Pahayag at bukas na liham sa mga opisyal ng bayan sa prubinsya ng Masbate
Nitong nakalipas na linggo ay may nakaabot sa aming impormasyon na ilang mga matataas na opisyal ng 2nd IBPA at PNP Masbate PPO ang mag-iikot sa dalawampu’t isang (21) mga bayan at lungsod ng Probinsya ng Masbate upang makipagdayalogo sa mga opisyal ng bayan, partikular sa mga bagong halal. Mayor na pag-uusapan ay ang hikayatin ang mga itong magpasa ng isang resolusyon na magdedeklara sa CPP/NPA/NDF na “persona non grata”.
Ang nasabing hakbang ng 2nd IBPA at PNP ay alinsunod sa Whole of Nation Strategy na nakapaloob sa bagong operation plan ng DND-AFP at DILG-PNP na Oplan Kapanatagan. Binuo ng rehimeng US-Duterte ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa hangarin nitong tapusin ang limang dekadang armadong tunggalian na kinakatawan ng CPP/NPA/NDF laban sa malalaking burgesya kumprador, panginoong may-lupa at burukrata kapitalismo at ang armado nitong AFP at PNP.
Itatayo din sa antas rehiyon ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) na pangungunahan ng iba’t-ibang kumand ng AFP at PNP hanggang antas probinsya na siyang magtutulak sa mga Local Chief Executives (LCE) at Konseho nito na magpasa ng Provincial at Municipal Resolutions na ideklarang persona non grata ang CPP/NPA/NDF.
Ang pagtutulak sa mga Local Chief Executives gayundin sa Konseho nito ay para lumikha ng isang malaking ilusyon at palilitawing humahamig ito ng suporta sa mamamayan.
Nais naming ipaalam sa lahat ng mga lokal na opisyal sa lalawigan ng Masbate na pag-aralan niyong mabuti ang anumang ipapagawa sa inyo ng mga sundalo at pulis. Suriin niyong mabuti kung ito ba ay makabubuti o ikasisira niyo sa mga indibidwal at pamilyang naging bktima ng militarisasyon. Nito lamang nakalipas na buwan maramihang pamilya ang nagbakwet sa bayan ng Cawayan dahil sa panggugulo ng mga sundalo at pulis sa siyam na barangay ng Cawayan.
Habang nitong kasalukuyang buwan ng Hunyo, sa bayan naman ng San Fernando sa isla ng Ticao ay nakapagtala ng tatlong (3) biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay sa mga baryo ng Liong at Buenavista . Ilan lamang ito sa mga insidente ng paglabag sa karapatan tao ng mga mamamayan sa dalawang bayan.
Ang mga ganitong pangyayari ay hindi pwedeng pasubalian ng mga sundalo at pulis na gawa-gawa lamang dahil sa dumarami ang mga kapamilya ng mga biktima na sumisigaw ng hustisya.
Alalahanin niyo na ang mamamatay taong pangulong si Rodrigo Duterte ay may dalawang taon na lang sa kanyang kapangyarihan at ito ay pansamantala lamang at sa kabilang banda ang rebolusyon ay magpapatuloy hanggat naririyan ang pagsasamantala ng iilan sa nakararaming Pilipino. Naniniwala kami na marami pang mga opisyal ng bayan sa buong lalawigan na may busilak na puso at may matinong pag-iisip na hindi papayag na gamitin sila ng mga sundalo at militar sa imbi nitong linlangin at ipahamak kayo.
Sa halip ay tularan niyo ang ginawa ng mga lokal na opisyal ng Lungsod ng Iloilo na hindi nagpatinag sa presyur ng isang mataas na opisyal ng PNP IloIlo City. Ang dapat suportahan ng mga lokal na opisyal ay ang panawagan ng mga biktima ng militarisasyon na mapaalis ang mga militar at pulis sa kanilang mga baryo.
Lunurin man ng sanlaksang Oplan, mananatili at mananatiling nakatayo ang CPP/NPA/NDF sa digmaan ng pulitika at militar upang rumpagon ang dub-ok at inutil na reaksyonaryong estado.
Labanan ang E.O. 70 at M.O. 32 ng AFP at PNP!
Biguin ang Oplan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte!
Mamamayang Masbatenyo at Pilipino, lumahok sa Digmang Bayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!