Pagsuko ng kasapi at pagkasamsam ng armas ng NPA sa Rizal, walang katotohanan
Mariin naming pinapasubalian ang mga pahayag ng AFP-PNP kaugnay sa mga diumanong sumukong NPA at mga armas na diumanong nasamsam nila sa NPA-Rizal. Ang mga ito ay walang katotohanan at bahagi lamang ng engrandeng drama ng AFP-PNP para linlangin ang mamamayan at papaniwalain sila na nagwawagi ang kanilang planong durugin ang NPA sa lalawigan.
Matapos ang masinsing imbestigasyon ng kinauukulang kumand ng NPA at kinauukulang organo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa lalawigan ay nakumpirma na walang sinumang myembro ang NPA-Rizal na sumuko sa AFP-PNP at lalong walang armas ng NPA-Rizal na nasamsam ng AFP-PNP. Sa imbestigasyon ay napag-alaman na ang mga iprinisinta ng AFP-PNP na mga sumukong myembro ng NPA ay mga ordinaryong sibilyan, mga magsasaka na karamihan ay mga myembro ng katutubong Dumagat at Remontado na nagmula sa bayan ng Antipolo City at Rodriguez, Rizal. Lahat sila ay tinakot at pwersahang pinaamin na NPA, pinasuko at iprinisinta sa media at sa publiko bilang mga kasapi ng NPA. Upang hindi makilala ng mga kaibigan at kamag-anak ay tinakpan ang mga mukha ng bonnet. Para magmukhang totoo ay iniharap sa media ng PNP ang isa nilang police asset na nakatakip ang mukha at nagpakilalang “Ka. Ruben” at nagbigay ng pahayag sa media ayon sa nilikhang iskrip ng drama na nilikha ng PNP. Para umayon sa kanilang gawa-gawang kwento at idamay ang mga kolehiyo at unibersidad na may mga kritiko ang Rehimeng Duterte tulad ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay ipinahayag nilang ang mga sumurender na pekeng NPA ay nagmula sa Kalayaan, Laguna gayung wala namang mga katutubo sa nasabing bayan. Para makumpleto ang iskrip ng drama, naghabi sila ng katawa-tawang kwento na ang mga estudyante ng nasabing mga unibersidad na nagsasagawa ng pakikipamuhay at pakikisalamuha sa mga magsasaka at katutubo ay pinupwersa ng NPA na rekrutin para maging mga mandirigma na dahil diumano’y tinakot na NPA ay pumapayag na maging mandirigma ng NPA. Para sa mga upisyal ng mersenaryong AFP-PNP, ang mga estudyante ng nasabing mga unibersidad na piniling maglingkod sa mamamayan bilang kasapi ng NPA ay mga hind bukal sa kanilang kalooban at simpleng tinatakot lang para magsilbi ng walang pag-iimbot sa sambayanan. Gusto nilang itulad ang NPA sa AFP-PNP bilang mga bayaran at mersenaryong ahente ng mga panginoong maylupa, malaking bugesya kumprador at burukrata kapitalista.
Sinikap din ng PNP-AFP na iwasang banggitin ang lalawigan ng Rizal na may presensya pa ng NPA dahilan sa isang malaking kahihiyan para sa kanila na sa probinsyang pinakamalapit sa Palasyo ng Malakanyang ay hindi sila nagtatagumpay na durugin ang NPA at nananatiling sinusuportahan ng mayoryang mamamayan ng lalawigan.
Isa sa mga katutubo na tinakot, pinagbantaang patayin kapag hindi nakipagtulungan sa kanila at pinwersang sumuko bilang NPA ay ang katutubong Dumagat na si Itik de los Santos, anak ng pinaslang ng militar na lider katutubo na si Nicanor De los Santos. Sa takot na patayin ay napilitan si Itik delos Santos na sundin ang kagustuhan ng AFP-PNP na makipagtulungan sa kanila. Sa kabila ng katotohanan na alam ng AFP-PNP na si Itik ay sibilyan at hindi kailanman naging myembro ng NPA ay pinasuko nila ito at pwersahang ginagamit para kumbinsihin ang mga Dumagat na tumulong sa kanilang kontra-rebolusyonaryo at kontra-mamamayang gawain.
