Pagpupugay sa kabayanihan ng masang Bikolano!
Read in: English
Sa paggunita ng Araw ng mga Bayani, pinagpupugayan ng NDF-Bikol ang masang Bikolano sa matibay at lalong tumitibay nilang kapasyahang isulong ang digmang bayan sa harap ng mga hamon at pagsubok na ihinahambalos ng tumitinding krisis at terorismo ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.
Pinakamataas ding parangal ang iginagawad ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa mga mamamayan at rebolusyonaryong Bikolanong nag-alay ng kanilang buhay para isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon at kamtin ang tunay na paglaya at demokrasya.
Nananatiling bigo ang rehimeng US-Duterte na durugin ang rebolusyonaryong kilusan dahil malalim nang nakaukit sa buhay at kasaysayan ng masang Bikolano ang armadong pakikibaka. Tinataglay ng Kabikulan ang isang napakalawak na baseng masa dahil sa mulat na pagyakap ng mayorya ng masang Bikolano sa mga adhikain at programa ng demokratikong rebolusyon. Mula Camarines Norte hanggang Masbate, nakatatak na ang dugong rebolusyonaryo sa bawat salinlahi ng pamilyang Bikolano. Higit pa sa karagatang Pasipiko ang kailangang limasin ni Duterte at kanyang mga teroristang alagad sa Joint Task Force Bicolandia at Bicol RTF-ELCAC para masukol at maubusan ng malalanguyan ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.
Ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo, armadong pakikibaka at pagpupundar ng mga Pulang kapangyarihan ay dahil sa buhay at sakripisyong ipinuhunan ng masang Bikolano upang isulong ang kanilang rebolusyonaryong adhika.
Mula pagharap sa militarisasyon, pagsasagawa ng kampanya sa pagpapataas ng presyo ng produkto, kilos-protesta laban sa pang-aagaw ng kanilang lupa, sama-samang produksyon bago at higit ngayong pandemya at pagpapasampa sa Hukbo, araw-araw na isinasapraktika ng masang Bikolano ang tunay na diwa ng bayanihan. Kabayanihan ang kanilang araw-araw na pagpanday sa makauring pagkakaisang harapin at labanan ang lumulubhang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal.
Panata ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na ibayong pandayin ang proletaryong pamumuno at paggiya sa pagkilos at paglaban ng masang Bikolano. Tutumbasan nito ang walang pag-iimbot na suporta at paglahok ng masang Bikolano sa armadong rebolusyonaryong pakikibaka nang walang maliw na pagsisilbi sa kanilang interes at pagpupunyaging itaas ang antas ng digma at isulong ito hanggang sa ganap na tagumpay.