Pahayag ng KAGUMA-Balangay Jessica Sales sa naganap na ‘Bloody Sunday’
Hindi na bagong marinig sa pangulo ang pagsasawalang bahala sa karapatang pantao. Sinimulan niya ang kanyang rehimen sa madugong pagpapatupad ng Oplan Tokhang. Kalauna’y kinuha naman ang mga taktika ng Tokhang at dinirekta ang pandarahas papunta sa mga rebolusyonaryo at ligal na organisasyon sa pamamagitan ng huwad na Oplan Kapayapaan, Oplan Sauron sa Negros, at sa pagbubuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Sa halos limang taong panunungkulan ni Duterte bilang pangunahing pasista sa republika, tanging bala at dahas ang kanyang naging solusyon sa mga lehitimong hinaing ng mga mamamayan. Panibagong pagpapatunay dito ang brutal na pagpaslang sa mga lider-mamamayan sa Cavite, Batangas, at Rizal, habang iligal namang inaresto ang ilang mga aktibista sa Laguna. Ang mga mamamayang ito ay pawang mga hindi-armado at nagtatangan lamang ng mga panawagan para sa karapatan sa lupang matitirhan at marangal na pamumuhay. Lahat ng mga operasyong ito ay naganap ilang araw matapos sambitin muli ni Duterte sa kanyang mga berdugong ulol sa dugo na kalimutan ang karapatang pantao at patayin ang lahat ng maka-kaliwang grupo.
Kasama ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan – Balangay Jessica Sales ang iba pang mga rebolusyonaryong grupo ng Timog Katagalugan sa pagdakila sa mga martir ng sambayanan. Kung inakala ni Duterte na mangingimi at mananahimik ang mga mamamayan, nagkakamali siya. Pinatunayan na ng kasaysayan na rebolusyonaryong hustisya ang isinasagot ng mamamayan sa pasistang pandarahas. Hindi kailanman nagresulta sa pagnipis ng hanay ang pagpaslang sa mga mamamayang lumalaban, sa halip ito ay lumilikha lamang ng mga bayani na titingalain ng mas marami pang susunod sa kanilang mga yapak.
Dakilain ang mga martir ng sambayanan!
Panagutin ang pasistang rehimen!
Gurong Makabayan, tumungo sa kanayun!