Paigtingin ang demokratikong pakikibaka ng mamamayan laban sa pahirap, pasista at papet na rehimeng Duterte! Isulong angdemokratikong rebolusyon ng bayan hanggang sa ganap na tagumpay!
Rebolusyonaryong pagbati ang ipinapaabot natin sa lahat ng kabataan na nagpupunyagi sa pagkilos at paglaban sa gitna ng mas matinding pasismo dulot ng pormal at de facto na Martial Law, walang patid na pagpapahirap ng rehimen at pagsalaula nito sa kalayaan at soberanya ng bansa. Binabati natin ang malawak na hanay ng mga patriyotiko at progresibong mga kabataan na patuloy na pinipili ang landas ng paglaban sa kabila ng mga sakripisyo at alinlangan.
Sa okasyon na ito, inaalala natin ang magigiting na kabataang martir, ang mga huwarang anak ng bayan na nag-alay ng kanilang lakas, dunong, tapang at maging ng kanilang buhay para sa rebolusyonaryong mithiin ng sambayanan. Ang kanilang sakripisyo ay hindi malilimutan at magsisilbing inspirasyon para tahakin ng mas maraming bilang ng kabataan ang landas ng pakikibaka.
Tayo ay nagbubunyi sa okasyon na ito, dahil sa gitna ng krisis at sagad-sagaring paglapastangan sa karapatan ng mamamayan, sumisibol sa gitna ng pakikibaka ang magigiting na Kabataang Makabayan na pinipili ang landas ang landas ng rebolusyon. Ang kontradiksiyon na nililikha ni Duterte laban sa kanyang sarili, ang siya rin mismong maghahatid sa kanyang hukay at magwawakas sa kanyang pasistang paghahari.
55 taon ng ginintuang mga aral ng pakikibaka at tagumpay
Hangad natin malipos ang KM sa diwa ng pakikibaka ni Gat Andres Bonifacio na nagdiriwang ng kanyang ika-156 taon ng kapanganakan sa araw na ito.
Minana at inspirado ang KM ng mayamang tradisyon ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa kolonyalistang dayuhan at lokal na pagsasamantala. Pinagpapatuloy ng KM ang demokratikong rebolusyong bayan nila Bonifacio, na bagong tipo, sa ilalim ng makauring pamumuno ng uring proletaryado at mayroong sosyalisyang perspektiba.
Bukod sa mga aral ng Katipunan, natuto at kumintal sa mga tagapagtatag ng KM at mga unang kasapi nito ang mga turo nila Marx-Lenin at mga pakikibaka at rebolusyong sumiklab sa kanilang kapanahunan. Mabilis na kumalat ang KM na parang apoy sa buong bansa dahil mapagpasya itong naglapat ng mga aral nina Marx-Lenin sa pakikibaka ng mamamayan, nagsagawa ng pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga estudyante, kabataang guro at propesyunal, kabataan sa Lapiang Manggagawa at mga kabataan sa mga samahang magsasaka.
Tanyag ang KM hindi lamang sa teorya na bitbit nito, kundi sa pakikibakang ibinabandila na ito na sumasapol sa interes ng mamamayan. Nanguna ito sa laban kontra sa di-pantay na tratado sa pagitan ng US at Pilipinas tulad ng US-RP military Assistance, Bases Agreement, Mutual Defense Pact, atbp. Kinundena ang pagpapakatuta at pagiging sunud-sunuran ng gobyernong Pilipino sa interes ng imperyalistang dayuhan.
Habang tumitindi ang reakson ng rehimeng Marcos, tumibay naman ang resolba ng KM na magsagawa ng gawaing masa sa kanayunan at sumanib sa digmang bayan. Nang ideklara ang Martial Law, nagpatuloy sa pakikibaka ang KM bilang bahagi ng Bagong Hukbong Bayan. Nabigo ng sambayanang Pilipino ang 14 na taon ng diktadura ni Marcos dahil nagpursigi ito sa armadong pakikibaka at pagkilos nang nakaugat-sa-masa.
Sumanib sa pakikibaka ng masang manggagawa at magsasaka! Isulong ang mga pakikibaka para sa mga demokratikong kahingian ng mamamayan!
Hindi mapagtatakpan ngayon ng imperyalismo ang pagkalugmok at pagkalubid nito sa krisis na kanya rin mismong nilikha. Dulot din nito ang mas tumitinding ribalan sa pagitan ng mga imperyalistang bayan at nagsasandal sa mga ito sa labis na desperasyon para lalong pagsamantalahan ang mga manggagawa at mamamayan ng buong daigdig.
Bilang isang mala-kolonya ng imperyalistang US, isang masunuring tuta si Duterte at mga alipores nito sa Kongreso na minadali ang pagpapasa ng Rice Tarrification Law para mas bigyang-laya ang pagpasok ng mga inaangkat na bigas mula sa ibang bansa bilang solusyon sa krisis sa bigas. Nalantad na paltos ang solusyon na ito, at lalo lamang nagtulak sa ibayong paghihirap at pambubusabos sa masang magsasaka!
