Pagsabog ng bulkan at militarisasyon, patung-patong na delubyo ng mamamayang Sorsoganon
Matinding kagutuman ang tiyak na kakaharapin ng mamamayang Sorsoganon dahil sa phreatic eruption o pagbuga ng mainit na hangin ng bulkang Bulusan nitong Hunyo 5, at Hunyo 12, kung saan ay natabunan ng makapal na abo at lahar ng bulkan ang mga bayan ng Juban, Irosin, at Casiguran habang inabot din ng abo ang mga bayan ng Magallanes, Gubat, Sorsogon City, Barcelona at Bulusan. Umabot sa 473 na magsasaka ang naapektuhan ng pagsabog, ₱16.85M na halaga ng palay, gulay at isda ang nasira at namatay—90.64% nang nasira ay mula sa mga palayan, habang tinatayang aabot sa 389 ektarya ng lupaing agrikultural ang naapektuhan. Inulat din na aabot sa 1.7 metrikong tonelada ng tilapia na nagkakahalaga ng ₱100,000 ang namatay at 8MT ng mga ani na gulay na nagkakahalaga ng ₱2M ang nasira.
Ngunit bago pa man ang trahedyang ito ay patong-patong na krisis na ang kinakaharap ng mga magsasaka dahil sa pagbagsak ng presyo ng kopra, pang-aagaw ng lupa, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ng langis na sinabayan pa ng walang tigil na paglabag sa karapatang tao at militarisasyon sa kanayunan.
Mula Enero hangangang kasalukuyan, umabot na sa 6 na magsasaka at nagmula sa progresibong organisasyon ang iligal na inaresto, 5 dito ang sinampahan ng gawa-gawang kaso tulad ng murder, illegal possession of firearms and explosives at anti-terrorism act; 5 ang ekstrahudisyal na pinaslang kabilang dito ang pag masaker sa 3 sibilyan na tinaguriang Sta Cruz 3, pagbabanta sa buhay, panununog ng kubo at pagnanakaw (tingnan ang naunang mga pahayag ng CMC).
Nito lamang Hunyo 4, pagkatapos ng depensibang labanan sa pagitan ng 31st IBPA at ng NPA ay hinalughog at ninakawan ng mga sundalo ang bahay ni Ricky Evaso, isang magsasaka na nakatira malapit sa pinangyarihang labanan. Ninakawan siya ng halagang ₱7,000 na pambili sana ng biik at ng mga alagang kuneho.
Mula Mayo 24 hanggang kasalukuyan, ay walang tigil din ang operasyong militar ng 31st IBPA sa mga bayan ng Gubat, Barcelona at Bulusan. Kasalukuyan sila ngayong nagkakampo sa mga barangay hall at chapel sa Brgy. Bugtong, Brgy Bagacay, Brgy. San Vicente, Brgy. Olandia, at San Antonio sa bayan ng Barcelona; Brgy. Sangat, Sityo Ariman ng Brgy. Naagtan, Brgy. Togawe, at Brgy Nazareno sa bayan ng Gubat; at sa Sityo Kapirikuhan, Brgy Isidro sa bayan ng Bulusan. Nito lamang Hunyo 2 ay naglunsad ng pulong ang 31st sa mga residente ng Brgy Bugtong upang bantaan sila hinggil sa pagsuporta sa rebolusyonaryong kilusan at pag-hikayat na “magsurrender” kung may kamag-anak kuno sila na NPA. Mataandaan na matagal nang ginagamit bilang porma ng harassment ng AFP ang pagpapasurender sa mga sibilyan kahit na labag ito sa internasyunal na makataong batas dahil hindi nito pinag-iiba ang armadong pwersa at mga sibilyan sa kanilang iskema.
Tulad ng naranasan ng mamamayang Sorsoganon sa panahon ng diktaduryang US-Marcos, asahang mas matindi pa ang mararanasan na paglabag sa karapatang tao sa pag-upo ng mandaraya at anak ng diktador na si Bong Bong Marcos.
Dapat magkaisa ang mamamayang Sorsoganon na maging mapagmatyag at magkaisa upang labanan lahat ng porma ng karasahan at paglabag sa karapatang tao. Dapat din nilang igiit ang kanilang karapatan sa kabuhayan at ekonomiya. Walang maasahang hustisya ang mamamayan sa isang korap at pasistang gubyerno na walang pagkilala sa karapatan at karaingan ng mamamayan. Tanging sa pagkakaisa lamang at sa pagtahak sa rebolusyon makakamit ang isang tunay na lipunang may pagkilala sa karapatan at may hustisyang panlipunan.