Pagpupugay sa mga rebolusyonaryong Martir
Marubdob na nagpupugay at dinadakila ng Armando Catapia Command (ACC)-NPA Camarines Norte ang mga martir ng rebolusyon na sina Ronie “Ka Jake” Abellada Bongcolmo at Rogelio “Ka Oris” Rato kapwa ng NPA West Camarines Sur , Ka Obet at Ka Cardo ng NPA East Camarines Sur . Sila ang mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB na namartir sa magkakahiwalay na depensiba nitong huling Linggo ng Hunyo at unang Linggo ng Hulyo 2019.
Ang mga kasamang martir ay nasawi sa pakikipaglaban sa ilalim ng malupit na pananalasa ng AFP sa ilalim ng Oplan Kapanatagan ng pasistang rehimeng US-Duterte. Karamihan sa ating mga kasamang pulang hukbo na nag-alay ng buhay ay nagmula sa uring magsasaka sa kanayunan. Sila ay nagpasyang humawak ng armas upang wakasan ang daantaong pagka-alipin ng masang magsasaka na binubusabos sa patuloy na pagkaagnas ng lipunang mala-koloyal at malapyudal. Naging malinaw sa mga kasamang ito na hindi kailan man makakamit ang tunay na kalayaan at demokrasya hanggat nanatili ang kontrol ng mga imperyalista sa bansa–Ang estados Unidos at gayundin ngayon ang Tsina. Gayundin, ang pagwawakas sa pagsasamantala ng lokal na naghaharing- uring malaking burgesya kumprador at panginoong maylupa.
Hindi kailan man mawawalang saysay ang pag-aalay ng buhay ng mga kasamang ito. Ipinakita nila na tanging ang paghawak ng armas ang magpupuwesto sa mamamayang inaapi sa pantay na arena ng labanan, kung saan ang takot at pananahimik ay nag-eenganyo lamang ng ibayong karahasan ng estado. Di iilan ang mga kaso ng brutal na pamamaslang sa mga inosenteng sibilyan. Kamakailan lamang ay naganap ang brutal na pamamaslang kay William Tailon ng Camarines Norte, kung saan malupit na pinahirapan bago pinatay na sangkot ang mismong kapulisan ng Jose Panganiban na nagsilbing “death Squad” ng Rehimen. Ang pamamaslang ang nagiging paboritong putahe ng rehimen US-Duterte para sindakin ang mamamayan. Hayok sa dugo, mamamatay tao at pasista ang rehimeng ito na nagnanais na patahimikin ang lahat ng paglaban ng mamamayan na nagnnanais lamang ipagtanggol ang kanilang buhay at mga lehitimong karapatan.
Sa ilalim ng de facto Martial sa kabikulan at maging sa iba pang rehiyon at ang kaakibat na pasismo at karahasan ng estado ay magiging matabang lupa upang ibayo pang yumabong ang armadong paglaban ng mamamayan. Hindi nila kailan man papayagan na patuloy na manalasa ang karahasan at pasismo na iwinawasiwas ng Rehimeng US-Duterte. Ang dugong inialay ng mga kasamang ito ay higit na magpapatatag sa muog ng paglaban ng sambayanan hanggang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya.
Rehimeng US Duterte, No. 1 Terorista! Ibagsak!
Saluduhan ang mga martir ng Rebolusyon!
Mabuhay ang mamamayang nag-aarmas!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!