Pagsalbeyds sa sibilyan at pekeng labanan sa Bulalacao, kinukundina ng NPA Mindoro
Pinabubulaanan ng LdGC-NPA-Mindoro ang ipinakalat na fake news ng 4th IBPA, 203rd Brigade na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng yunit ng NPA-Mindoro at tropa ng 4th IBPA sa Brgy. Cambunang noong Enero 26, at ang diumano’y pagkakapatay rito ng isang kadre ng NPA na si “Ka Sander”.
Walang presensya ng yunit ng NPA sa Cambunang, Bulalacao ng araw at oras na iyon. Ang tinuturong namatay na kadre ng NPA na si Ka Sander ay isang sibilyan na si JR Mercado na hinuli, tinortyur at sinalbeyds ng 4th IBPA.
Kabaligtaran sa pahayag ni Lt.Colonel Connie Salas ng Oriental Mindoro-Provincial Police Office, hindi namatay si JR Mercado sa isang engkwentrong labanan bagkus ay hinuli siya ng mga nag-ooperasyong 4th IB sa pamumuno ni Captain Ruben L. Gadut. Ayon sa salaysay ng mga saksi, matapos siyang hulihin, tinortyur siya hanggang sa sinalbeyds. Hindi pa nasapatan, ibinaon si JR Mercado nang walang kabaong sa libingang hukay lang ng backhoe.
Nananawagan ang LdGC-NPA-Mindoro na dapat mabigyan ng katarungan ang sinapit ni JR Mercado at dapat na mapanagot ang mga opisyal at pwersa ng 203rd Brigade, 4th IBPA at PNP-MIMAROPA na nagsagawa at nagkutsabahan sa nasabing krimen.
Ganito din ang ginawa ng mga pwersa ng 76th IBPA, 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA kay Mark Ederson Valencia delos Santos. Si Mark Ederson ay walang awang pinaslang ng pwersa 76th IB noong Enero 31 sa barangay Happy Valley, Socorro, Oriental Mindoro.
Dahil bigo ang 203rd Brigade sa mga inilunsad nitong atake laban sa LdGC-NPA-Mindoro nitong Enero, ibinabaling nito ang labis na galit sa mamamayan. Labis-labis na pagpapapahirap hanggang sa mamatay ang dinanas ng mga biktima sa kamay ng malulupit na pwersa ng AFP-PNP. Malinaw ito na pagpapakita ng kanilang desperasyon at pagiging berdugo.
Mabibigo ang AFP-PNP at ang rehimeng Duterte kung iniisip niyang sa pamamagitan ng pamamaslang at pananakot sa mamamayan ay mapapatigil ang rebolusyonaryong paglaban. Kabaliktaran, lalong mamumulat ang mamamayan sa pangangailangan ng armadong pakikibaka at sa kahalagahan ng NPA sa buhay nila. Lalong dadami ang sasampa sa NPA at hahawak ng armas. Titiyakin ng LdGC-NPA-Mindoro na mabigyan ng katarungan ang mga biktima at kanilang pamilya at mapatawan ng rebolusyonaryong hustisya ang mga salaring pasistang pwersa.
Panghuli, patuloy na lalakas at magpapalakas ang LdGC-NPA-Mindoro at magpupunyagi ito upang biguin ang marahas na gyera na inilulunsad ng pasistang Rehimeng US-Duterte laban rebolusyunaryong kilusan at mamamayang Mindoreño”.###