Pahayag ng NDF-ST sa ika-52 anibersaryo ng BHB
Mamamayan ng Timog Katagalugan, higit na patatagin ang rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran! Pagpugayan ang Bagong Hukbong Bayan! Wakasan ang daang-taong pamamayani ng mga salot sa lipunan! Wakasan ang tiraniko, papet at diktador na Rehimeng US-Duterte!
“Pinakamataas na pagpupugay at parangal ang ipinaabot ng NDF-ST sa ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan sa walang pag-iimbot at sakripisyo nito para paglingkuran ang sambayanan. Sa kabila ng pandemikong krisis ay patuloy ang pagsikad ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan sa pangunguna ng ating mga pulang mandiriga — mahigpit na nakaugat sa masa ang gawain ng BHB mula sa larangang militar, pulitika, medisina, ekonomiya, kultura at edukasyon. Gayon din ang patuloy na pagpapagal ng BHB upang isulong ang matagalang digmang bayan tungo sa pagpapalaya ng ating lipunan mula sa tatlong salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Tunay ngang kung walang hukbo ang mamamayan ay wala nang katarungan at hustisya para sa mga inaapi. Sapagkat ang pulang hukbo ang pangunahing nagsusulong ng demokratikong karapatan at ng dakilang hanagarin na wakasan ang mala-kolonyal at mala-pyudal na sistema sa ating bansa.
Nagsimula lang sa 60 mandirigma na mahihinang nasasandatahan nang itinatag ito sa Ikalawang Distrito ng Tarlac noong Marso 29, 1969, ngayon ay nasa mahigit 110 larangang gerilya na may baseng milyon-milyong mamamayan. Maging sa ating rehiyong Timog Katagalugan, na halos kusing lang ang pinagsimulan ay ilampung larangang gerilya na ang inabot at daang libo na ang baseng pinamumunuan. Pangita lang ang katumpakan ng pinanghahawakang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas.
Sa kabila ng dumog-atake na ginagawa ng berdugong rehimeng Duterte sa mamamayan ng Timog Katagalugan kagaya ng “Madugong Linggo” noong Marso 7 at walang humpay ng Focused Military Operations ng berdugong AFP sa mga probinsya ng Mindoro, Quezon, at Rizal, hinarap ito ng nagkakaisang mamamayan sa kanayunan at kalunsuran — nilalabanan ang matinding takot na nililkha nito at hinahasik na terorismo ng estado. Malinaw na hindi matalo-talo ng mga mamamatay taong rehimeng Duterte gamit ang kanyang mga berdugong AFP/PNP ang Bagong Hukbong Bayan kaya ganun na lamang ang pagbaling nito sa mga aktibista na ang tanging armas lamang ay ang kanilang boses at sama-samang pagkilos para sa kanilang mga lehitimong kahilingan.
Imbes na pagpapalakas sa kakayahang medikal para masolusyunan na ang pandemyang Covid-19, isang taon ng ginagamit ng rehimeng US-Duterte ang pandemya para isagawa ang mga militaristikong lockdown na walang ibang ginawa kundi pahirapan ang mamamayan at gumawa ng mga karumal-dumal na krimen. Lantaran din ang korupsyon at hindi lang basta milyon kundi bilyon-bilyong halaga ng pondo ng bayan ang nawala at walang malinaw kung saan ito napunta sa ilalim ng baluktot na pamamalakad ng Inter-Agency Task Force against Covid-19 sa pangunguna ng mga militaristang alipores ni Duterte.
Halimbawa nito ay ang 16 bilyong halaga na nawala sa PhilHealth at Malinaw na ibinulsa sa halip na isaayos ang pamamahala para sa mga maralitang nangangailangan ng tulong medikal, bilyon-bilyong pondo ng Bayanihan 1 at 2 ang hindi pa naiuulat kung saan na napunta dahil kalakhan sa ating kababayan ang hindi pa nakakatanggap ng 2nd tranche ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program at higit na marami ang walang natanggap na kahit kusing at nawalan pa ng hanapbuhay dulot ng tumitinding krisis sa ekonomiya.
Sa taong 2020 pa lamang ay aabot na sa 724 bilyong piso ang inutang ng rehimen na di hamak na mas malaki sa utang noong 2019 kaya aabot na sa 4.79 trilyong piso ang kabuuang inutang ni Duterte sa buong panahon ng kanyang panunungkulan at mahihigitan na ang inutang ng pinagsamang rehimen magmula Marcos hanggang kay Noynoy Aquino. Sa kabuuan, inaasahang 13.7 trilyong halaga ang magiging depisit ng Pilipinas mula sa mga ahensyang nagpapautang sa buong daigdig.
Sa ganitong kalagayan, lalong nalulugmok ang masa ng sambayanan sa kumunoy ng kahirapan. Sa kawalan ng hustisyang panlipunan, walang maayos na plano para sa pandemya at patuloy na karahasan sa mga mamamayan wala na talagang maasahan at si Duterte mismo ang nagtutulak sa mamamayan upang mag armas. Tumitindi ang kontradiksyon sa pagitan ng naghaharing uri at mamamayan at maging sa pagitan mismo ng mga naghaharing uri.
Nabubuo ang isang malapad na kilusang demokratiko dahil sa kumukulong galit ng mamamayan. Higit na kinakailang magpursige ang bawat rebolusyonaryong pwersa sa ating bansa upang harapin ang batbat na atake ng reaksyunaryong gubyerno ni Duterte sa sambaynanag Pilipino. Sa gabay ng PKP, nararapat na pagibayuhin na isulong ang pambasa demokratikong linya ng pakikibaka upang wakasan ang tiraniko, papet at diktador ng rehimeng US-Duterte!
Pangunahing tungkuling ng nakikibakang mamamayan ang walang humpay na isulong ang demokratiko rebolusyong bayan mula sa kanayunan, tungo sa kalunsuran, at hanggang sa tagumpay!”
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
ISULONG ANG DEMOKRATIKO REBOLUSYONG BAYAN!