Paigtingin ang laban para sa isang tunay na matagalan at makatarungang kapayapaan
Naglaho na maging ang natitirang maliit na puwang para mabuksan muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Sa katunayan, pinatay na ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa NDFP matapos niyang ilabas ang Proklamasyon 360 noong Oktubre 2017 kung saan unilateral at opisyal nang tinapos ng kanyang gubyerno ang pakikipag-usap sa NDFP at kagyat na isinunod ang Proklamasyon 374 na nagdedeklara naman sa CPP-NPA bilang mga “terorista”.
Itinalaga ni Duterte sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) si Ret. AFP Chief of Staff Carlito Galvez matapos magbitiw sa pwesto si Sec. Jesus Dureza dahil sa isyu ng korapsyon sa kanyang tanggapan. Agad ding isinunod ni Duterte ang pagbubuwag sa kanyang Peace Panel sa NDFP.
Nitong huli, lubusan nang isinantabi ni Duterte ang lahat ng mga kasunduang pinasok ng mga naunang administrasyon sa NDFP kabilang ang The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Safety Immunity Guarantees (JASIG), Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humantarian Law (CARHRIHL) at marami pang iba.
Pagsuko at Kapitulasyon ng CPP-NPA-NDFP ang Tanging Hangad ni Duterte
Walang intensyon ang rehimeng US-Duterte na lutasin ang ugat at dahilan ng armadong tunggalian sa bansa. Pagpapasuko at kapitulasyon ng CPP-NPA-NDFP ang kanyang tanging hangad sa pakikipag-usap sa NDFP. Gumawa siya ng mga unilateral na hakbang na naglagay sa balag ng alanganin ang “peacetalks”. Nagpataw ng mga kundisyon sa NDFP kabilang ang walang taning na ceasefire, pagdaraos sa bansa ng anumang pag-uusap at ang pagrepaso sa mga kasunduan na napirmahan ng dalawang panig sa nakaraan.
Nang hindi umubra ang imbing pakanang ito, inabandona ni Duterte ang pakikipag-usap sa NDFP at bumaling sa pagsasagawa ng “lokalisadong usapang pangkapayapaan”.
Sa pamamagitan ng lokalisadong pag-uusap, tinatangka ni Duterte na palitawin na ang kanyang rehimen ang siyang tanging ‘tagapagtaguyod ng kapayapaan at karapatang pantao’ at siraan ang liderato ng NDFP na ayaw sa kapayapaan.
Upang palabasin na nagtatagumpay ang kanilang lokalisadong usapang pangkapayapaan nagsagawa ng malawakan at sapilitang pekeng pagpapasuko ang AFP, PNP at LGU’s na ang pangunahing target ay ang mga inosenteng sibilyan. Pinakilos ang mga bayaran at mersenaryong ahente ng reaksyunaryong gubyerno na magsagawa ng media campaign para palitawin na may nagaganap na malawakang pagsuko mula sa hanay ng CPP-NPA na sa katunayan ay mga sarswela o pekeng pagpapasuko. Kabilang dito ang mga panibagong kaso ng sapilitang pagpapasuko sa Mindoro at sa Laguna na pawang mga sibilyan at kanilang kinaratulahan bilang mga sumukong Pulang mandirigma.
Lokalisadong Usapang Pangkapayapaan at Pekeng Surrenderees, Gatasan ng mga opisyal ng AFP, PNP at LGU’s.
Walang ibang layunin ang lokalisadong usapang pangkapayapaan at mga pekeng pasukuan kundi ang bundatin ang mga tiyan at punuin ang mga bulsa ng mga tiwaling opisyal ng AFP, PNP at lokal na burukrata mula sa pinundohang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP), programang Amnesty at Balik-Loob ng mga nagdaang rehimen. Ang may pinakamaraming maililistang pekeng napasuko ay siya ring makakakuha ng malaking tipak sa pondo ng ECLIP. Kaya ang natural na konsekwensya ay paligsahan sa kung sino ang may pinakamaraming maihaharap na mga pekeng sumuko.
Pinahihintulutan ito ni Duterte bilang bahagi ng kanyang sistemang pabuya—ang anyo ng kabayaran para panatilihin ang katapatan sa kanya ng mga paborito at matatapat niyang alipures sa hanay ng AFP, PNP at lokal na burukrasya.
Nananaginip nang gising si Duterte sa pag-aakalang mabibitag ang rebolusyonaryong kilusan sa ganap na pagsuko at kapitulasyon gamit ang “lokalisadong usapang pangkapayapaan”.
Hindi kailanman bibitiwan ng NDFP ang mga itinataguyod nitong mga rebolusyonaryong prinsipyo sa pagharap sa usapang pangkapayapaan.
Naninindigan ang NDFP-ST na makakamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan kung matutugunan ang kahingian at aspirasyon ng mamamayan para sa pambansang paglaya at tunay na demokrasya. Hindi nakaayon ang lokalisadong usapang pangkapayapaan sa pakikibaka ng sambayanan para sa paglutas ng mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa.
Matibay ang paniniwala ng NDFP-ST na walang yunit at komand ng NPA sa Timog Katagalugan ang papasok sa lokalisadong usapan. Matatag ang kanilang panindigan na anumang pag-uusap hinggil sa kapayapaan ay dapat idaan sa NDFP Peace Panel. Mataas ang respeto at tiwala ng mga opisyal at mandirigma ng NPA-TK sa liderato ni Prof. Joma Sison bilang Chief Political Consultant ng NDFP, kay Fidel Agcaoili bilang Pinuno ng NDFP Peace Panel at sa lahat ng mga bumubuo ng NDFP Peace Panel. Nasa likod nila ang buong tiwala at suporta ng rebolusyonaryong mamamayang nakikibaka na katawanin sila sa usapang pangkapayapaan.
Nasa kamay ng mamamayan ang mapagpasyang papel na isulong ang tunay na matagalan at makatarungang kapayapaan. Wala mang peace talks, hawak ng sambayanan ang digmang bayan bilang matibay nitong sandata na kahit anuman ang gawin ni Duterte at kanyang mga alipures ay hindi magagapi at mawawakasan ang rebolusyon. ###