Paigtingin ang pakikibaka laban sa nagbabadyang pagbalik ng Martial Law sa bansa
Isang malagim na alaala ng kalupitan at karahasan ng rehimeng US-Marcos ang Setyembre 21 at hindi kailanman magiging isang pagdiriwang para sa malawak na sambayanang Pilipino. Tanging mga kasapakat at kapural ni Marcos at mga nabiyayaan ng diktadurang rehimen ang nagsasaya sa petsang ito. Ang mga mandarambong at magnanakaw sa kaban ng bayan ang nagbubunyi sa pag-iral ng Martial Law sa loob ng 14 na taong paghahari ng diktadurang Marcos.
Ang lagim na dala ng Martial Law ay hindi malilimutan ng sambayanang Pilipino. Ilampung libo ang pinaslang, dinukot, hinuli at tinortyur sa panahon ng diktadura. Daang libo ang nadislokang mga pamilya dahil sa karahasang militar at pulis sa kanayunan at kalunsuran. Laganap ang food blockade at walang katuturang pagpapairal ng curfew sa buong bansa.
Ang mahabang panahon at mahabang listahan ng krimen sa panahon ng Martial Law sa Pilipinas ay tila nauulit sa kasalukuyang paghahari ng rehimeng US-Duterte. Hindi pa man nagaganap ang kinahihindikan at kinasusuklamang batas militar sa panahon ni Duterte, hindi na mabilang ang mga karumaldumal na krimen nito sa mamamayan. Nalagpasan pa ni Duterte ang rekord ni Marcos sa mga paglabag sa mga karapatang pantao ng mamamayan. Higit na malaki ng ilang ulit ang bilang ng mga pinatay sa ngalan ng “gera laban sa iligal na droga”, “gera laban sa terorismo” at todo-gera laban sa mga mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa ng Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo), Bagong Hukbong Bayan at Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas.
Ang walang tigil na pagpapahayag ng pag-iidolo ni Duterte kay Marcos ay hahantong sa panunumbalik ng diktadurya at pasistang atake laban sa mamamayan. Nakikita ito sa alyansang Marcos-Arroyo-Duterte (MAD), mga diktador at tiranikal na reaksyunaryong pangulo sa bansa at may madugong makasaysayang rekord sa paggamit ng kapangyarihan ng estado laban sa mamamayan. Bihasa sila sa mga maniubrang pampulitika tulad ng pagkontrol sa lehislatura at hudikatura upang pagsilbihin sa kanilang pansariling interes. Dahil ninanais ni Duterte na maghari nang lagpas sa 2022, gumagawa siya ng iba’t ibang pakana tulad ng cha-cha at pederalismo upang itono sa kanyang plano na makapanatili sa kapangyarihan. Kung anu-anong gawa-gawang kaso at krimen ang sinasampa niya laban sa kanyang mga kritiko at kaaway sa pulitika upang gipitin ang mga ito at patalsikin sa poder.
Hindi na marapat pang tumagal sa kapangyarihan si Duterte. Hangga’t may tirano at nangangarap maging diktador na nakaupo sa estado-poder, hindi makakamit ng mamamayang Pilipino ang tunay na demokrasya at kalayaan sa bansa. Ang mga pasistang tulad ni Duterte ang pinapaboran ng Imperyalistang US upang maisakatuparan nito ang mga neoliberal na patakaran at patuloy na kontrol sa AFP-PNP. Subalit ito rin ang maghuhukay ng sariling libingan ni Duterte. Higit na lalabanan ng sambayanang Pilipino ang pandarahas at panunupil ng estado sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya sa bansa.
Nananawagan ang Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog na maging mapagmatyag ang sambayanang Pilipino sa anumang pakana ng pangkating MAD na linlangin ang mamamayan sa baliw na layuning makapanatili sa paghahari sa anumang paraan. Buklurin ang buong hanay ng iba’t ibang uri at sektor, mga makabayan at patriyotikong organisasyon at indibidwal, mga taong simbahan, kabataang estudyante at mga propesyunal sa isang malapad na nagkakaisang prenteng anti-Duterte upang ibagsak ang pangkating MAD. Itayo ang isang malapad na demokratikong koalisyong anti-imperyalismo, anti-pyudalismo at anti-burukrata-kapitalismo na magtataguyod at magsusulong ng pambansa demokratikong adhikain ng sambayanang Pilipino.###