Pahayag ng KM-Armando Mendoza sa ika-56 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan
Isang rebolusyonaryong pagbati ang ipinapaabot ng KM-Armando Mendoza ngayong ika-56 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan. 56 na taon na ang lumipas mula nang itatag ang KM pero patuloy pa ring nagniningning ang rebolusyonaryo at militanteng tradisyon ng KM sa hanay ng mga kabataang aktibista, laluna ngayon sa gitna ng lumalalang pambubusabos at karahasan ng naghaharing sistema laban sa kabataan at mamamayan. Mararapat lamang na gunitain ang mayamang kasaysayan ng Kabataang Makabayan upang magbigay inspirasyon sa mga kabataan ngayon.
Pinakamataas na pagpupugay ang ginagawad natin sa lahat ng martir ng rebolusyon–lalo na iyong mga nagmula sa hanay ng kabataan katulad nina Edgar Jopson, Armando Mendoza, Jo Lapira, at iba pa–sa kanilang buong-pusong paglilingkod sa bayan. Dapat silang pagpugayan dahil inialay nila ang kanilang lakas, tapang at talino, maging ang kanilang buhay, para sa isang dakilang mithiin–ang itatag ang isang lipunang malaya at walang pagsasamantala. Makabuluhan ang buhay na kanilang inialay at hinding-hindi kayang mapantayan ng mga pahirap, korap at mamamatay-tao gaya nina Duterte, Lorenzana, Ano, Esperon, Sinas, atbp. Mananatili silang inspirasyon para sa iba pang kabataan na gusto ring tahakin ang landas ng paglilingkod sa bayan.
Itinatag ang Kabataang Makabayan limampu’t anim na taon na ang nakararaan dahil sa pangangailangang isikad muli ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ang dekada ’50 at ’60 ay panahon ng ligalig–tumitindi ang kahirapan, kabi-kabila ang korapsyon sa kabang-bayan, dinadambong ng mga dayuhan ang ating likas-yaman, at nagawa pang hatakin tayo sa isang gyerang sila naman ang may pakana.
Mula sa masusing pag-aaral ng lipunan, nabuo ang suri na malakolonyal at malapyudal ang katangian ng lipunang Pilipino. Tinukoy ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo na siyang ugat ng matinding kahirapan at walang ibang lunas sa mga ito kundi ang pagpapatuloy ng rebolusyong 1896 para makamit ang tunay na pambansang paglaya at demokrasya. Bitbit ang rebolusyonaryong aral at diwang palaban nina Bonifaco at Jacinto, isinulong ng Kabataang Makabayan ang bagong demokratikong rebolusyon–ito’y bagong tipo dahil sa pamumuno ng proletaryado na siyang pinaka-aping uri sa ilalim ng pandaigdigang sistemang kapitalista na pumapangaibabaw sa buong mundo.
Ginampanan ng KM ang mahalagang papel ng pagpupukaw, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa mga kabataan sa ilalim ng bandera ng pambasang demokratikong pakikibaka. Isinulong ng KM ang mga pakikibakang anti-pyudal, anti-pasista, at anti-imperyalista. Pinatunayan ng KM ang kawastuhan ng paglaban sa pamamagitan ng masigasig at walang-pagod na pagmumulat at pag-oorganisa sa maraming kabataan, at maging sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang lunsod, propesyunal, atbp. Itinaas ng KM ang kamulatan ng kabataan sa pamamagitan ng propaganda at edukasyon. Itinaas nito ang komitment at kahandaang lumaban ng kabataan. Tinatakan nito ang makasaysayang papel ng kabataan sa pagbabagong panlipunan.
Pinamunuan ng KM ang daan-libong protesta ng kabataan at mamamayan na yumanig sa diktaduryang US-Marcos; ang pinakatanyag na rito ay ang First Quarter Storm o Sigwa ng Unang Kwarto noong 1970 na siyang tugon ng mga kabataan sa papatinding panunupil at pamamasista ng nasabing diktador. Mula dito, lalo lamang lumakas ang paglaban ng mamamayan at ang KM ay nagsilbing tanglaw ng masang api para tahakin ang landas ng pakikibaka.
Hindi nagpatinag ang mga kabataan nang ideklara ni Marcos ang Batas Militar at idineklarang ilegal ang KM. Sa halip, marami sa mga kasapi ng KM ang tinanggap ang hamon na tumungo sa kanayunan at tuluyang tahakin ang landas ng armadong paglaban para pabagsakin ang diktadura. Sa kabilang banda, may mga kasapi din na nag-underground at patuloy pang nag-organisa ng mga kabataan sa mga paaralan at komunidad. Nagpatuloy ang paglakas ng kilusang masa hanggang sa tuluyang napabagsak ang diktaduryang Marcos noong 1986.