Wala ring katotohanan na ang NPA-Rizal ay nasamsaman ng armas ng 80th IB-PA sa Sitio Batangasan, San Andres, Tanay, Rizal noong nakaraang linggo. Walang yunit ng NPA-Rizal na kumikilos sa nasabing lugar. Ang nasabing lugar ay puno ng mga detatsment at kampo ng mga yunit ng 80th IB-PA, 59th IB-PA at 2nd ID-PA. Ang ipinahayag nilang reyd ay moro-moro at drama lamang ng AFP at ang mga diumanong armas ng NPA na nakuha nila ay mga lumang armas ng 2nd ID-PA na dinala sa lugar para magmukhang totoo ang kanilang ginawang drama. Lahat ng ito ay nasa direksyon ng Acting Commanding Officer ng 2nd ID-PA na si BGen. Elias Escarcha upang magpakitang gilas sa kanyang mga upisyal sa AFP at tuluyan siyang hirangin bilang permanenteng Commanding Officer ng 2nd ID-PA.
Ang pagkakalat ng kasinungaingan at pekeng mga balita sa pangunguna ng mga opisyal ng 80th IB-PA na si Lt. Col Christopher Diaz at 202 IB-PA Commander na si BGen. Arnulfo Marcelo Burgos at ng tagapagsalita ng 2nd ID-PA na si Capt. Patrick Jay Retumban ay bahagi ng programa ng nilikhang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) na nagtakda ng kanilang quota ng bilang ng pasusukuing NPA, kukumpiskahing armas at papataying NPA. Dahil wala silang mapasuko na tunay na myembro ng NPA at wala silang makuhang armas sa NPA-Rizal ay gumawa sila ng gawa-gawang kwento at drama para ipresenta sa media at sa publiko na matagumpay ang kanilang plano sa lalawigan ng Rizal. Ang mga sibilyan, mga magsasaka at Katutubong Dumagat at Remontado ay pinipwersa nilang pasukuin bilang NPA at maibulsa ang pondo mula sa Enhanced Comprehensive Local intergration Program (E-CLIP) na nakalaan para sa diumanong susukong myembro ng NPA. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi ibinibigay ng AFP-PNP ang pinangako nilang suportang pinansyal na nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyon bawat isa sa mga pinwersa nilang sumukong Katutubong Dumagat at Remontado.
Niloloko lamang ng mga mersenaryong AFP-PNP ng Timog Katagalugan ang kanilang sarili sa kanilang gawa-gawang drama ng pwersahang pagpapasuko para pasayahin ang kanilang Commander-in-Chief sa Malakanyang at mga opisyal nila sa Camp Aguinaldo at Fort Bonifacio at Camp Crame. Ito ay sa kabila ng malinaw na katotohanan na alam ng kanilang mga batang opisyal at ordinaryong sundalo na wala ni isa mang aktibong myembro ng NPA-Rizal ang kanilang napapasuko at hanggang sa kasalukuyan ay negatibo ang resulta ng plano ng RTF-ELCAC na wakasan ang rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan.
Sa kabila ng pagpupursige ng mga mersenaryong AFP-PNP sa utos ng kanilang among si Rodrigo Duterte na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ay makakatiyak tayo na haharapin, aktibong lalabanan at bibiguin sila ng mamamayan ng lalawigan kaisa ang rebolusyonaryong kilusan kabilang ang NAAC-NPA-Rizal. Gaano man karami ang fake news at pambabaluktot ng balita na gawin ng mga tagahabi ng kasinungalingan mula sa AFP-PNP ay tiyak na lilitaw at mananaig ang katotohanang dala-dala ng rebolusyonaryong kilusan. Ito ay ang katotohanan na patuloy na lalaban ang mamamayan at gagawin ang lahat para biguin ang kanilang imbing mga pakana para lokohin, apihin at tuloy-tuloy na pagsamantalahan ang mamamayan. Malinaw pa sa sikat ng araw ang katotohanan na kakapit-bisig ng mamamayan ng lalawigan ng Rizal ang CPP-NPA-NDFP para isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan hanggang sa tagumpay at ganap na wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala ng iilan sa nakararaming mamamayan Pilipino.
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!