Pagsuporta ng lokal na naghaharing-uri sa Bikol kina Marcos-Duterte, ibayong pagpapahirap at pagpatay sa mga Bikolano

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa kabila ng malawakang pagtutol ng mamamayang Bikolano sa tangkang panunumbalik ng mga Marcos at Duterte sa Malacañang, tusong minamaniobra ng mga dinastiyang pulitikal sa Bikol, laluna iyong pinakanakinabang sa ilalim ni Duterte, ang pagkapanalo ng tambalang Bongbong at Sara sa rehiyon. Kasabwat ang militar, ipinagkakanulo nila ang interes ng mamamayan kapalit ng tuluy-tuloy pang paghuthot ng kurakot at dambong. Sa pagsisimula ng lokal na kampanya, dapat hadlangan ng masang Bikolano ang anumang tangka ng malalaking dinastiyang pulitikal sa rehiyon na iluklok ang alyansang Marcos-Duterte sa poder at ipagkait sa mamamayan ang kanilang inaasam na pagbabago.

Hindi kataka-taka ang pagtutulak ng mga makapangyarihang angkang ito na maipanalo sina Bongbong at Sara. Pabor ito sa dinastiyang Kho ng Masbate dahil makikinabang ito sa malalawak na lupain ng pamilyang Marcos at mga kroni nito sa prubinsya. Hangad din ng mga Tallado ng Camarines Norte ang maprotektahan at mapalawak ang kanilang mga interes sa pagmimina. Nanganganib din ang bilyun-bilyong kurakot ng mga Villafuerte mula sa mga proyektong imprastruktura oras na mawala sa kapangyarihan ang pangkating Duterte. Inaasam naman ng mga Cua ng Catanduanes na mapatibay ang burukratang paghahari sa pagpapala ng kanilang poong Marcos. Nais din ni Joey Salceda ng Albay na ipagpatuloy ang pagiging arkitekto ng neoliberal na pangwawasak sa pag-endorso kay Sara. Siyam na alkalde rin sa Camarines Sur ang nagpapakita ng suporta sa tambalang Marcos-Duterte kapalit ng pagpapalakas pa ng EO 70- National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na isa sa mga hitik na balon ng korupsyon sa kasalukuyan. Kanya-kanyang pakulo ang mga hunyangong pulitiko sa pagtutulak ng sinusuportahang kandidato habang umiiwas naman sa malawakang pagbatikos ng masa.

Nakipagkasundo ang mga dinastiyang ito sa Joint Task Force Bicolandia upang paigtingin ang militarisasyon at tiyakin ang pagpabor ng resulta ng halalan sa rehiyon sa kandidaturang Marcos-Duterte. Pinahintulutan ng Bicol Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict at Regional Peace and Order Council ang dagdag na tropang militar, laluna sa Masbate, upang pilitin ang mga lokal na upisyal at ang masa na suportahan at iboto ang mga anak ng diktador.

Tiyak na idudulot ng pagkapanalong Marcos-Duterte sa tulong ng mga lokal na naghaharing-uri sa Kabikulan ang mas mabilis na pagbulusok ng ekonomya at pagtindi pa ng krisis sa rehiyon at buong bansa. Walang sagkang bubuhos ang mapangwasak na mga proyekto, titindi ang pang-aagaw ng lupa at ibayong dadapa ang agrikultura at malulusaw ang mga trabaho. Kasabay nito ang malaganap na pagpaslang, pambubomba mula sa himpapawid at pandarahas sa mga sibilyan.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolano na samantalahin ang puwang na ibinibigay ng reaksyunaryong halalan upang isulong ang kanilang demokratikong interes at kanilang pakikibaka para sa buhay, lupa at karapatan. Anumang maging kahinatnan ng reaksyunaryong halalan, tiyak nilang masasandigan ang kawastuhan at pangangailangan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan upang makamtan ang tunay na pagbabagong panlipunan.

Pagsuporta ng lokal na naghaharing-uri sa Bikol kina Marcos-Duterte, ibayong pagpapahirap at pagpatay sa mga Bikolano