Pagtatanggol ng BHB sa mga T’boli laban sa pambobomba ng AFP
Kinukundena ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan sa Far South Mindanao ang pambobomba at mga pag-atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa masang Lumad na T’boli sa South Cotabato. Sinasaluduhan namin ang mga yunit ng BHB sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba para ipagtanggol ang kapakanan ng masa.
Noong Disyembre 30, 2021, alas-2 ng madaling araw, binasag ng AFP ang katahimikan sa Sityo Busong-Apang, Barangay Tudok, sa T’boli, South Cotabato (malapit sa hangganan ng Baangay Kapanal, Kiamba, Sarangani Province) nang maghulog ito ng 12 bomba gamit ang isang FA50 fighter jet at mga helikopter na Apache. Ang mga bomba ay pawang tumama sa mga sakahan ng mga T’boli, ilandaang metro lamang ang layo sa baryo. Walang nakahimpil na yunit ng BHB malapit sa nasabing lugar at wala ring nasubaybayan na operasyon ng AFP.
Sa sumunod na araw, Disyembre 31, 2021, pumasok ang mga tropa ng 38th Infantry Battalion na nakabase sa Kiamba, Sarangani Province, malapit lamang sa Sityo Busong-Apang. Kaagad nagpakat ng isang team ang yunit ng BHB sa erya para hanapin at birahin ang kaaway. Nakasagupa ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong tropa ng kaaway eksaktong 4:45 ng hapon. Ayon sa panimulang ulat mula sa erya, hindi bababa sa pitong sundalo ang napatay at tatlo ang sugatan. Ligtas na nakapagwidro ang mga kasama.
Bilang ganti, binomba ng AFP ang lugar. Pinasabog nito ang mga 155 Howitzer buhat sa barko ng Philippine Navy na nakaistasyon sa karagatan ng Kiamba (Sarangani Bay).
Noong Enero 1, muling naglunsad ng pag-atake ang team ng BHB, laban naman sa isang kolum ng 11 Special Forces Battalion na nagmula sa T’boli, South Cotabato. Naka-engkwentro nila ang kaaway sa bulubunduking sakop ng Barangay Tudok. Ayon sa inisyal na ulat, limang pasistang tropa ang napatay at dalawa ang nasugatan. Walang kaswalti sa panig ng BHB.
Kasalukuyang nagpapatuloy pa ang full military operations sa mga barangay sa hangganan ng Kiamba, Sarangani Province at T’boli, South Cotabato. Ang mga lugar na ito ay saklaw ng mga konsesyon ng 88 Kiamba Mining Development Corporation, Inc (KDMCI) at Kiamba Mining Corporation.
Tinututulan naman ng mga tao ang tuwirang pagmimina sa kanilang lupang ninuno ng nasabing mga kumpanya.