangan ng masang anakpawis ng sarili nilang Hukbo na tutulong sa kanila para maitayo ang demokratikong gubyerno ng mamamayan at maipataw ang kanilang otoridad laban sa uring mapagsamantala at mapang-api.
Tunay ngang “kung walang Hukbo, walang ni anuman ang mamamayan.” Kaya noong Enero 2019, kusa niyang nilisan ang kalunsuran upang buong panahong kumilos bilang tunay na Hukbo ng masa.
Sa Zambales mountain Range, kanluran ng Gitnang Luzon nakilala siyang si ka Chen, ka Sandee, ka Rakim at ka Jam. Masayahin. Punong puno ng enerhiya. Masigasig sa gawain. Puspusan kung gumawa. Mahusay ang aktitud sa masa at mga kasama.
Sa loob ng Hukbo, higit niyang napaunlad ang kasanayang pangkultura. Halimbawa siya ng tunay na pangkulturang rebolusyonaryo sa kanyang buong pusong pagtatanghal—pagkanta, malikhaing galaw, rekording, video-editing, dula at iba’t iba pang malikhaing paraan. Sa pamamagitan ng mga pangkulturang pagtatanghal at likhang sining ay naihahatid sa masa ang mga pagsusuri at panawagan ng Partido, lalong napapahigpit ang pagkakaisa sa kanila at nahihikayat ang kanilang aktibong paglahok.
Sa maiksing panahon ay naging ganap siya na giyang pampulitika at pangalawang iskwad lider. Sa edad na 29, marami pa sana siyang maakumulang kaalaman at karanasan para sa higit pang paglilingkod sa sambayanan. Simple lang ang kanyang mga pangarap—na ang Platun na kanyang kinabibilangan ay maging magaling na koral o grupong mang-aawit at maging kabahagi siya ng pagbubuo ng lakas kumpanya na larangang gerilya.
Hindi man niya masasaksihan ang kaganapan ng kanyang pangarap, ito ay walang duda na magaganap. Inspirasyon ang kanyang buhay at kamatayan sa lahat ng masa na naghahangad ng tunay na panlipunang pagbabago. Inspirasyon ang kanyang buhay at kamatayan sa milyon-milyong kabataan na naghahangad ng tunay na serbisyong panlipunan—libre, pambansa, makamasa at siyentipikong edukasyon, makamasa at epektibong serbisyong pangkalusugan, pabahay, at kasiguraduhan sa trabaho. Magaganap ito sa pamununo ng Partido Komunista ng Pilipinas at pagpupunyagi sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan kasama ng Hukbo at nagkakaisang mamamayan.
Mabuhay ang walang kamatayang alaala ni ka Ronnel Rhay Phoben Madrigal! Ang kanyang kamatayan ay kabayanihan. Ang kabayanihan niya ay walang kamatayan!