Pahayag ng suporta para sa laban ng mga jeepney drivers at operators
Nakikiisa at sinusuportahan ng National Democratic Front of the Philippines—Southern Tagalog (NDFP-ST) sampu ng mga rebolusyonaryong mamamayan ng rehiyon ang pambansang tigil-pasada ng mga jeepney drivers and operators na kabilang sa Pinagkaisahang Lakas ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at Stop and Go Coalition laban sa jeepney modernization program ng pasistang rehimeng Duterte para isagasa ang jeepney phase-out. Lehitimo ang iginigiit na mga kahilingan ng mga tsuper at opereytor laban sa isang pakana na kikitil sa hanap-buhay ng daan-libong tsuper at operator sa buong bansa.
Mariin din naming kinokondena ang pagbibingi-bingihan ng Malacañang sa lehitimong isyu at mga kahilingang ipinaparating ng kapus-palad na mga tsuper na siyang pangunahing tatamaan ng jeepney phase out ng jeepney modernization program ng gubyernong Duterte. Imbes na harapin ang lehitimong kahilingan ng mga nagpoprotestang mga tsuper at opereytor, nagawa pang kutyain ng palasyo ang kakayahan ng mga ito na paralisahin ang ilang mayor na ruta ng transportasyon sa kalakakhang Maynila, sa mga kanugnog na bayan at syudad na nakapaligid dito at sa mga pangunahing lunsod at bayan sa bansa. Patunay lamang na walang anumang pagmamalakasakit ang administrasyong Duterte sa kapakanan ng mga maliit na tsuper at opereytor ng jeep sa bansa. Mas hangad ng Malacañang na protektahan at isulong ang interes ng malalaking negosyo at kapitalista sa industriya ng tranportasyon sa tabing ng jeepney modernization program.
Kabaligtaran sa inaasahan ng Malacañang, malinaw sa mga pumapasok na ulat at balita sa media na tagumpay ang pambansang tigil pasada dahil sa marami ang nakiisa at lumahok sa kilos-protesta mula sa iba pang jeepney transport organization. Batay sa mga ulat, umabot sa 80%-90% ang hindi pumasada sa mga mayor na ruta ng jeep sa bansa at may makabuluhang ruta na umabot sa 95-100% paralisado ang byahe sa mayor na mga linya sa Laguna, Cavite at Rizal.
Nanawagan din kami sa publiko at mga mananakay ng jeep na unawain at suportahan ang ginagawang protesta ng mga kaawa-awang tsuper na tanging layunin ay dinggin ng reaksyunaryong gubyerno ang kahilingan nilang huwag patayin ang kanilang hanapbuhay sa pag-aalis ng kanilang minamanehong jeep sa kalsada at palitan ito ng “modernong” electronic-jeep (e-jeep) na ang tanging makakapag-atikha ay mga mayayamang jeepney operator’s cooperatives at negosyanteng malalapit sa palasyo. Lalong higit na makikinabang sa jeepney modernization program ng administrasyong Duterte ang malalaking dayuhang negosyo at mga lokal na kasosyo nito sa bansa na siyang nakakuha ng basbas at pabor mula sa palasyo na magsusuplay ng mga “modernong” jeepney tulad ng e-jeep.
Walang kakayahan ang mga ordinaryong opereytor na makabili ng 2-3 milyong pisong halaga ng isang yunit ng e-jeep na nilalako at siyang pinapaboran ng gubyerno na papalit sa mga sinasabi nilang luma at bulok na jeepney na tumatakbo sa mga kalsada ng bansa.
Kailangang maunawaan ng taumbayan na ang ginagawang pagtutol ng mga naglulunsad ng pambansang tigil-pasada sa jeepney phase-out ay hindi lamang sa kapakanan ng mga maliliiit na tsuper at opereytor kundi para na rin sa mga mananakay. Kapag nagtagumpay ang administrasyong Duterte na maipatupad ang jeepney modernization program, sisirit ang halaga ng pamasahe sa bansa dahil babawiin lamang sa mga mananakay ng mga mayayamang opereytor at mga kooperatiba ang kanilang ginastos sa pagbili ng napakamahal na “modernong” jeep.
Malinaw ang pahayag ng mga nagpoprotestang tsuper at opereytor na hindi sila tutol sa ideya ng pagmomodernisa ng jeepney transportation sa bansa. Ang tinututulan nila ay ang iskema ng jeepney modernization programa na pinapaburan lamang ang interes ng malalaking negosyo sa industriya ng transport. Tinututulan nila ang kawalang-tulong at subsidyo mula sa gubyerno para magkaroon sila ng kakayahan na bumili ng higit na mura at maayos na sasakyang kanilang ipapamasada at hindi basta walisin sila sa kalsada at patayin ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Dapat ding sumama at lumahok ang taumbayan sa mga pagkilos at pangangalampag sa gubyerno na isinasagawa ng mga progresibong transport sector at iba pang makabayan at progresibong organisasyon para sa pagpapatupad ng public mass transport system sa bansa. ####