Pahayag Hinggil sa Lakbay-Dalangin ng Mamamayan sa Kabikulan
Buong lugod na binabati ng NDF-Bikol ang mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, taong simbahan at iba pang mga sektor na nagtipun-tipon upang ipagdiwang ang kapistahan ni INA sa pamamagitan ng pag-alala at pagtindig para sa lahat ng biktima ng walang pakundangang karahasan ng estado. Sa panahong nasusukluban ang lipunan ng lagim ng terorismo at pasismo ng rehimeng US-Duterte, pinagpupugayan ng masang Bikolnon ang kapwa mamamayan nilang naninindigan sa daan ng tunay na kaligtasan – ang daan ng sama-samang pagkilos laban sa pwersa ng karahasan at pagsasamantala.
Ang kasaysayan ng kapistahan ng Penafrancia ay hitik sa kwento ng kabayanihan at mapanlabang diwa ng mamamayan. Itinuturo ng kapistahang ito ang kabuluhan ng malasakit, pag-asa, pagkakaisa at pagiging matatag sa harap ng mga problema. Hinahamon ng pagdiriwang na ito ang lahat ng masang Bikolnon at ang sambayanang Pilipino na maging mapagmatyag laban sa mga elemento ng pasakit na nais hatiin ang hanay ng mamamayan at magpunyagi sa patuloy na pagpapakatatag sa gitna ng hambalos ng pasismo at terorismo ng estado. Isinasabuhay ng mamamayang Bikolano at rebolusyonaryong kilusan ang tunay na kahulugan ng pagdiriwang ng Penafrancia sa pamamagitan ng pagsalig sa natatanging lakas ng nagkakaisang mamamayan upang likhain ang tugon sa kanilang mga dalangin at panawagan. Sa harap ng walang patumanggang paglabag sa karapatang tao at kawalan ng sosyoekonomikong reporma sa pamumuno ng nag-uulol na rehimeng US-Duterte, matatag na tinutupad ng mamamayan ang tungkulin niyang singilin at pananagutin ang mga pasista at teroristang lumalapastangan sa karapatan ng sambayanan upang kamtin ang katarungang panlipunan at pangmatagalang kapayapaan.
Anumang pagbabalatkayo ang gawin ni Duterte upang ipagtanggol ang lahat ng kanyang anti-mamamayang Oplan, malinaw sa sambayanang walang ibang target ang gerang ilinulunsad ni Duterte at ng kanyang kriminal na hukbo kundi ang mismong taumbayang dapat ay pinagsisilbihan nito. Sapat-sapat nang patunay ang patuloy na humahabang listahan ng mga pinaslang ng teroristang rehimen – bata man o matanda, taong simbahan, magsasaka o propesyunal. Sa Kabikulan, papataas ang bilang ng mga pinaslang. Isa rito ang masaker na naganap sa Brgy. Patalonan, Ragay, Camarines Sur nitong Mayo. Dinukot at pinaslang ng mga elemento ng AFP ang mga magsasakang walang ibang kasalanan kundi ang masagupa ang tindi ng paghuhuramentado ng mga elemento ng 9th IDPA na nagsasagawa ng clearing operations matapos matapos mabigong kubkubin ang mga pulang mandirigma sa nabanggit na lugar. Sa Brgy. Veneracion, Pamplona, Camarines Sur, dinukot at pinaslang ng mga elemento ng militaryang mag-amang sina Danilo Abonin at Obot Abonin matapos matagumpay na parusahan ng Nurben Gruta Command si PFC Johnny D. Franco. Sa Camalig, Albay, sunod-sunod na pinaslang ang tatlo pang magsasaka matapos ang matagumpay na ambus sa dalawang elemento ng 9th IDPA.
