Pagpupugay sa mga kababaihan! Pulang saludo sa mga kababaihang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan!
Ipinaparating ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang mahigpit at taos-puso nitong pakikiisa sa sambayanang Pilipino sa paggunita at pagdiriwang sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ngayong Marso 8, 2021. Marapat lamang na gunitan natin ang pandaigdigang araw ng mga kababaihan para muling sariwain, patampukin at dakilain ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa lipunang Pilipino sa partikular at sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa kabuuan.
Hindi matatawaran ang potensyal na lakas ng mga kababaihang Pilipino na mahalaga sa pagkakamit ng mga pundamental at radikal na pagbabago sa lipunang Pilipino. Mahigit sa 50% ng populasyon ng bansa ay mga kababaihan. Mahigit sa 70% naman ng mga kababaihan sa bansa ay mga manggagawa, magsasaka at maralitang tagalunsod. Ang bulto ng mga kababaihan ay matatagpuan sa mga kanayunan ng bansa. Sa ganitong kalagayan, ang mga kababaihan ay malakas na pwersa ng rebolusyon na kailangang pukawin, organisahin at pakilusin sa milyong bilang nila.
Binabati ng NDFP-ST ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) na isa sa mga organisasyong kaanib ng NDFP sa pangunguna sa paggunita at pagdiriwang sa pandaigidigang araw ng mga kababaihan ngayong Marso 8, 2021. Pulang saludo naman ang aming pagbati sa mga kababaihang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Timog Katagalugan (TK) na ngayon ay abala, kasama ng mga kasapi ng MAKIBAKA sa pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad sa kanayunan ng rehiyon para gunitan at ipagdiwang ang pandaigdigang araw ng mga kababaihan.
Higit sa lahat ipinararating ng NDFP-ST ang pagbati at pagbibigay pugay sa mga kababaihan mula sa uring anakpawis na nasa unahan ng mga pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Kahanga-hanga ang ipinamalas ninyong katapangan at dedikasyon sa pagsusulong ng mga pakikibaka hindi lamang para sa inyong mga karapatan at kagalingan bilang mga babae kundi higit sa lahat sa pagsusulong ng kapakanan at makauring interes ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino.
Sa partikular, binibigyan ng pagkilala at komendasyon ng NDFP-ST ang lahat ng mga pagsisikap at kabayanihan na ipinamalas ng mga grupo at organisasyon ng mga kababaihan sa pagtatanggol sa kalayaan sa pananalita, pamamahayag at pagtitipon para iparating ang kanilang mga karaingan at kahilingan sa pamahalaan. Kapuri-puri ang mga militanteng pagkilos na isinagawa ng ligal na demokratikong kilusan ng mga kababaihan laban sa mga neo-liberal at anti-mamayang patakaran ng pasistang rehimeng US-Duterte, sa pagtatanggol sa pambansang soberenya laban sa lantarang panghihimasok at agresyon ng imperyalistang US at China, sa pagtataguyod at pagtatanggol sa karapatang pantao at sa pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.
Sapul nang maluklok sa kapangyarihan ang pasistang rehimeng US-Duterte, lalong sumahol ang dati nang lugmok at gulapay na kalagayan ng mga kababaihan at mamamayang Pilipino dahil sa patuloy na pag-iral ng mga anti-mamamayang patakaran at programa ng rehimen. Sinundan pa ito ng mapanupil at anti-mahirap na lockdown na pinatutupad ni Duterte alinsunod sa kanyang militaristang paraan sa pagharap at paglaban sa pandemyang Covid-19. Dumaranas din ang mga kababaihan ng matitinding mga pambabastos, pang-aalipusta, pangungutya at pagmamaliit ng kanilang kakayanan mula kay Duterte. Sa maraming pagkakataon, laging nasasambit sa mga pahayag ni Duterte sa publiko ang mga kabastusan, panlalait at kawalan ng respeto sa mga kababaihan. Maging ang seryoso at maselang isyu ng mga insidente ng panggagahasa sa mga kababaihan ay ginagawang tampulan ng katatawanan ni Duterte sa pamamagitan ng paulit-ulit nitong paglalahad sa publiko ng mga seksistang pahayag at “rape jokes.”
Bukod sa unahan, maraming bilang ng mga kababaihang aktibista at tagapagtanggol sa karapatang pantao ang nakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso at tanim-ebidensya ng AFP at PNP tulad sa karanasan nina Reina Mae Nasino, Amanda Echanis, Lady Ann Salem at daang bilang ng mga detenidong pulitikal sa bansa. Mapalad ang mamamahayag na si Lady Ann Salem na nakalaya noong Marso 5, 2021 pagkaraan ng halos tatlong buwang pagkakakulong matapos ibasura ng Korte sa Mandaluyong ang mga gawa-gawag kasong isinampa sa kanya ng PNP-NCR.