Isang kabalintunaan na ang Pilipinas bilang isang agrikultural na bansa ay tinaguriang numero unong importer ng bigas. Nilalantad nito ang imbing layunin sa likod ng RTL– hindi na lamang panatalihing atrasado ang produksiyon, pero itulak sa mas masahol na kundisyon hanggang sa kamatayan ng sektor ng agrikultura sa bansa at buuong-buong umasa sa pag-aangkat ng bigas. Kalaunan, bibigyang-matwid nito ang lalong monopolisasyon ng lupa sa bansa, at pag-aagaw ng lupa sa mga magsasaka para sa kapakinabangan ng mga panginoong may-lupa, malalaking burgesya komprador at dayuhan.
Papatindi at papasahol rin ang paglalapastangan sa mga karapatan ng manggagawang Pilipino. Pilit na pinakikitid ng estado ang larangan para sa paglaban sa kontraktwalisasyon nang ipasa ang DO 174, epektibong pinalalabnaw kung di man tuluyang tinatanggal ang responsibilidad ng kapitalista sa mga manggagawa. Tinatanggalan ang mga ito ng saligang karapatan nila sa pag-uunyon at pagsusulong ng mga pang-ekonomikong kahilingan sa pamamagitan ng CBA.
Lalo pang itinutulak ang deregulasyon ng sahod sa pamamagitan ng labor flexibilization sa mukha ng isinusulong na 4-day workweek ng reaksyunaryong Kongreso. Sa esensiya, binabawi ng panukalang patakaran nito ang matagal na napagtagumpayan ng pandaigdigang kilusang paggawa na 8-oras ng paggawa.
Dapat puspusang labanan at biguin ng Kabataang Makabayan at kilusang kabataan ang programang K to 12 na siyang pinakamatinding neoliberal na opensiba sa sektor ng edukasyon. Dapat magpuyos sa galit ang lahat ng makabayang kabataan ang pagmemenos sa pag-aaral sa Filipino at Kasaysayan dahil epektibo nitong aapulahin ang diwa ng nasyunalismo at patriyotismo sa puso ng mga kabataan. Ang isang bansa na walang mahigpit na tangan at walang tamang perspektiba sa kanyang kasaysayan ay madaling masusupil at malulupig ng lokal at dayuhang pang-aapi at pagsasamantala.
Bukod sa samu’t saring pahirap ng dagdag na mga bayarin, sandamakmak na mga performance tasks (peta), imbing layunin din ng K to 12 ang likhain ang malaking balon ng docile na lakas-paggawa para sa kapakinabangan ng merkado at dayuhan. Ang pagpapalaki sa balon ng reserbang lakas paggawa ay materyal na batayan para lalong itulak ang pagpapababa ng sahod ng mga manggagawa, itulak ang kontraktwalisasyon at tanggalin ang karapatan sa pag-uunyon ng mga manggagawa.
Biguin ang pormal at de facto na ML ni Duterte! Lagutin ang maka-uring pangangayupapa ng burgesya laban sa mamamayan!
Ang kronikong krisis na nararanasan ng mga mamamayan ay kakambal ng isang estadong pinamumunuan ng burgesya sa pangunguna ng rehimeng US-Duterte. Dahil sa nabubulok na ito sa kaibuturan, hindi na nito kinakayang makairal sa dati nitong pamamaraan. Upang higit na matugunan ang interes ng mga lokal na naghaharing-uri at dayuhan nitong amo, hindi na ito makapagbigay ng kahit anumang limos na reporma para matugunan ang mga hinaing ng mamamayang Pilipino.
Pinakawalan ni Duterte ang Martial Law sa Mindanao at pinaiiral ang de facto na diktadura sa buong bansa, sa gana ng E.O. 70 na nagmamayabang sa paggamit ng burukrasyang sibil at pagsasanib nito sa lakas at istrukturang militar para supilin ang mamamayang Pilipino na lumalaban.
Sa kanayunan, walang patumangga ang mga atake sa mga samahan ng mga magsasaka at iba pang progresibong organisasyon ng masa. Pinararatangan silang NPA at ginagawang target ng harasment, paniniktik, iligal na pag-aresto at pagpatay. Sila ang pinakamalakas na boses na lumalaban sa pagpapahirap ng RTL at pinatatahimik para likhain ang ilusyon na tanggap ng masang magsasaka ang patakaran.
Sa kalunsuran at mga sentrong urban, inaasinta ang mga atake laban sa kabataan at intelektwal, at mga manggagawa. Hindi pinahihintulutan ang mga manggagawa na magkasa ng mga welga at itindig ang kanilang mga piketlayn, kagyat na tinatapatan ito ng dahas ng estado. Gigil na gigil namang pasukin ng militar at pulis ang mga pamantasan at ginagamit pa ang Senado para bigyang-katwiran ang balakin na ito sa pamamagitan ng Senate committee report 10.
