Pagpupugay kila Ka Arking at Ka Bitri, mga magigiting na anak ng bayan!
Pinakamataas na pagpupugay ang ginagawad ng Celso Minguez Command at buong rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon kila Ka Arking at Ka Bitri na nag-alay ng kanilang talino, talento, husay at puso para sa sambayanan. Nasawi sa labanan si Ka Arking nitong Marso 10, 2022, sa edad na 30 at si Ka Bitri nitong Abril 13, 2022.
Si Erwin “Ka Arking” Broñola ay nagmula sa pamilya ng maralitang magsasaka sa Brgy Bato, Bacon District, Sorsogon City. Tulad ng tipikal na kabataan mula sa kanayunan ay lumaki siya sa kahirapan. Maagang naghiwalay ang kaniyang mga magulang kaya silang magkakapatid ay mag-isang itinaguyod ng kanilang ina. Dahil sa kawalan ng trabaho sa Pilipinas ay naobligang mangibang-bansa ang kaniyang ina. Hindi na nakapagtapos ng hayskul si Ka Arking. Agad siyang nasabak sa pagtatrabaho sa Kamaynilaan bilang construction worker at pintor upang makatulong sa kanyang pamilya. Pag-uwi niya sa Sorsogon noong 2016, sumapi sya sa Bagong Hukbong Bayan.
Matalino, masipag, magiliw, makulit, madaldal at maalaga sa mga kasama at masa. Ito ang mga katangian ni Ka Arking na tumatak sa mga kasama at masang kanyang nakadaupang-palad.
Hindi mahiyain si Ka Arking. Madali siyang makihalubilo at makipagpalagayan ng loob sa mga kasama at masa dahil sa pagiging mabait at madaldal. Bilang may mga kapatid na babae at may piniling kasarian, hindi siya nakahon sa dikta ng lipunan kung ano ang dapat na kilos ng isang lalake. Malambing siya at maalaga sa mga kasama. Di siya nahihiya na sabihing pink ang kanyang paboritong kulay, na mahilig siya sa mga sticker na makintab at may mga bulaklak.
Gusto niya matutunan lahat ng gawain sa loob ng kilusan. Mapangahas at malakas ang kanyang loob- mula sa gawaing militar, gawaing edukasyon at gawaing pangkultura ay magiliw niyang ginampanan. Sabi nga niya dati, ang paborito niyang gawain ay gawaing militar at gawaing kultura. Wala siyang inaatrasang pangkulturang pagtatanghal, mag-rap man o magsayaw. Lagi siyang may nakahandang piyesa para itanghal sa harap ng mga kasama at masa.
Magmula sa pagiging supply officer ng iskwad ay umunlad siya hanggang sa maging vice platoon leader. Nang idestino siya sa ibang probinsya noong 2017, walang pag-aatubili niyang tinanggap ang atas.
Puno ng buhay at kasabikan sa gawaing hukbo si Ka Bitri. Nagmula siya sa pamilya ng maralitang magsasaka sa Brgy. Gabao, Irosin, Sorsogon. Bilang tenante na naka asa sa pag ko-kopras, ay agad niyang nakita ang pang-aapi at kawalan ng hustisya sa lipunan kaya’t naging madali para sa kanya na yakapin ang paliwanag ng mga kasama hinggil sa ugat ng kahirapan at sa rebolusyon bilang sagot dito. Taong 2018 ay nagdesisyon siyang sumampa sa BHB. Pagkalipas ng ilang buwan ay inatasan siyang tumulong sa pag-oorganisa sa ibang probinsya at agad naman siyang tumalima. Ang biro noon ng mga kasama ay baka agad din siyang babalik sa Sorsogon dahil sa lungkot na mawalay sa kanyang pamilya, ngunit nagmantini siya at lalo pang nagpakahusay bilang isang kasama.
Mabait, palabiro, mapangahas, matalino at malikhain si Ka Bitri. Bukas siya na gampanan lahat ng gawain bilang isang kasama, mula sa paghahakot ng suplay, pagkukusina, pagbibigay ng pag-aaral, gawaing militar at gawaing pangkultura. Dahil mapangahas at malakas ang kanyang loob, ay naging madali para sa kanya na matuklasan ang mga talento at kasanayan na meron pala siya- mahusay pala siyang sumayaw, mag rap, mag-emcee sa mga programa, magpropaganda, mag-organisa ng mga aktibidad at gumawa ng mga handikrap. Sabi nga ni Ka Bitri ay sa kilusan niya lang nalaman na may talento siya at marami pala siyang pwedeng gawin.
Taglay nina Ka Arking at Ka Bitri ang diwang mapanlaban at mapangahas na taglay ng mga kabataan. Di nila inalintana ang lungkot na malayo sa kanilang mga pamilya upang tumugon sa panawagan na mag-ambag ng lakas sa ibang probinsya. Maaga man silang nag-alay ng buhay ay habang buhay nang nakaukit ang kanilang ala-ala at diwa sa lahat ng masa at kasama na magpapatuloy sa kanilang tinahak na pakikibaka.
Taas-kamaong pagpupugay sa inyo Ka Arking at Ka Bitri!