Sa ating kasulukuyang panahon, hindi maikakaila na maraming pagkakawangis si Marcos at Duterte. Sa katotohanan nga ay nahigitan pa ni Duterte ang rekord ni Marcos sa pagpapahirap sa mamamayan at paglabag sa karapatang pantao. Higit 30,000 na ang pinatay ni Duterte sa kanyang gera kontra droga. Patuloy na dumarami ang bilang ng walang trabaho. Nananatiling walang lupa ang mga magsasaka. Dumarami ang kabataang hindi nakakatamasa ng edukasyon; ang iba pa nga ay nagpapakamatay dahil sa palpak at pahirap na sistema ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Lalong lumobo ang utang ng bansa. Lalo lang mas tumindi ang korapsyon sa gubyerno. Hinayaan lang ni Duterte ang US at Tsina na dambungin ang bansa. Walang pakundangan ang pagpatay o paghuli sa mga kritiko at aktibista.
Nitong nakalipas na mga buwan, mas ipinakita ni Duterte ang kanyang kainutilan sa palpak na pagharap sa pandemya at kalamidad. Sa kabila nito, mas pinagtuunan pa ng pansin ng rehimen ang konsolidasyon ng kapangyarihan sa kanilang kamay at pinatindi ang panunupil sa mga kritiko at oposisyon. Nito lang mga nagdaang linggo, sa halip na magbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo ay pinasahol nito ang atake sa mga aktibista at progresibong grupo. Muling pinaratangan ang mga ligal na organisasyon na recruiter diumano ng New People’s Army (NPA) at binansagan ang NPA na terorista. Layunin ng kampanyang ito na pigilan ang paglaban ng mamamayan dahil alam ni Duterte na sinisingil na siya ng mamamayan sa kanyang kriminal na kapabayaan na tugunan ang pandemya at kalamidad.
Dapat lang nating linawin na ang NPA ay hindi terorista. Ang NPA ay isang hukbong pampropaganda, pang-edukasyon, pamproduksyon, pangkultura, pangkalusugan, atbp. Marami na ang nagbenepisyo sa mga programa ng NPA. Dahil pinabayaan ng rehimen, sa NPA umaasa ang maraming mamamayan para solusyunan ang kanilang problema. Sa katunayan, maraming mga yunit ng NPA ang nagsagawa agad ng relief operations pagkatapos ng bagyo. Kaya naman handang protektahan ng masa ang NPA dahil alam nila na isinusulong ng NPA ang kanilang interes. Kung may terorista man ito’y walang iba kundi ang reaksyunaryong estado na walang habas na pumapatay sa kanyang mamamayan.
Ilang araw lang bago ang ating anibersayo ay kumitil na naman ng buhay ang rehimen: isang kabataang Lumad na kasapi ng NPA at dalawang NDFP consultants na pawang mga senior citizens at maysakit. Nakakapanggalit pa nga ang ginawa nila sa napaslang na pulang mandirigma dahil ipinaradang parang tropeyo ang kanyang walang-buhay na katawan. Bahagi lang ito ng humahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao ng rehimeng Duterte. Patunay ito ng marahas na rekord ng berdugong AFP at PNP. Walang duda kung sino ang tunay na terorista.
Dapat singilin na si Duterte sa kanyang kriminal na kapabayaan sa pagtugon sa pandemya at kalamidad. Dapat pagkaisahin ang pinakamalawak laban sa rehimeng US-Duterte. Dapat paghusayan pa ang pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa kabataan. Palakasin ang mga balangay ng KM at patuloy na magrekluta ng mas maraming kasapi. Pataasin pa ang kamulatan ng masa sa pamamagitan ng propaganda at edukasyon, laluna iyong nagtatalakay hinggil sa halaga ng armadong pakikibaka. Dapat magrekluta pa ng mas maraming pulang mandirigma sa hanay ng kabataan para isulong tungo sa panibagong antas ang digmang bayan.
Ngayong anibersaryo, gawing inspirasyon ang buhay at pakikibaka ng mga nauna sa atin: tahakin ang landas ng paglaban, buong pusong paglingkuran ang sambayanan, at isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay.
Hinihimok ng KM ang mamamayan na kalagin ang mga tanikalang ipinataw sa atin ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo! Gapiin ang makauring paghahari ng mapang-aping sistema! Konsolidahin ang boses ng bawat napagsasamantalahan at naaapi! Iturol ang pumupuyos na galit ng masa laban sa traydor, korap, pahirap at teroristang si Duterte! Iluwal ang daan-libong protesta sa lansangan upang yanigin ang rehimeng Duterte!
Pagpupugay sa lahat ng kabataang makabayang patuloy na lumalaban!
Mabuhay ang ika-56 na anibersaryo ng KM!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente!
Kabataan, tumungo sa kanayunan at sumapi sa New People’s Army!