Pagwawasto sa pagkakamali ng Romulo Jallores Command at Jose Rapsing Command
Mahigpit na pinupuna ng Romulo Jallores Command at Jose Rapsing Command ang kanilang sarili sa bigong aksyong demolisyon sa Brgy. Anas, Masbate City nitong Hunyo 6, 2021. Buong pagpapakumbabang ipinapaabot ng RJC ang pakikidalamhati sa kapamilya’t komunidad na kinabibilangan magpinsang Keith Absalon at Nolven Absalon. Ang hindi sinasadyang pinsala sa buhay at kaligtasan ng sibilyan ay hindi kailanman wasto. Titiyakin ng RJC at JRC ang kagyat na makatarungang paglutas sa naging pagkakamali ng BHB-Bikol. Bukas palad kaming dumudulog sa mga Absalon para mabigyang puwang ang kinakailangang pag-aayos. Mataas ang pagpapahalaga ng buong rebolusyonaryong kilusan sa kaligtasan ng buhay at kabuhayan ng masang Bikolanong kanilang ipinagtatanggol kung kaya’t walang pag-aatubiling tinatanggap ng Pulang Hukbo ang naging kahinaan at pagkakamali sa nasabing aksyong militar. Makakaasa ang buong sambayanang Pilipino mula sa pagkakamaling ito’y higit na pagsisikapan ng BHB-Bikol na masinsing ipatupad ang mulat na bakal na disiplina ng mga Pulang kumander at mandirigma ng rebolusyonaryong hukbo.
Ginagatungan ng kumander ng SOLCOM, Maj. Gen. Parlade, ang pagdadalamhati ng pamilya ng mga Absalon para bigyang matwid ang mapaminsalang todo gera ng rehimeng US-Duterte. Ang mga tagumpay ng NTF-ELCAC at SOLCOM na itinitilaok ni Parlade ay katumbas ng malawakang pagbayo ng juntang militar sa kanayunan at kalunsuran. Katumbas nito ang kawalang pananagutan sa mga paglabag sa karapatang tao ng mamamayang anakpawis. Habang nagpipista sa kikbak at pandarambong ang naghaharing-uri, patuloy na nalalagay sa panganib at nababaon sa utang ang milyong Pilipinong pinagkaitan ng kaligtasan at kabuhayan sa gitna ng pandemya. Habang lalong nagiging desperado ang rehimeng pigilan ang mamamayang hawakan ang natitira nilang armas para isalba ang sarili–ang pagbangon at pag-aarmas–higit na nagiging mapanibasib at mapanlinlang ang juntang militar. Malinaw sa NTF-ELCAC , sa pamamagitan ni Parlade, na hindi matatamo ng pangkating Duterte ang tagumpay sa kanilang todo gera laban sa rebolusyonaryong kilusan dahil hindi ito kailanman sinusuportahan ng mamamayan.
Sa buong Bikol, mahigit sa 200 na ang biktima ng ektrahudisyal na pamamaslang. Libu-libong pamilya ang naging biktima ng iba’t ibang tipo ng pandarahas na nagdulot ng ligalig at pinsala sa buhay at kabuhayan ng masang Bikolano. Nitong unang hati ng taon ng 2021, isa ang isla ng Masbate sa pinokusan ng RTF-ELCAC ng madugong operasyong militar para pagtakpan ang malawakang pangangamkam ng lupa, mapaminsalang operasyon ng pagmimina, at dambuhalang proyektong pang eko-turismo. Libu-libong sibilyan ang inagawan ng karapatan para mapayapang maglunsad ng kanilang gawaing pang-ekonomiya at gawaing pampulitika. Ganito rin ang larawan para sa daan-daang komunidad hinahalihaw ng operasyong militar at pulis sa natitirang mga prubinsya ng rehiyon.
Sa mga internasyunal na batas ng digma, kinikilala ang karapatan ng mamamayan sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa kabagsikan ng pasistang terorismo ng estado. Ang command detonated explosives ng BHB, kasabay ng mulat na pag-aarmas ng mamamayan, ay isa sa mga pinakatatakutang armas ng mga mersenaryong militar at pulis. Maging si Parlade ay naglinaw na mersenaryong alipures ng reaksyunaryong estado ang target ng mga aksyong militar ng BHB at hindi mga sibilyan. Naninindigan ang buong rebolusyonaryong kilusan na sa anumang digma ng pagpapalaya, higit ang kahalagahan ng mapagpasyang lakas ng mamamayan na wakasan ang tiranong paghahari kaysa anumang abanteng armas.
Ang rebolusyonaryong daluyong na nagtutulak sa walang maliw na pagtangan ng armas ng malawak na mamamayan ang patunay na sa kabila ng kanyang mga kahinaan, nanatiling matuwid at matapat ang BHB sa kanyang sumpang pagsilbihan ang mamamayan. Ang mga dinoktor na papeles ng mga sapilitang pinasurender sa rehiyon ay patunay na patuloy na nabibigo ang RTF-ELCAC na durugin ang anumang larangang gerilya sa rehiyon. Patunay lamang itong nagkukumahog ang mga upisyal ng nasabing ahensya para tuluyang maibulsa ang natitira pang pondo ng NTF-ELCAC bago pa ito bawiin para tugunan ang kakapusan ng pondo para sa pagharap sa pandemya.