Pagpupugay kay Neil Doloricon, artista ng masang anakpawis
Sa ngalan ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas, ipinaaabot ng Partido ang taos-pusong pakikidalamhati sa asawa at mga anak, kapamilya, mga kaibigan at kasama ni Leonilo (Neil) Doloricon, artista ng masang anakpawis, na pumanaw noong nagdaang Biyernes sa edad na 63.
Si Doloricon ay tanyag na dibuhista at pintor mula noong dekada 1980 na kilala sa kanyang mga obrang sumasalamin sa tunay na kalagayan ng bayan at ng mamamayan, laluna ang kawalan ng pambansang kalayaan, ang pagpapahirap at pang-aapi sa bayan at ang kanilang mga pakikibaka. Dahil dito, itinuturing siya na isa sa mga haligi ng sosyal reyalismo sa Pilipinas.
Naging dekano si Doloricon ng UP College of Fine Arts noong 1998-2001. Nagsilbi siyang tagapangulo ng Concerned Artists of the Philippines noong 2017-2021 at noong Mayo ay itinanghal na chairperson emeritus nito.
Ang mga obrang komiks o kartun ni Doloricon ay halos araw-araw lumalabas sa mga komersyal na pahayagan at sa mga pahayagan ng alternatibong midya. Ang kanyang mga dibuho, painting, mga inukit at iba pa ay itinanghal sa iba’t ibang mga eksibit sa loob at labas ng bansa.
Sa pamamagitan ng kanyang mga dibuho at iba pang obra, naipaliliwanag niya sa mga nakakatanaw ang mga saligang usapin sa lipunang Pilipino, ang kolonyal at malakonlyal na kasaysayan at katayuan nito, kung paano ito pinaghaharian ng imperyalismong US at kung paano pinagsasamantalahan ng mga dayuhang pagsasamantala ng dayuhang malalaking kapitalista, burgesyang komprador at panginoong maylupa ang mga manggagawa at magsasaka.
Ang mga obra ni Doloricon, laluna ang kanyang mga komiks, ay labis na kinagigiliwan ng masang anakpawis. Madalas na ginagamit ng mga atkibista ang kanyang gawa sa mga babasahing pampropaganda at pang-edukasyon para sa masa. Lumalabas ang kanyang mga dibuho maging sa mga rebolusyonaryong pahayagan, tanda ng malalim na pagkilala kung gaano kaepektibo ang kanyang estilo sa paghahatid ng impormasyon at kaalaman at pagtataas ng diwa ng patriyotismo at pagtatanggol sa mga karapatang pampulitika, pang-ekonomya at pangkultura. Hinihimok ng kanyang mga obra ang masa na sumulong sa militanteng landas ng pakikibaka.
Habampanahong kikilalanin ng masang anakpawis at sambayanan ang naging malaking ambag ni Doloricon sa pagpapayaman ng progresibo at rebolusyonaryong kultura sa Pilipinas at sa buong mundo. Sa kanyang pagpanaw, iniwan niya ang kanyang mga obra para magsilbing inspirasyon sa patuloy na pagsusulong ng pakikibaka ng bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya.