Pagpupugay ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) sa mga Magigiting na Pulang Hukbo
Sa kabila ng kaliwa’t kanang mga pag-atake ng mga pasistang berdugo, at ng mga pakulo ng mga ganid pulitikong nakikinabang sa gulo, ay mas lalong tumataginting ang tapang at sigasig ng rebolusyunaryong pwersa at ng mga mamayan. Mapulang pagbati sa ika-52 taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, ang tunay na sundalo ng mamayang Pilipino.
Rebolusyunaryo at pinakamataas na pagpupugay ang pinapaabot ng Liga ng Agham Para sa Bayan (LAB).
Kasama ng BHB, ang LAB ay napapanday nitong mga peligrosong panahon. Ang ating tugon sa pasistang atake ng gobyernong Duterte ay ang pag-iigting ng ating seguridad, pagbantay at pag-alaga sa sarili’t mga kasama, at higit sa lahat ang walang-humpay na pagtugon sa mga gawain para isulong ang rebolusyon at paglingkuran ang sambayanan.
Sa araw-araw na pagkilos ng mga kasapi ng LAB, inspirasyon nila at pinagkukuhanan ng lakas ang magigiting at hindi-matalo-talong Bagong Hukbong Bayan.
Ang pagharap sa pasismo ng estado, ang patuloy na pagtugon sa rebong gawain tulad ng serbisyong teknikal, ang pagsusulong ng kampanya at pag-oorganisa sa hanay ng aming sektor ay pakikiisa at ambag namin sa laban ng ating mga minamahal na Hukbo.
Ang ating mga kasamang kumikilos sa kanayunan ay matagal ng balon ng respeto at inspirasyon sa pakikibaka. Ang kanilang lakas ay hindi lang lakas pang-digma, ngunit lakas ring nakalaan para sa pagtatagumpay ng rebolusyon. Ang kanilang talino at pagsisikap ay hindi lang para sa pagpapanalo ng mga taktikal na opensiba, ngunit talino at sikap din sa pagtatayo ng ating pulang gobyerno, at pagpapatupad ng rebolusyunaryong agraryo sa kanayunan. Sila’y mga sundalo bukod pa sa pagiging mga community workers, magsasaka, duktor, inhinyero, teknisyan, guro, artista, at ang marami pang mga tungkulin na kailangan para buhayin ang pulang komunidad. Ika nga ng isang Soviet na slogan, “ready for labor, ready for defense.” Handang lumaban at dumepensa, habang gumagampan ng mga tungkulin para sa sambayanan at para sa bayan.
Saludo sa mga tagumpay at sakripisyo ng ating mga pulang mandirigmang laging handa para sa gawain, at handa para lumaban!
Ang Liga ng Agham para sa Bayan ay patuloy na nagkakampanya sa aming hanay para sa pagsapi sa BHB at buong panahong pagkilos sa kanayunan. Pinagsisikapan namin ito bilang ambag sa pag-abot ng ating target na abutin sa abanteng sub-yugto ng estratehikong depensiba ng ating digmang bayan.
Mula sa hanay ng mga makabayan, siyentipiko, at maka-masang mga manggagawa sa larangan ng agham at teknolohiya, maalab na pagbati sa ika-limampu’t dalawang anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! Iniaangat ng inyong pagkilos ang aming tapang at dedikasyon.
Mabuhay ang rebolusyon! Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!