#DiMagagapi #MasaAngLakas Pahayag ng KM-Southern Tagalog sa ika-53 anibersaryo ng BHB
Pinakamataas na pagbati at pagpupugay mula sa Kabataang Makabayan Timog Katagalugan para sa ika-53 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan.
Mula sa ika-53 na taon patungo sa hinaharap ng rebolusyon, Malaki ang magiging gampanin ng kabataan sa kinabukasan. Sa isang lipunan na hawak ng mga gahaman walang hihigit na katarungan ang makakamit kundi sa paraan ng armadong pakikibaka. Walang hustisya kung walang armadong pakikibaka; walang kalayaan kung walang Hukbong Bayan!
Mula sa isang munting kubo sa Tarlac noong Marso 29, 1969 tinahak ng Bagong Hukbong Bayan ang landas na di-pangkaraniwan na siyang lumago at lumawak at nakapagtao ng mga larangang gerilya sa 73 na probinsiya ng Pilipinas. Sa piling ng masa, itinulak ng BHB ang pinakamataas na porma ng pakikibaka na siyang isinasabuhay sa pinaka matagal na armadong sosyalistang rebolusyon sa mundo.
Patuloy na lumalawak ang pula na hanay at lumalalim ang baseng masa sa kabila ng iba’t ibang pagmamaniobra ng pasistang estado. Kahit sunod-sunod ang pambobomba, paglabag sa karapatang pantao, sapilitang pagpapasuko at pilit na pagpasok ng mga imperyalistang multinasyonal nanatiling matibay higit pa sa mga bundok ang pakikibaka ng Hukbong Bayan.
Kahit ilang beses mahigit pa ang dami ng kaaway, at kahit ilan pa man ang mamartir, hindi kahit kailan man binitawan ng Hukbo ang kanilang pinaglalaban. Sapagkat ang laban nila ay laban ng masang Pilipino at hangga’t nariyan ang masa ay hinding hindi mawawalgas ang rebolusyon. Ito ay totoo kailan man at lalong lalo na sa panahon na nagbabadyang manumbalik ang mga Marcos sa kapangyarihan.
Kasama ang malawak na hanay ng mga rebolusyonaryo, ipapagpatuloy natin ang makasaysayang gampanin ng kabataan sa pakikibaka. Ating ilaan ang ating di-matitinag na lakas sa rebolusyon. Kaya’t tinatawagan namin ang lahat ng kabataan na makiisa sa rebolusyong isinusulong ng Hukbong Bayan! Tumungo tayo sa kanayunan at sumapi sa bagong hukbong bayan.
Sa pagsapit ng nalalapit na Eleksyong 2022 malinaw sa mga kabataan ng Timog Katagalugan na hindi eleksyon ang sagot upang baguhin ang kasalukuyang sistema ng lipunan. Hindi natin iniaasa sa mga pulitiko o kung sinumang tao ang pagpapanday ng kinabukasang malaya at may katarungan at kapayapaan. Malinaw sa atin na walang ibang landas para baguhin ang lipunan kundi sa ibayong pagsusulong ng digmang bayan.
Sa anibersaryo ng BHB ay atin ding alalahanin ang mga nag alay ng kanilang buhay para sa rebolusyon tulad nila Ka Yago, Ka Orya, Ka Facio at lahat ng magigiting na Kabataang Makabayan na nag alay ng buhay sa sambayanan. Sa kanilang pagkamartir ay uusbong ang higit pang lakas upang gapiin ang kaaway at ipagtagumpay ang Rebolusyong Pilipino.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!