Pahayag ng Mt. Cansermon Command hinggil sa naganap na labanan sa pagitan ng BHB at AFP sa Ayungon, Negros Oriental noong Oktubre 17, 2018


Dionisio Magbuelas

Tagapagsalita

Mt. Cansermon Command
New People’s Army

Magiting na hinarap at binigo ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ilalim ng Mt. Cansermon Command (MCC) ang tangkang pagkubkob ng mga elemento ng pasistang 62nd Infantry Brigade ng Philippine Army noong madaling araw ng Oktubre 17, 2018, sa Brgy. Carol-an, Ayungon, Negros Oriental.

Maagap na napanghawakan ng mga Pulang mandirigma ng MCC ang inisyatibang militar upang matagumpay na maitransporma ang sitwasyong depensiba tungong opensiba, na nagresulta sa pagkamatay ng apat (4) na sundalo ng Armed Forces of Philippines (AFP) at pagkasugat ng limang (5) iba pa.

Malinaw na pinasisinungalingan nito ang hambog na pahayag ni Capt. Ruel Llanes ng 303rd Brigade ng AFP na walang naging kaswalti ang kanilag tropa sa nasabing insidente liban sa dalawa nilang tauhan na “slightly wounded” o bahagya lamang umanong nasugatan.

Sa parehong labanan, nag-alay ng buhay ang 28-taong-gulang na si Kasamang Walter Mapa, isa sa mga kabataang Pulang kumander ng MCC at kilala sa masang kanyang pinaglingkuran bilang si Ka Toper.

Ang pagkamatay ni Ka Toper, na simbigat ng Bulkang Kanlaon, ay nagbibigay-tapang sa masa ng Ayungon at ng iba pang bahagi ng isla para isulong ang antipyudal na mga pakikibaka at labanan ang mga banta, pamiminsala, at pambubulabog ng mga nag-ooperasyong tropa ng estado kabilang na ang abusado at mapanglinlang na mga PDT team.

Si Ka Toper ay inspirasyon sa paglahok ng masa sa digmang bayan. Ang armas na kanyang inihabilin sa mga kasama sa huling sandali ng kanyang buhay ay tatanganan ng bagong kabataan na sasapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Sa gitna ng papatinding militarisasyon sa kanayunan, crackdown laban sa organisadong mamamayan at rebolusyonaryong kilusan, at sukdulan-sa-bangis na pagpaslang sa masa – gaya ng pagmasaker ng mga kriminal at sinungaling na RPA/SCAA/AFP sa siyam na manggagawang-bukid sa Sagay City noong Oktubre 20 – tiyak na magpapatuloy ang pakikibaka para makamtan ang tunay na kalayaan at demokrasya sa buong Negros at sa buong bansa.

Kaisa ng masang anakpawis, nakahanda ang MCC sa pagtupad sa hamon ng panahon. Dadagundong sa buong Negros ang mga taktikal na opensiba laban sa bulok at pasistang armadong pwersa ng rehimeng US-Duterte.###

Pahayag ng Mt. Cansermon Command hinggil sa naganap na labanan sa pagitan ng BHB at AFP sa Ayungon, Negros Oriental noong Oktubre 17, 2018