Pagsuko sa Soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, Sukdulang Kataksilan ni Duterte

Dapat mariing kondenahin ang pagturing ni Duterte na “isang walang kwentang papel na dapat ibasura” ang paborableng desisyon ng arbitral tribunal ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na kumikilala sa soberanya ng Pilipinas sa teritoryo at exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea (WPS) alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS). Walang kapatawarang pagtataksil at pagkakanulo ito sa pambansang interes ng mga Pilipino.

Ang karuwagan at paninikluhod ni Duterte sa China ay humantong sa ganap na pagsuko ng soberanya ng Pilipinas sa 80% ng EEZ ng bansa sa WPS na sinasakop at nasa loob ng 9-dash line ng China. Sa deklarasyon ni Duterte na “pag-aari ng China ang inaangking teritoryo sa WPS,” walang kahihiyang inuulit lamang ni Duterte ang walang sinalalayang ligal at istorikal na batayan ng pag-angkin ng China sa kalakhan ng South China Sea alinsunod sa inimbento nitong 9-dash line. Sa katunayan, ang paborableng desisyon ng arbitral tribunal ay nagbasura sa 9-dash line at anito, “walang ligal na batayan ang pag-angkin ng istorikal na karapatan ng China sa rekurso sa loob ng 9-dash line at nilalabag nito ang soberanyang karapatan at hurisdiksyon ng Pilipinas.”

Buong linaw sa desisyon ng arbitral tribunal na sa EEZ, ang lahat ng istorikong karapatan, kabilang ang tradisyunal na karapatang mangisda, ay “pinawalang-saysay” na nang magkabisa ang 1994 UNCLOS. Kaya ang China na may kaparehong paggigiit ng tradisyunal na karapatang mangisda sa EEZ ng Indonesia at Byetnam ay mariing tinutulan ng dalawang bansa sa parehong kadahilanan na walang tradisyunal na karapatang mangisda ang China sa kanilang EEZ sa ilalim ng UNCLOS.

Inilagay ng desisyon ng arbitral tribunal ang Pilipinas sa di matitinag na pusisyon bilang may tanging soberanyang karapatan sa teritoryo at yamang dagat at mineral sa loob ng sariling exclusive economic zone. Kaya paanong magiging isang walang kwentang papel lamang ang paborableng desisyon ng arbitral tribunal ng Permanent Court of Arbitration ng UNCLOS?

Sa isang sagadsaring taksil at bayarang papet lamang magmumula ang mapagkanulong deklarasyong ito. Mas lalong masahol pa, kung mismong sa bibig ng presidente ng Pilipinas na sumumpang ipagtatanggol ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas magmumula ang mga pahayag na ito. Hinigitan pa ni Duterte ang pusisyon ni Xi Jinping kung saan hindi kinilala ng China ang kautusan ng arbitral tribunal subalit hindi itinuring ng China na basurang papel lamang ang huli. Ito ay kasukdulan ng pagtataksil at pagkakanulo sa pambansang interes ng sambayanang Pilipino. Si Duterte ay mistulang isang payasong upisyal ng gubyernong Xi Jinping na nagsasalita alinsunod sa pambansang interes ng China at hindi ng Pilipinas para maglangis at kunin ang pabor ng huli.

Ang pagdambong ng China sa yamang dagat ng EEZ ng Pilipinas ay hindi katumbas ng 1 milyong donasyong bakuna ng China sa Pilipinas. Tinatayang hinahakot ng China ang 3,240 metriko toneladang isda kada araw o 3 milyong metriko tonelada sa isang taon na katumbas ng P300-bilyon halaga ng isdang nawawala sa Pilipinas o $6 bilyon taon-taon. Kaya paanong magkakaroon ng utang na loob ang Pilipinas sa China dahil lamang sa 1 milyong donasyong bakuna na nagkakalahalaga lamang ng $20 milyon?