Kalakaran na ng mersenaryong army ang panghaharas, pandurukot, ektrahudisyal na pamamaslan sa mga sibilyan sa mga lugar na pinangyarihan ng bawat ambus, pamamarusa at bigong pagkubkob. Malinaw na panghahasik lamang ng takot at gulo ang layunin ng mga ito. Ngunit ang mga ganitong hakbangin ay lalo lamang na nagpapasikdo sa dugo ng mamamayan upang ugnayan at suportahan ang tunay na hukbong nagtataguyod ng kanilang mga karapatanang Bagong Hukbong Bayan.
Walang halaga ang buhay ninuman para sa isang kriminal na lulong sa kapangyarihang tulad ni Duterte. Walang bigat para sa kanyang mersenaryong hukbo ang pumatay kahit pa ng mga taong walang kakayahang lumaban. Walang anuman sa kanya ang bawian ng pangarap at sirain ang tahanan ng daan-libong mamamayang dati nang inaapi at pinagsasamantalahan para lamang maitaguyod ang kanyang paghahari. Ngunit sa likod ng kanyang pagpopostura, siya ay nanginginig sa takot. Alam niyang nagbabadya ang pagdaluyong ng mas malalaking kilos-protesta ng mamamayan at ang mas matutunog na taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan. Hindi kailanman mapatatahimik ng anumang balasik ng pasismo ang nag-aalab na diwa ng mamamayang tumitindig para sa kanilang karapatan. Sa lahat ng dako, patuloy na sumusulong ang makatarungang digma ng sambayanan. Bumabaha sa lansangan ang daan-daan libong masang nagngangalit at naniningil sa lubusang kainutilan at kriminalidad ng rehimeng US-Duterte. Sa mga kabundukan at kaparangan, patuloy na lumalakas at lumalawak ang hanay ng mga pulang mandirigmang handang ipagtanggol ang masa laban sa mga tunay na kaaway ng kapayapaan at katarungan. Sa pusod ng kanayunan, patuloy na nag-uugat at tumitibay ang mga binhi ng demokratikong gubyernong bayan na ipinupundar ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan.
Matagal nang tapos ang panahon ng pananahimik at pag-aalinlangan. Wala nang anumang banta at atake ni Duterte at ng kanyang mersenaryong hukbo ang makapipigil sa lakas ng nagkakaisang mamamayan. Lalo lamang itinutulak ng kanyang terorismo ang masa sa lubusang pagkamulat at pagsalig sa sariling lakas. Anumang panghahati ang kanyang ipakana, buo ang kapasyahan ng rebolusyonaryong kilusan at ng iba’t ibang sektor ng sambayanan na pandayin ang pagkakaisa ng sariling hanay. Iisa ang kaaway – ang mamamatay tao na si Duterte, ang kanyang mersenaryong hukbo at ang kanyang mga lokal at imperyalistang kasapakat.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolnon at sambayanang Pilipino na ipagpatuloy ang pagsasapuso ng mga adhikain ni INA. Dapat iparamdam ng bawat isa ang tunay na malasakit sa pamamagitan ng pakikilahok at pagpapanagot sa kriminal na estadong pumatay nang ilang daan-libong mamamayan at patuloy na kumikitil at sumisira ng ilang daan-libo pang buhay. Marapat lamang na panghawakan ng mamamayan ang pag-asang sa kanilang pagkakaisa makakamit ang tunay na katarungang panlipunan at makabuluhan at pangmatagalang kapayapaan. Anumang atakeng humambalos sa hanay ng nagkakaisang masa, marapat lamang na manatiling matatag at buo ang kapasyahang lumaban para sa kanyang interes at kapakanan. Ang mamamayan, sa kanyang pagsusulong ng makatarungang digmang bayan, ang siyang magpupundar sa daan ng kanyang kaligtasan at tungo sa isang lipunang magsisilbi sa sambayanang inaapi’t pinagsasamantalahan. Iluluwal ng kalunsuran at kanayunan sa mga susunod na araw ang mas malalakihang kilos-protesta at mas madadagundong na taktikal na opensibang yayanig sa duguang kaharian ni Duterte.