Pahayag ng MAKIBAKA sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis
Ang lugar ng kababaihan sa panahon ng matinding pandaigdigang krisis ay sa pakikibaka! Ibagsak ang pahirap, pabaya at pasistang Rehimeng US- Duterte! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan tungong sosyalismo!
Nagpupugay ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa lahat ng rebolusyunaryong kababaihang Pilipino ngayong Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis.
Bigo ang pasistang rehimeng US-Duterte sa pagresolba sa pandemya ng Covid-19. Isang taon matapos umabot sa ating bansa ang pandemya, walang kaparis ang hirap na dinaranas ng mamamayang Pilipino. At walang ibang dapat singilin kundi ang kriminal na kapabayaan ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Sa pagbale-wala sa panawagan para sa libreng mass testing, mahusay na contact-tracing, maagap na isolation, at sistematikong panggagamot sa mga tinamaan ng Covid-19, inilagay sa panganib ang buhay ng milyun-milyong mamamayang Pilipino. Katunayan, 591,138 Pilipino ang nahawahan ng Covid 19 at 12,465 na ang pumanaw dahil dito. Ngayo’y pinaaasa tayo sa mga bakunang nasa kontrol ng mga malalaking dayuhang negosyo nang hindi pinapaalam sa publiko ang buong impormasyon kaugnay ng mga ito. Hindi kataka-takang malaking bilang ng publiko ang takot sa bakuna dahil alam nating ganansya ng malalaking dayuhang negosyo at korupsyon ng reaksyunaryong gubyerno ang nasa unahan ng programa ng bakuna at hindi ang kaligtasan ng mamamayan. Bukod pa ang patuloy na kadusta-dustang kalagayan ng kawalan ng libre at maayos na serbisyong pangkalusugan para sa malawak na bilang ng mamamayan.
Ang kabiguan sa pagtugon sa pandemya ang higit na nagpabilis ng pagbulusok ng ekonomya ng lipunang matagal nang batbat ng krisis. Pinasahol ng rehimeng US-Duterte ang kawalan ng trabaho at kabuhayan ng magsasaka, manggagawa at mala-manggagawa tulad ng jeepney drivers at manininda dahil sa militaristang lockdown na mapahanggang ngayon ay ipinatutupad.
Habang nakakulong sa lockdown ang mamamayan, inilusot at ipinagpatuloy nito ang mga patakarang neoliberal na higit na nagpapahirap sa mamamayan: iba’t ibang iskema ng labor-flexibilization tulad ng work-at-home, phase out ng mga traditional jeep, pagpapasok ng mga dayuhang produktong agrikultural at pagtutuluy-tuloy ng mga naglalakihang pribadong kalye at tulay sa ngalan ng Build Build Build.
Ang pagsunod sa mga dikta ng imperyalistang US ang nagdudulot ng ibayong pahirap na pinapapasan sa pamilyang Pilipino: dislokasyon sa trabaho at tirahan, mababang sahod, napakataas ng bayarin sa yutilidad at presyo ng mga bilihin.
Labas dito, kinulong ng milyong kabataan at ipinasa sa pamilyang Pilipino ang responsibilidad ng edukasyon sa napakahirap na iskemang “blended learning”.
Umano’y para sa pagtugon sa pandemya at krisis, umutang ngayon taon ang rehimeng US-Duterte ng aabot sa Php13.3T na babayaran gamit ang ating buwis. Ngunit hindi ito nakalaan para sa pagtugon sa pandemya kundi kalakhan nito’y para ipagpatuloy ang walang silbing Build Build Build, pondohan ang AFP, PNP at NTF-ELCAC para labagin ang karapatang pantao at supilin ang kalayaang sibil ng mamamayan.
Pinagkakakitaan ang pandemya ng rehimen, sa pangunguna ni Duterte, Health Secretary Duque at ng mga buhong na namumuno sa IATF-EID. Baryang ayuda ang ipinamahagi habang binulsa ang mas malaking bahagi ng badyet.
Bukod sa pagbubulsa ng kurakot, pangunahing inaatupag ng rehimen ang pagseseguro ng pagpapatuloy ng paghahari nito sa iba’t ibang pamamaraan: cha-cha, revolutionary government, pederalismo at paghahanda sa pandaraya sa eleksyon sa 2022.
Para masiguro ang patuloy na paghahari nito at maipatupad ang mga kontra-mamamayang patakaran, walang habas ang atake nito sa karapatang pantao at kalayaang sibil ng mamamayan. Sa gitna ng pandemya, ipinasa ang Anti-Terror Law, binansagang terorista sinuman ang maging kritikal sa gubyerno at inaresto, kinulong at pinaslang ang mga magsasaka, manggagawa, drayber at sinumang Pilipino na tumututol at lumalaban sa mga kontra-mamamayang hakbang ng pasistang rehimen. Walang sinasanto ang rehimen, babae o lalaki, maging matatanda at bata ay inaatake nito.
Ang pinakamatinding krisis sa ilalim ng rehimeng US-Duterte ang s’yang nagtutulak sa mamamayang Pilipino na wakasan ito. Ang krisis na ito ang lalong naghahawan ng daan para sa rebolusyonaryong landas na tatahakin ng mamamayan kasama ang kababaihan.
Ipagdiwang natin ang ika-51 taong anibersaryo ng MAKIBAKA ngayong taon sa pamamagitan ng ubos-kayang pagpapalawak, pagpapalakas at pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Mulatin at pakilusin ang pinakamalawak na bilang ng kababaihan at kanilang pamilya, lalo ang uring anakpawis para sa ating interes, kapakanan at karapatan. Iturol ang paglaban tungo sa pagpapabagsak sa kinamumuhiang pasistang rehimeng US-Duterte.
Walang-sawa tayong magpukaw at magsagawa ng edukasyon hinggil sa alternatibong solusyon – ang pambansa demokratikong lipunan tungo sa sosyalismo. Palakihin ng ilang ulit ang kasapian ng Makibaka upang isulong ang rebolusyong Pilipino.
Sa gitna ng atake ng kaaway, maging mapamaraan at mapanlikha sa pagpapaunawa sa armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka ng demokratikong rebolusyong bayan at mapangahas na hikayatin ang kababaihang anakpawis umanib sa Bagong Hukbong Bayan.
Ngayon, higit kailanman, kinakailangang isanib ang lakas ng kababaihan sa higit na pagpapaigting ng rebolusyon ng sambayanang Pilipino.
Pagpupugay ngayong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa lahat ng kababaihang nakikibaka! Mabuhay ang mamamayang lumalaban! Makibaka! ‘Wag matakot!