Pahayag sa Midya ng NDFP-Ilocos hinggil sa deklarasyon ng CPP ng Unilateral na Tigil-Putukan bilang pakikiisa sa pagharap sa Pandemyang COVID-19

Malugod na tinatanggap ng National Democratic Front-Ilocos ang deklarasyon ng Communist Party of the Philippines(CPP) ng unilateral na tigil-putukan sa buong bansa at ang atas nito sa lahat ng kumand ng New People’s Army at Milisyang Bayan ng pansamantalang pagtigil ng paglulunsad ng mga aksyong militar laban sa armadong yunit at tauhan ng AFP, PNP at iba pang paramilitar at armadong grupo na nakapailalim sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Ang unilateral na tigil-putukan na ito ay tatagal mula alas-12 ng madaling araw ng Marso hanggang 11:59 ng gabi ng Abril 15 ng taong kasalukuyan.

Inirekomenda ng Pambansang Konseho ng NDFP sa CPP ang tigil-putukan alinsunod sa diwa ng pakikiisa sa mamamayang Pilipino sa pagharap sa pandemya ng COVID-19. Ang desisyon sa tigil-putukan na ito ay isa ring hakbangin tungo sa pambansang pagkakaisa at nakabatay sa makataong prinsipyo sa konteksto ng seryosong pampublikong sitwasyon upang siguraduhin ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan lalo na ng mga mahihirap nating kababayan. Layon nitong matiyak at pagaanin ang kinakailangan, walang tigil at agarang tulong medikal, pangkalusugan at pang-ekonomya.

Ito ay pagtugon din ng CPP-NPA-NDF sa panawagan ng Secretary General ng United Nations para sa pandaigdigang tigil-putukan sa pagitan ng mga nagdidigmaang partido para sa kumon na layuning labanan ang pandemya ng corona virus disease. Inaasahan din na mag-ambag ang deklarasyon ng unilateral na tigil-putukang na ito tungo sa paglalatag ng positibong kondisyon upang muling ituloy ang usapang pangkapayaaan sa pagitan ng NDF at ng GRP.

Hindi pa man sumasapit ang COVID-19 sa Pilipinas, ang mga rebolusyonaryong organisasyon sa ilalim ng NDFP ay naglulunsad na ng serbisyong medikal lalong lalo sa hanay ng maralitang magsasaka sa pamamagitan ng mga Komite sa Kalusugan katuwang ang mga yunit ng New People’s Army (NPA). Kahit pa man limitado ang rekurso, nagagawa ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Ilocos at ng iba pang rebolusyonaryong organisasyon sa ilalim ng NDFP at ng mga Pulang mandirigma ng NPA na maglunsad ng Serbisyong Pangkalusugan para tugunan ang mga kagyat na suliraning pangkalusugan lalo na sa mga mahihirap na komunidad ng mga magsasaka. Higit pa rito, napakahalaga ng edukasyong ibinibigay ng PKM at ng NPA hinggil sa pangangalaga sa kalusugan, sanitasyon at paggamit ng mga napatunayanan nang organiko at mga halamang gamot. Kaalinsabay rin naman nito ay ang gawaing pag-oorganisa sa hanay ng mamamayan na nagtitiyak ng kilusang masang pagharap sa usapin ng kalusugan.

Kabaliktaran ito sa burukratiko, kurap at bulok na sistemang pangkalusugan ng rehimeng US-Duterte. Maliban sa napakaliit na badyet para sa serbisyong pangkalusugan, walang kumprehensibong programa ang rehimen para sa kalusugang bayan. Makikita ito sa kakulangan at maling solusyon sa pagtugon sa krisis pangkalusugan kung saan inilalagay din sa matinding kagutuman ang buong Luzon dahil sa lockdown na pinaiiral sa bias ng Enhanced Community Quarantine na idineklara noong Marso 17 at tatagal hanggang Abril 15.

Habang tayo ay sama-sama at tulung-tulong na humaharap sa pandemayang ito, sisingilin natin ang kapabayaan at militaristang solusyon ng pasistang rehimeng US-Duterte. Kaalinsabay nito, magiging mapagbantay tayo habang umiiral ang unilateral na tigil-putukan ng rebolusyonaryong kilusan at ng GRP. Hinding-hindi natin malilimutan ang walang-awang pagpaslang ng mersenaryong 81st IBPA at PNP sa mga kasamang sina Julius “Ka Goyo” Marquez, Enniabel “Ka Onor” Balunos at Maria Finela “Ka Ricky” Mejia sa Sta.Lucia, Ilocos Sur at ang taksil na pagpatay kina kasamang Julius Guiron, at dalawa pang kasama sa Lunsod ng Baguio. Kaya binabalaan ng NDF-Ilocos ang armadong pwersa ng gubyerno na mahigpit nitong tupdin ang sariling tigil-putukan.

Ang buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ng Ilocos kasama ang mga yunit ng NPA sa rehiyon ay magpapatupad ng aktibong depensa upang ipagtanggol ang mamamayan at mga teritoryo ng pulang kapangyarihan sa kanayunan. Ang anumang aksyong militar na isasagawa ng AFP, PNP at iba pang armadong pwersa ng GRP laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa mga base ng pulang kapangyarihan sa panahon ng tigil-putukan ay haharapin ng aktibong depensang militar ng New People’s Army at ng Milisyang Bayan.

 

Pahayag sa Midya ng NDFP-Ilocos hinggil sa deklarasyon ng CPP ng Unilateral na Tigil-Putukan bilang pakikiisa sa pagharap sa Pandemyang COVID-19