Pagyurak sa karapatan ng kababaihang magsalita at magsulong ng adbokasiya, pagpapakita ng labis na kaduwagan ng AFP at ni Duterte
Napapraning at hindi na makatulog si Antonio Parlade Jr., hepe ng Southern Luzon Command at tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, sa hindi magaping impluwensya ng rebolusyunaryong kilusan sa buong bansa. Patuloy siyang minumulto ng kanyang mga salitang walang laman at puro kasinungalingan laban sa rebolusyunaryong kilusan.
Mainit na isyu na umani ng matitinding batikos nitong nakaraang araw ang kanyang pagbibigay-babala sa mga sikat na personalidad na sina Liza Soberano, Angel Locsin, at Catriona Gray, mga kababaihang natututong i-ehersisyo ang kanilang karapatan na isulong ang adbokasiya para sa kababaihan at kabataan. Dahil sa adbokasiyang ito, inilagay ni Parlade sa panganib ang kanilang mga buhay sa pamamagitan ng pagred-tag sa kanila. Pinaratangan niya ang tatlo na gumagampan ‘di umano ng mga rebolusyunaryong tungkulin sa kanilang paglahok sa mga aktibidad ng mga progresibong grupo at sa kanilang aktibong pagsasalita laban sa pasismo ng rehimeng US-Duterte. Ninais pa nitong hatiin at pag-away-awayin ang hanay ng mga artista at mga taga-suporta nila sa kanyang pahayag na mas maniwala sa mga artistang army reservist tulad nila Glaiza de Castro at Wynwyn Marquez na nagsusulong rin naman daw ng karapatan ng kababaihan at ng mga bata.
Samantalang magkakaiba naman ang reaksyon ng kanyang mga kasapakat hinggil sa isyung ito. Pinuri ni AFP Chief of Staff Gilberto Gapay ang ginawang ito ni Parlade. Taliwas naman ang aktitud ng kalihim ng Department of National Defense na si Delfin Lorenzana na ang unang ginawa ay patikumin ang madaldal na bunganga ni Parlade, matapos ay pinatawag ito para upang ayusin nilikhang gulo ng huli. Pumapel naman si DILG Sec. Eduardo Año at prinotektahan ang litong-lito na si Parlade. Mismong sa kanilang hanay ay batid nila ang pambihirang pagkakamaling ginawa ni Parlade sa akusasyon sa tatlong kilalang artista na nagboomerang sa AFP.
Sa pagbubuladas ni Parlade, lalo lamang nalantad ang kasinungalingan ng kanyang institusyong kinabibilangan–malayo sa katotohanan na wala nang lakas ang rebolusyunaryong kilusan. Sa kabila ng tuluy-tuloy na pagpapakalat ng tsismis sa midya na wala nang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan, sa kanilang bibig na rin mismo nanggagaling ang tunay na lakas ng Partido at ng Hukbo. Kung kaya’t nanginginig sila sa takot sa pagkamulat ng mga kilalang celebrity tulad ni Liza Soberano, Catriona Gray at Angel Locsin na ibayong naglalantad sa kanilang kasinungalingan. Sa kanilang desperasyon, walang nagawa ang balasubas na hepe ng SOLCOM at kasalukuyang tagapagsalita ng NTF-ELCAC, kundi ang takutin ang mga ito kasabay nito’y maghatid ng kaparehong epekto sa kanilang milyong tagasuporta.
Walang mapapala ang sektor ng kababaihan sa rehimeng Duterte. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin hanggang sa palpak na sistema ng edukasyon sa gitna ng pandemya, labis na pinapahirapan ang mga ina na itaguyod ang bawat araw. Sa pag-aalimura ng macho-pasista na pangulo ng bansa, lalong tinatapakan ang dangal ng mga babae. Ang nais ng RUSD ay patikumin ang bibig ng mga babae at ikulong sila sa kanilang mga tahanan. Para sa reaksyunaryong gobyerno, walang karapatang makialam ang mga babae, kagaya ng ginagawa ngayon ni Duterte sa Bise-Presidente nito na si Leni Robredo.
Kinamumuhian ng kababaihan at buong mamamayan ang gobyernong walang paggalang sa karapatan ng kababaihan at ng mamamayan. Ang patuloy na pagsasawalang bahala at pagkakait sa mamamayan ng tunay na reporma sa lupa, trabaho, edukasyon at paggalang sa kanilang karapatan ay umaani ng malaking disgusto sa nabubulok ng rehimen. Lalo lamang dumarami ang kababaihang namumulat at tumatahak sa landas ng armadong pakikibaka, upang isulong ang karapatan ng kababaihan at ng lipunan na magkakaroong katuparan sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa buong kapuluan.
Ang lalong tumitinding tunggalian sa larangan ng ekonomiya, pulitika at kultura ay lalong naghuhubad sa kabulukan ng estado at naglalantad sa pangangailangan ng pasusulong ng rebolusyon. Ito ang katotohanang ikinasisindak ng RUS-Duterte at ng mersenaryong hukbo nitong AFP. Ang mga artistang tinatangka nilang supilin ay lalo lamang umani ng kanilang suporta, sa kabilang banda’y bumuo ng malawak na ulap ng galit ng tagasuporta nito sa estado. Tulad ng rebolusyonaryong kilusan, sa bawat pagtatangka ng estadong supilin ito sa pamamagitan ng kaniyang iba’t ibang kampanyang pagwasak, lalo lamang itong tumatanyag, lumalakas at umaani ng suporta.
Dapat tularan ng marami pang artista at kabaihan ang tapang na ipinamalas ni Angel Locsin, Liza Soberano at Catriona Gray sa pamamagitan ng kanilang pakikialam sa mga usaping kinakaharap ng kapwa nila kababaihan. Higit na dapat buklurin ng kababihan ang kanilang pagkakaisa upang tamasahin ang tunay na pagkilala at paggalang sa kanilang karapatan na magaganap lamang sa pamamagitan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka hanggang makamit ang sosyalistang lipunan.
WAKASAN ANG MACHO-PASISTA NA PAGHAHARI NG TERORISTANG REHIMENG US-DUTERTE!
IBAGSAK ANG REHIMENG US-DUTERTE!