Habang naghahasik ng takot si Duterte, lalong tumitibay ang kapasyahan ng mga mamamayan na lumaban. Lalo niyang binibigyang-matwid ang pangangailangan ng radikal na pagbabago sa ngalan ng rebolusyon dahil ipinagdadamot nito ang kahit anong pormang repormang maghahatid ng kahit kaunting kaginhawaan sa masang Pilipino. Lalong tinutulak ni Duterte ang kabataan na mas piliin ang landas ng armadong pakikibaka dahil ito ang napatunayang epektibong kaparaan para gapiin at biguin ang pasistang reaksyon.
Magpalawak! Pag-aralan ang MLM at ilapat ito sa Rebolusyong Pilipino! Itaas ang antas ng pakikibaka ng mamamayan, Isulong ang armadong pakikibaka hanggang ganap na tagumpay!
Sa gitna ng pang-aapi at pagsasamantala, dapat lalong magpakahusay sa pag-aaral sa teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at magpunyaging isapraktika ang mga turo nito para i-abante ang rebolusyonaryong pakikibaka ng kabataan at mamamayang Pilipino. Ang MLM at praktika nito ang sandata ng KM para salagin at biguin ang neoliberal na atake, at kakabit nitong mga ideolohikal na atake na nagpapahina sa kakayanan ng kabataan na lumaban at naglalayo sa kanyang pagtupad sa mga rebolusyonaryong tungkulin sa kasaysayan.
Tulad nga ng turo ng dakilang guro na si Mao “go deep among the masses.” Desperado ngayon ang estado na itanim ang takot at ipakalat ang isterya ng komunismo, i-iligalisa ang pulitikal na pakikibaka para ilayo tayo masa. Para biguin ang kanyang pakana, magpursigi tayo sa pagkilos sa hanay ng mga masang manggagawa at magsasaka at iba pang aping sektor.
Gayundin, napakalawak pa ng bilang ng mga kabataan na kailangan nating puspusang pukawin, organisahin at pakilusin sa balangkas ng pambansa-demokratikong pakikibaka at rebolusyon. Dapat sinsinin ang mga balakin at plano kung paano aanihin ang laksang bilang ng kabataan na nagpakita ng kanilang kahandaan na kumilos para sa mithiin ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Tuluy-tuloy at mas agresibo tayong magrekluta ng KM sa hanay ng mga kabataan sa pamantasan, komunidad, paggawaan, sakahan, atbp. Kunin ang iba’t ibang tipo ng suporta mula sa masa hinggil sa kawastuhan at pagiging makatarungan ng armadong pakikibaka ng mamamayan laban sa mapanupil na rehimen ni Duterte.
At habang gustong lagutin ng estado ang daluyan ng pagpunta ng mga kabataang intelektwal sa kanayunan, dapat pangunahan ng KM ang programadong pagsanib ng mga aktibista at kadre nito sa kanayunan kapwa para lumahok sa kilusan ng mga magsasaka at isulong ang agraryong rebolusyon sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.
Kumilos sa diwa at esensiya ng “paglingkuran ang sambayanan.” Ang rebolusyon ay puno ng sakripisyo, tunggalian at mga alinlangan. Pero handa ang KM na sumuong paghihirap at pangibabawan ang mga ito, dahil kinabukasan ng bayan at susunod na salinlahi ang naka-atang sa ating mga balikat. Hindi na natin masisikmura at maatim na maranasan ng susunod na henerasyon ang pasismo at pagpapahirap na sinasapit natin sa ilalim ni Duterte at makauring paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Lampas pa sa pagpapanumbalik ng ating mga demokratikong kahingian at demanda, tumanaw tayo sa isang bukas na walang pag-aapi at pagsasamantala.
Tigreng papel ang pasistang estado, bagamat sila ay mabangis at malakas sa unang tingin, madali naman itong nanginginig at magagapi sa harap ng mamamayang nagkakaisa at nag-aarmas. Nahihibang ang rehimeng US-Duterte sa pag-aakalang madudurog nito ang rebolusyonaryong paglaban ng mga kabataan at mamamayan. Mabilis na nauunawaan sambayanang Pilipino na hindi na nakakasapat ang simpleng mga reporma sa loob ng gobyerno. Itinuturo ng kasaysayan na hindi kailanman maibibigay ng mga reaksyunaryong kaaway ng sambayanan ang radikal na pagbabago para inaasam ng mga ito. Pinapatunayan ng sarili nating karanasan ang kawastuhan at katumpakan ng armadong paglaban upang makamit ang tunay na demokrasya, kalayaan at pang-matagalang kapayapaan.
“Kabataang Makabayan, magpunyagi sa pagkilos at paglaban! Biguin ang martial law ni Duterte! Pag-aralan ang lipunan at paglingkuran ang sambayanan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at dalhin ang armadong pakikibaka sa mas mataas na antas!”