Pahayag ng Makibaka para sa NDFP

,

Sa okasyon ng ika-49 na taong anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines, taas-kamaong iginagawad ng mga rebolusyonaryong kababaihan mula sa Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan ang kanyang pagpupugay sa NDFP at sa mga alyadong organisasyong bumubuo nito. Sa okasyong ito rin ay nais bigyang pagpapahalaga at pagpupugay ng MAKIBAKA ang mga nabuwal lalo higit ang mga NDFP at Peace consultants na walang habas at pataksil na pinatay ng rehimeng Duterte.

Napakahalaga at napaka-esenyal ng pagkakatatag at pagkabuo ng NDFP sa rebolusyonaryong kasaysayan ng Pilipinas. Magmula sa panahong kinairalan ng pasistang diktaduryang US-Marcos hanggang sa kasalukuyang tiranikong rehimeng US-Duterte ang papel at tungkulin ng NDFP bilang isa sa tatlong sandata ng rebolusyong Pilipino ay buong tatag nitong tinanganan. Sa loob ng halos limang dekada, itinanghal nito ang mga programa ng pambansa demokratikong rebolusyon na kung saan binigyang diin nito ang rebolusyonaryong pagpapalaya sa kababaihan sa lahat ng antas. Pinagbuklod rin sa rebolusyonaryong alyansa ng NDFP ang labin-walong rebolusyonaryo at lihim na mga organisasyon na siyang pangunahing kabahagi sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at kabilang sa mga itinatanim na mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Isa na rito ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) na nagsilbi ring isa sa mga tagapagtatag nito noong 1973.

Sa kasalukuyan, ang kasapian nito ay patuloy at aktibong nakikisangkot sa mga usaping pambayan at panlipunan. Kabahagi ito sa pagsusulong ng kagalingan ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng paglahok sa usapang pangkapayapaan at paghahapag ng programa ng pambansa demokratikong rebolusyon upang tugunan ang mga saligang ugat ng gyerang sibil sa ating bayan.

Ngunit hindi ito nagaganap nang mapayapa dahil marahas ang reaksyunaryong estado. Lansakang panunupil at pasismo ng teroristang gubyerno ni Duterte ang bumabalot sa buong bansa. Hindi maitatanggi ni Duterte ang kanyang desperasyon upang makapanatili sa kapangyarihan. Kinasangkapan niya ang batas at ang buong gubyerno upang ubos kaya nitong supilin ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng malaganap na red-tagging at terrorist-tagging ng Terror Council at NTF-ELCAC.

Ang pananatili ng apatnapu’t siyam na taon ng NDFP ay patunay ng kawastuhan ng landas na tinahak natin. Atin ding tanawin ang parating na ginintuang anibersaryo ng NDFP sa susunod na taon.

Ipagdiwang natin ang anibersaryo ng NDFP nang may higit na paglakas at paglalim ng nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka at pagkaisahin ang sambayanang Pilipino upang biguin ang panunumbalik ng mga Marcos at pananatili ng mga Duterte sa kapangyarihan! Makibaka para sa tunay na kalayaan at pambansang demokrasya!

Mabuhay ang NDFP!
Mabuhay ang pambansa demokratikong rebolusyon!
Mabuhay ang mamamayang nakikibaka!

Pahayag ng Makibaka para sa NDFP