Ipinananakot ni Duterte sa mamamayan ang palasukong patakarang panlabas na maaaring gerahin ng China ang Pilipinas kung igigiit ng huli ang soberanya ng bansa sa sariling teritoryo at EEZ sa WPS alinsunod sa UNCLOS. Buong kataksilang nagbubulag-bulagan si Duterte sa pagsakop ng China sa Mischief Reef, Scarborough Shoal at sa panghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas sa Spratly Islands kung saan kabilang ang Julian Felipe Reef at Sabina Shoal sa pinasok ng daan-daang barkong pangisda ng China na binabantayan ng mga maritime Chinese militia.

Labis na umaasa si Duterte sa pangakong pautang at pamumuhunan ng China para ponduhan ang kanyang proyektong Build, Build, Build. Maling inaakala ng mga economic manager ni Duterte na maiaahon ang bansa sa krisis ng pandemya sa pamamagitan ng pagbubuhos ng bilyon-bilyong pisong pondo sa mga proyektong pang-imprastruktura para lumikha ng panandaliang trabaho. Pinaglalawayan ni Duterte at mga kroni ang mga papasok na bilyon-bilyong pisong kontrata sa imprastruktura ng China para sa kanilang kikbak at gawing gatasan.

Sa harap ng pananalasa ng pandemya at malawakang kagutuman, hindi lamang nabigo si Duterte na bigyan ng sapat na ayuda ang mga nagugutom at naghihirap na Pilipino kundi tahasan pang pinagkaitan sila ng tuloy-tuloy na tulong ng gubyerno. Sa sarbey ng Food Nutrition and Research Institute (FNRI) noong Nobyembre 3-Disyembre 3, 2020, 62.1% o 6 sa 10 sambahayang Pilipino ang nakaranas magutom nitong 2020. Dalawang ulit na malaki ito sa sarbey ng SWS na 30.7% noong Setyembre 2020 o sangkatlo ng sambahayang Pilipino ang nagsabi na sila’y nakaranas magutom.

Sa harap ng kakarampot na ayuda ng gubyerno, bilyon-bilyong piso naman ang ibinubuhos na ayuda sa mayayaman. Madalas ikatwiran ng mga economic manager ni Duterte na hindi kaya ng gubyernong maglaan ng malakihang ayudang pangkabuhayan sa mahihirap subalit walang kahihiyang itinutulak naman nila ang mga maka-mayamang hakbangin na magkakaloob ng bilyon-bilyong pisong kaluwagan sa malalaking negosyo sa pamamagitan ng pagbabawas sa kanilang binabayarang buwis.

Itinutulak ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (Create Law) na pinirmahan na ni Duterte noong Marso 26 ang pagkaltas sa buwis ng malalaking negosyo—kung saan binawasan ang income tax na sinisingil sa mga korporasyon mula 30% tungong 25% para sa malalaking korporasyon, at 20% para sa mas maliliit na negosyo.

Bukod sa Create, pinirmahan din ni Duterte noong Pebrero 17 ang Financial Institutions Strategic Transfer Act (Fist Law) para tulungan ang mga banko na maidispatsa ang mga di na mabayarang utang at mga di na kumikitang mga ari-arian sa pamamagitan ng mga insentibong kaltas-buwis at iba pang kaluwagan—at para hikayatin diumano ang mga banko na magpautang sa mga pribadong sektor na magreresulta sa pagsigla ng ekonomya. Subalit anong banko ang maglalaan ng papalaking pautang kung nagsasara at matumal ang negosyo dahil sa pinakamatagal na lockdown na ipinatupad ng gubyernong Duterte sa buoang daigdig?

Di pa nasiyahan, agresibong itinutulak ng mga economic manager ni Duterte ang Guide bill na naglalayong maglagak ng P10 bilyong pondo sa Land Bank at sa Development Bank of the Philippines para ipuhunan ang pera sa tinaguriang mga “estratehikong mahahalagang kumpanya” na naapektuhan ng resesyon.

