Pagsibak ni Duterte kay Robredo sa ICAD: Desperadong hakbang para pagtakpan ang operasyon ng pamilyang Duterte sa iligal na droga
Isa lamang ang pinatutunayan ng pagsibak ni Duterte kay Robredo sa ICAD—ang pigilang mahalukay ang operasyon ng pamilyang Duterte bilang pinakamalaking druglord ng sindikato sa bawal na droga sa bansa. Simula’t sapul lubhang kaduda-duda na ang tuwirang pagkasangkot ng pamilyang Duterte sa ismagling at sindikatong operasyon sa bawal na droga. Tunghayan ang mga sumusunod:
• Tuwirang pagkasangkot sa Davao group na kinabibilangan ng panganay na anak nitong si Paulo Duterte at manugang na si Manases Carpio, asawa ni Sarah Duterte sa nabigong pagpuslit ng may Php6.4 bilyon halaga ng shabu sa Bureau of Custom (BOC) noong 2018.
Matatandaang sangkot sina Nicanor Faeldon, BOC commissioner at Gen (ret) Isidro Lapeña, PDEA chief—mga malalapit na alagad ni Duterte—nang maganap ang tangkang pagpuslit ng shabu sa BOC.
• Sa kabila ng malakas na mga ebidensya ng tuwirang responsibilidad nina Faeldon at Lapeña sa ismagling ng shabu, simpleng tinanggal lamang si Faeldon sa BOC at hinirang naman si Lapeña bilang BOC commissioner kapalit ni Faeldon samantalang pumalit naman si Aaron Aquino bilang PDEA chief kapalit ni Lapeña.
• Sa panahon ng panunungkulan ni Lapeña bilang BOC commissioner, naganap naman ang pagpuslit sa Pnp11 bilyon halaga ng shabu sa Cavite na nakasilid sa magnetic lifter. Ito na ang pinakamalaking ismagling ng droga na nangyari sa administrasyong Duterte. Sa kabila ng mabibigat na mga ebidensyang sirkumstansyal nagtuturo kay Lapeña, hindi kailanman siya napanagot tulad ng kaso ni Faeldon.
• Paggamit sa Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel ni Gen (ret) Bato dela Rosa sa paglikida sa mga karibal ng pamilyang Duterte sa sindikato sa droga tulad ginawang pagpatay sa mag-asawang Mayor Reynaldo Parojinog ng Ozamiz City, Misamis Occidental at kay Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte habang nakakulong na sa Leyte Provincial Jail.
• Pagpapatupad ng madugong kampanyang kontra-droga upang maghasik ng lagim sa mga adik at maliliit na tulak ng droga at tabingan ng klima ng malawakang pagpatay ang paglikida sa mga karibal sa negosyo ng pamilyang Duterte.
• Pagkalantad ni Gen Albayalde bilang protektor ng mga ninja cops at nakikinabang sa pinagbentahan ng mga niresiklong droga na nakumpiska sa mga anti-drug operations ng mga nasabing ninja cops.
Dahil sa labis na pagkakahiwalay ng rehimeng Duterte sa internasyunal na komunidad ng bansa sa ipinatutupad nitong madugong kampanya laban sa bawal na droga at nabunyag na mga umaalingasaw na baho sa kampanyang anti-droga, inakala ni Duterte na maipapasa ang init papalayo sa kanya sa paghirang kay Bise Presidente Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee Against Illegal Drug (ICAD). Inakala rin ni Duterte na ituturing ito ni Robredo na isang bitag at tatanggihan ang iniaalok na katungkulan sa ICAD.
Di inaasahan at laking gulat ni Duterte at mga kapural nito sa PNP, ICAD at Kongreso nang tanggapin ni Robredo ang hamon na pamunuan nito ang kampanya sa pagsugpo sa iligal na droga.
Dahil hindi na makaatras at napasubo na si Duterte, sa una’y nagpasiklab ang Malakanyang sa pamamagitan ng payaso nitong tagapagsalita na si Salvador Panelo kakoro ng tagapagsalita ng PNP na buo ang suporta na ibibigay nila kay Robredo para magtagumpay ang kampanya nito sa droga. Subalit pagkaraan lamang ng isang linggo, ang pakunwaring suportang ito ay nauwi na sa pagbabantang pagsibak kay Robredo kapag ibinunyag nito ang mga sikreto sa kampanyang kontra-droga ng rehimeng Duterte. Ipinagkait kay Robredo na makita at mahawakan ang listahan ng mga diumanong high value target na mga druglord. Tumanggi si Duterte na bigyan ng katungkulan si Robredo sa kanyang gabinete.
Pinalaking-todo at labis na ikinabahala ni Duterte at mga kapural ang isyu ng pakikipagpulong ni Robredo sa iba’t ibang internasyunal na ahensya at grupo, sa mga taong simbahan, civil society, people’s organization at mga human rights group kaugnay sa kanyang kampanya laban sa iligal na droga.
Hanggang nitong huli, makaraan ang dalawang linggong panunungkulan bilang co-chairman ng ICAD, wala nang ibang opsyon si Duterte kundi sibakin si Robredo upang pigilang mahalukay ang pagkasangkot niya at ng kanyang kapamilya sampu ng mga protektor ng sindikato sa droga na nasa ICAD, PNP, ehekutibo at Kongreso.
Labis na ikinabahala at malaking banta sa pangkating Duterte ang ipinahayag na plano ni Robredo sa pagsugpo sa iligal na droga tulad ng pagrebyu sa pagsasakatuparan ng Oplan Tokhang/Double Barrel ng PNP, gawing transparent ang mga operasyon sa ilegal na droga, pagpapanagot sa mga ninja cops at iba pang tiwaling opisyal na mapapatunayang sangkot sa ilegal na droga, pagkokonsentra sa pagtugis sa malalaking druglords at high value target (hvt) at pagpapatupad ng rehabilitasyon sa mga mapapatunayang lulong sa droga na mga Pilipino. Tiyak na tatamaan nito ang mga galamay ni Duterte sa iligal na sindikato ng droga.
Samantala, sinikap na maghabi na naman ng kasinungalingan ang payaso at butiking tagapagsalita ng Malakanyang sa naging katawa-tawang aksyon ni Duterte. Kesyo bigo daw si Robredo sa kanyang kampanya kontra-droga gayung dadalawang linggo pa lamang si Robredo sa ICAD samantalang mahigit sa tatlong taon nang bigo si Duterte sa kanyang pekeng kampanyang kontra-droga. Kesyo delikado daw na malaman ni Robredo ang mga sikreto sa isinusulong na kampanya laban sa iligal na droga; kesyo daw walang tiwala si Duterte kay Robredo dahil nasa oposisyon ito gayung si Duterte naman ang nag-alok at naghirang kay Robredo sa ICAD; at kesyo daw pinagbigyan lamang ni Duterte ang hamon ni Senador Pangilinan at Bise Presidente Robredo na sibakin ang huli kung hindi ito pinagtitiwalaan ni Duterte.
Makikita sa bukang-bibig ng payasong si Salvador Panelo na nagiging katawa-tawa kundi man istopido ang kanyang mga paliwanag at pagtatakip sa midya. Nalalantad lamang sa mata ng mamamayan na may itinatago’t pinagtatakpan si Duterte at mga kapural na ayaw nyang mahalukay ni Robredo—at ito’y walang iba kundi ang pagmonopolyo ng pamilyang Duterte sa iligal na sindikato sa droga at koneksyon sa Chinese Drug Triad. ###