Hindi rin nakaligtas maging ang mga may sinasabi at kilalang personalidad na kakabaihan sa bansa tulad nina Sr. Mary John Manansan, mga artistang sina Angel Locsin at Liza Sobereño at dating Miss Universe Catriona Gray sa walang patumanggang red-tagging ng pasistang rehimeng US-Duterte. Kakaiba naman ang nangyari sa mga kababaihang sina Zara Alvarez na masugid na tagapagtaguyod at tagapagtanggol sa karapatang pantao sa Isla ng Negros at Dra. Mary Rose Sancelan, pinuno ng Covid-19 task force sa Guilhulngan City, Negros Oriental. Sila’y walang awang pinaslang ng mga death squads ng rehimeng Duterte matapos makaranas ng red-tagging mula sa AFP at PNP.
Nilantad lang ni Duterte ang kanyang kahayupan at mababang pagtingin sa mga kababaihan nang utusan niya ang AFP at PNP na dapat sa maselang bahagi ng katawan barilin ang mga kababaihang mandirigma ng BHB. Ang utos na ito ni Duterte ay tahasang nagbabalewala sa mga umiiral na makataong batas ng digma sa ilalim ng United Nations Convention of 1949 at Protocol 1 of 1977 at sa Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nilagdaang kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP.
Sa ganito, may makatwirang dahilan at batayan ang mga kababaihan at taumbayan na manawagan at makibaka para patalsikin sa pwesto ang korap, traydor, bastos, misogynist, anti-kababaihan at mamamayan, kriminal at mamamatay taong si Rodrigo Roa Duterte.
Naniniwala ang NDFP-ST na ang paggunita sa pandaigidigang araw ng mga kababaihan ay hindi lamang para sariwain ang mga tagumpay na nakamit ng kilusang kababaihan sa nakaraan laban sa pagsasamantala at pang-aapi. Panahon din ito para muling pagtibayin ang pagkakaisa at determinasyon ng mga api’t pinagsasamantalahang mga kababaihan na patuloy na makibaka para lubusin ang tagumpay laban sa mga anti-mamamayang patakaran ng reaksyunaryong estado, laban sa pasismo at terorismo ng estado, laban kultura ng diskriminasyon, pang-aalispusta at pagturing sa kababaihan bilang bagay na libangan ng mga kalalakihan. Kaalinsabay, dapat puspusang itaas ang kamulatan at pag-unawa ng mga kababaihan na mapapawi lamang ang pagsasamantala at pang-aapi at sa maling pagturing sa mga kakabaihan bilang mababa ang katayuan sa kalakakihan sa pagtatagumpay ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) at sa kasunod na sosyalistang rebolusyon at kontruksyon. Kailangang mulatin, organisahin at pakilusin ang milyong bilang ng mga kababaihan para sa pagsusulong ng DRB.
Pantay ang pagkilala at pagturing ng rebolusyonaryong kilusan sa mga karapatan at kakayahan ng kababaihan tulad sa mga kalalakihan. Itinatakwil ng rebolusyonaryong kilusan ang anumang uri ng diskriminasyon, pagmamalabis at pagmamaliit sa kakayanan ng mga kababaihan. Mataas ang pagpapahalaga at paniniwala ng rebolusyonaryong kilusan sa kakayahan ng mga kababaihan at komunidad ng LGBTQ+ sa pagsusulong ng rebolusyon sa Pilipinas.
Sa araw ding ito, muling sinasariwa ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan ang mga ala-ala at kabayanihan ng mga kababaihang martir ng rebolusyon sa rehiyon na sa kanilang panahon ay nag-alay ng kanilang mga tanging buhay para sa paglilingkod sa bayan. Muli nating dinadakila at pinaparangalan sina Maria Lorrena Barros, Leticia Pascual Ladlad, Rizalina Ilagan, Cristina Catalla, Jessica Sales, Emma Travinio, Rosario Lodronio Rosal, Aniceta Rosanes Vallever, Pamela Jane Lapiz, Nora Rosanes Padilla, Lorelyn Saligumba, Andrea Rosal, Rona Jane Manalo, Justine Vargas at iba pang kababaihang martir ng rebolusyon sa ating rehiyon. Buong sigasig nilang ginampanan ang iba’t ibang mga tungkulin bilang kadre ng Partido at opisyal ng Bagong Hukbong Bayan. Sila’y mga huwarang rebolusyonaryo sa kanilang panahon at patuloy na nagsisilbing inpirasyon hindi lamang ng kasalukuyang mapagpalayang kilusan ng kababaihan kundi ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan dahil sa naipamalas nilang katapangan, kasigasigan at kabayanihan sa pagsusulong ng DRB sa rehiyon. Sa kanilang panahon, wastong tinaguyod at pinanghawakan nila sampu ng lahat ng mga kababaihang martir, ang paninidigan ng rebolusyonaryong kilusan na tanging sa pagtatagumpay ng DRB kasabay na lalaya ang mga kababaihan mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at mula sa bulok at dekadenteng pyudal at burges na kultura na nakakubabaw sa lipunang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Mabuhay ang mga kababaihang uring anakpawis!
Mabuhay ang magigiting na kababaihang mandidirgma ng Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang mga alaala ng mga kababaihang martir at bayani ng rebolusyon!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!