Sa bawat araw na lumilipas, lalo lamang nahuhubaran ang pagiging anti-nasyunal at anti-demokratiko ng gubyernong Duterte.

Habang tumatagal sa kapangyarihan si Duterte lalo lamang titindi ang kagutuman at mga pagpatay sa mga inosenteng mamamayan na pinaniniwalaan niyang banta sa kanyang tiwali at bulok na gubyerno. Habang nananatili sa kapangyarihan si Duterte, patuloy na makapamamayagpag ang bansang China sa pangangamkam sa teritoryo at pandarambong sa yaman ng karagatan na bahagi ng teritoryo at EEZ ng Pilipinas. Nasa interes ng gubyernong Xi Jinping at China ang pananatili sa kapangyarihan ng papet na rehimeng Duterte upang suhayan ang agresibong agresyon nito sa WPS.

Ipinagmalaki pa ni Duterte ang pangako ni Xi Jinping sa isinagawang bilateral na pag-uusap sa Boao State Guesthouse noong Abril 10, 2018 na “hindi hahayaan ng China na maalis sa katungkulan si Duterte at poprotektahan ng China si Duterte sa anumang plano na patalsikin ito sa kapangyarihan.” Kaya ganito na lamang ang pagkapit-tuko ng rehimen sa pagtatanggol sa interes ng China sa WPS. Hindi malayong makialam ang gubyernong Xi sa darating na halalan sa Mayo 2022 para masigurong ang hahalili sa kanya sa Malacañang ay ipagpapatuloy ang maka-China na tindig sa usapin sa WPS.

Napakalaking delubyo at sakuna ang tumama sa bansa nang maging pangulo ng Pilipinas si Duterte. Sagad sa buto ang kanyang pagkatuta at ginagawang pagtatanggol sa interes ng mga imperyalistang kapangyarihan, lalo na ng gubyernong China, sa kapariwaraan ng sambayanang Pilipino.

Nakakagalit at dapat lamang mariing itakwil ng sambayanang Pilipino ang pinakahuling pahayag ni Duterte na nagtuturing na isang kapirasong papel at nababagay lamang na itapon sa basurahan ang naging tagumpay ng bansang Pilipinas sa International Arbitral Tribunal noong Hulyo 2016 na nagpapawalang-saysay sa mga inaangking teritoryo ng China sa WPS ayon sa kanilang 9-dash line. Imbes na ipaglaban at igiit ni Duterte ang paborableng desisyon na nakamit ng bansa sa arbitral tribunal alinsunod sa UNCLOS, kung saan signatory ang China, tuluyan nang isinuko ni Duterte ang anumang tagumpay na nakamit ng Pilipinas sa Internasyunal na Tribunal, United Nations (UN) at sa mata ng internasyunal na komunidad. Mahihirapan na ring makakuha ang bansa ng simpatiya at suporta mula sa iba pang gubyerno dahil sa ginawang ito ni Duterte na maituturing na pang iinsulto at pagmamaliit sa naging desisyon ng Arbitral Court. Gawi ng isang balasubas, walang kahihiyan at kamangmangan para palabasin ni Duterte na inutil, walang saysay at basurang papel lamang ang naging desisyon ng Arbitral Tribunal, na suportado ng UN.

Habang pinagtatawanan ang Pilipinas ng iba pang mga bansa, siguradong nagbubunyi naman ang gubyernong Xi ng China sa pinakahuling pahayag na ito ni Duterte. Mas mahalaga kay Duterte ang pangakong pautang at kakarampot na tulong mula sa China kaysa ipagtanggol at pangalagaan ang integridad ng teritoryo ng bansa at EEZ sa WPS laban sa lantarang pananakop ng China.

Lalong binigyan ni Duterte ng lisensya ang bansang China na ipagpatuloy ang kanilang iligal na pagtatayo ng mga istrukturang militar sa mga isla at bahurang saklaw ng EEZ ng bansa sa WPS. Ganundin, tahasan nitong pinahihintulutan ang China na patuloy na samsamin ang yamang karagatan ng bansa sa West Philippine Sea na kung tutuusin ang mga Pilipino ang may solong karapatang makinabang.

