Pagsalvage ng PNP sa asset nitong si Alcanso, pakanang paninira sa Rebolusyonaryong Kilusan at panakip-krimen ng PNP at AFP
Walang kaugnayan ang rebolusyonaryong kilusan kay Jonel Alcanso, lider ng Alcanso Gun for Hire group, isang armadong grupong sindikatong hawak ng PNP Camarines Norte. Si Alcanso, kasama ang isa pang nagngangalang Joseph Piat, ay pinatay ng pinagsamang pwersa ng Regional Intelligence Unit V, Camarines Norte Provincial Intelligence Branch, PNP-SAF, PMFC at PNP Labo sa kani-kanilang tahanan sa Purok 3, Brgy. Anamiba, Labo, Camarines Norte nang umano’y manlaban matapos silbihan ng search warrant.
Si Alcanso ay hawak ng PNP Camarines Norte at kasapi rin ng armadong grupong sindikatong “Hukbong Itim” na hawak naman ng militar. Notoryus itong impostor at ginagamit ang pangalan ng NPA sa mga kriminal na aktibidad tulad ng panghoholdap, pangingikil at iba pang ipagawang krimen ng PNP upang siraan ang rebolusyonaryong kilusan habang pinayayaman ang ilang mga upisyal ng pulis at militar sa prubinsya.
Ang pamamaslang ng PNP at AFP sa sarili nilang mga asset ay gasgas na pakana upang pagtakpan ang pagkasangkot ng mga upisyal ng militar at pulis mga kriminal na aktibidad sa tabing ng pagdungis sa kredibilidad ng rebolusyonaryong kilusan. Tiyak na pinatay si Alcanso at Piat dahil hindi na ito makontrol, nilalamangan na ang kanyang mga handler na upisyal ng pulis sa mga kubra mula sa minahan at iba pang sindikatong aktibidad at sa gayo’y liability na ng PNP Camarines Norte. Tiyak ring bahagi ito ng pagtatakip ng 96th IB sa pinsalang kanilang tinamo mula sa matagumpay na ambus ng yunit ng Armando Catapia Command – Bagong Hukbong Bayan sa Brgy. Ba’ay, Labo, sa naturang probinsya nito lamang ika-13 ng Disyembre 2020.
Sa katunayan, kasabay si Alcanso sa naganap na sagupaan ng pulis at ng kanyang grupong Hukbong Itim noong Marso 5, 2019 sa Brgy. Tuaca, Bayan ng Basud na ipinalabas ng militar bilang umano’y enkwentro sa NPA. Matatandaang nagpalabas ng pahayag ang Armando Catapia Command – Bagong Hukbong Bayan Camarines Norte (ACC – BHB Cam Norte) upang pabulaanan ang naturang enkwentro at ilantad ang umiiral na sindikatong kontrolado ng militar at pulis sa prubinsya. Sa naturang sagupaan, pinatay din ng mga pulis ang impostor at asset ng militar na si Jonathan Brondia na dating kasamahan ni Alcanso.
Dapat malalim na imbestigahan ang naturang pamamaslang, higit at iginigiit ng pamilya na sinalvage at hindi nanlaban ang dalawang biktima. Nananawagan ang Romulo Jallores Command – Bagong Hukbong Bayan Bikol (RJC – BHB Bikol) sa mamamayan ng Camarines Norte na makipagtulungan sa ACC – BHB Cam Norte upang mabigyang kalinawan ang naturang pamamaslang.#