Sa harap ng maraming krimen at walang kapatawarang kataksilan ni Duterte sa bayan, marapat na magpunyagi ang taumbayan na palakasin ang hanay at kumilos para agarang mapatalsik sa kapangyarihan si Duterte. Sa bawat araw na itatagal ni Duterte sa Malacañang, makagagawa pa ito ng ibayong kalupitan at kataksilan sa bayan. Dapat ding kumilos na ang buong bayan upang pigilan ang patuloy na pangangamkam at panggagahasa ng China sa likas na yaman ng karagatan ng Pilipinas sa EEZ nito sa WPS.

Sinusuportahan ng NDFP-ST ang panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM sa pagbubuo ng pinakamalapad na nagkakaisang prenteng patriyotiko para ipagtanggol ang soberanya at patrimonya ng Pilipinas. Laging handang makipagkaisa ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa mga pampulitikang grupo at pwersa alinsunod sa komon na hangaring ipagtanggol ang teritoryo at EEZ ng Pilipinas sa WPS mula sa lantarang pananakop ng China. Dapat isagawa ang iba’t ibang tipo ng pagkilos at paglaban para ipadama sa rehimeng Duterte at gubyernong Xi ng China na handa at determinado ang buong bayan na ipaglaban ang pambansang kasarinlan at teritoryal na integridad ng bansa mula sa mga mananakop. Ang pakikibaka ng buong bayan para ipagtanggol ang bawat pulgada ng teritoryo at pag-aari nito sa loob ng EEZ sa WPS ay bahagi ng pambansang pakikibaka para wakasan ang imperyalistang dominasyon at mga neo-liberal na imposisyon sa bansa ng imperyalistang US at China.

Samantala, patuloy na paiigtingin ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon ang armadong pakikibaka para bigwasan at parusahan ang teroristang AFP at PNP na labis ang ginagawang karahasan at kalupitan sa mga mamamayan ng rehiyon. Kailangang pagbayarin sila nang mahal sa kanilang mga nagawang karumal-dumal na krimen sa bayan. Marahas, matapang at mabalasik sa pagsupil sa mamamayang Pilipino ang AFP at PNP subalit mga duwag, bahag ang buntot at bantulot kung kumilos para ipagtanggol ang teritoryo at pambansang soberanya ng Pilipinas sa harap ng lantarang panghihimasok at pagyurak dito ng bansang China. Nakatuon ang pansin ng AFP at PNP sa paglulunsad ng kontra-rebolusyonaryong gera laban sa sariling mamamayan sa halip na ipagtatanggol ang bansa mula sa panlabas na banta ng mga dayuhang kapangyarihan.

Malinaw na ang AFP at PNP ay protektor ni Duterte, ng reaksyunaryo at pasistang estado at ng interes ng mga dayuhang monopolyong kapangyarihan. Wala itong bahid ng pagiging makabayan at maka-Pilipino dahil sa simula’t sapul ang dinadala nitong tradisyon at oryentasyon ay mersenaryo, maka-dayuhan at bilang tagapagtanggol ng interes ng lokal na naghaharing uri sa lipunang Pilipino.

Sa kabilang banda, itinuturing ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang mga bayani at kanilang tunay na Hukbo. Batid nila na ang inilulunsad nitong Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ang tanging solusyon para wakasan ang matinding kahirapan at pang-aapi na matagal na nilang dinaranas sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa bansa at halinhan ito ng isang tunay na malaya, demokratiko, maunlad at masaganang lipunang Pilipino. Dahil dito, patuloy na lumalawak at lumalalim ang tinatamasang suporta ng BHB mula sa sambayanang Pilipino at siyang nagsisilbing salalayan naman sa patuloy na paglakas at paglawak ng digmang bayan sa bansa. ###

 

Pagsuko sa Soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, Sukdulang Kataksilan ni Duterte