Paigtingin ang pakikibaka ng bayan laban sa diktadura at paghaharing militar ni Duterte
Nananariwa ang malalim na sugat ng mamamayang Pilipino sa kalupitan at karahasan ng Martial Law ng diktadurang Marcos sa ilalim ng pasismo at terorismo ng rehimeng US-Duterte. Muling ipinailalim ni Duterte ang buong bayan sa lagim ng Batas Militar gamit ang pandemyang COVID-19 at ang isterya ng pinakakawalang terorismo ng estado sa bansa. Dahil dito, lalong nagiging makatarungan ang pakikibaka ng mamamayan para pabagsakin si Duterte.
Pilit binubura ng gubyernong Duterte sa kolektibong kamalayan ng mamamayan ang lagim ng Martial Law ng rehimeng US-Marcos. Kasuklam-suklam ang mga pakana nitong tanghaling bayani ang diktador. Subalit hindi nito mapapawi ang madugong rekord ng Batas Militar kung saan naitala ang libu-libong pinatay, dinukot at tinortyur ng diktadurang US-Marcos. Nananatiling walang hustisya para sa mga biktima ng Martial Law. Sampal sa mukha ng mga biktima at kanilang pamilya ang pananatili ng pamilya Marcos sa poder.
Higit na kinamumuhian ng mamamayang Pilipino ang gubyernong Duterte sa pagpanumbalik nito ng Batas Militar sa bansa. Nauna nang itinayo ni Duterte ang kanyang civil-military junta sa pamamagitan ng pagpupwesto sa mga retiradong upisyal militar sa mga susing departamento ng gubyerno at patuloy na militarisasyon ng burukrasya-sibil. Sila rin ang nagpapatupad ng militaristang solusyon ni Duterte sa COVID-19. Ang AFP-PNP ang may otoridad na pangasiwaan ang bayan sa panahon ng pandemya sa pamamagitan ng IATF na binubuo nina Lorezana, Esperon, Año at Galvez.
Sa ilalim ng militaristang lockdown, nakakalat ang mga checkpoint sa buong bansa, ang 306 nito ay nakalatag sa Timog Katagalugan. Pinagbabawalan ring lumabas ang mamamayan at hinuhuli ang mga tinuturing na “pasaway” o lumalabag sa mga protocol ng lockdown at physical distancing. Ngayon naman, pinalawig ng rehimen ang state of calamity upang patagalin pa ang panggigipit sa mamamayan habang ninanakaw ang bilyon-bilyong pisong calamity fund.
Sa kanayunan, walang-tigil ang mga focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO) ng AFP-PNP sa tabing ng mga ‘covid-related missions’. Hinahalihaw ng AFP-PNP ang mga komunidad dito sa kanilang desperasyong hanapin at lipulin ang mga yunit ng NPA. Labis na nagdurusa ang mga magsasaka at katutubo na biktima ng laganap na pambobomba at panganganyon ng mga berdugong pwersa sa kanilang mga komunidad sa gitna ng pandemya. Nagpapatuloy din ang mga kampanyang E-CLIP ng rehimen sa tabing ng pamamahagi ng relief goods sa mamamayan.
Sa Timog Katagalugan, patuloy ang atake ng AFP-PNP sa mamamayan. Sa anim na buwang lockdown, naitala ang mga kaso ng pananakot, interogasyon, pandarahas, pambubugbog at sapilitang pagpapasama sa mga lokal na residente bilang mga giya sa mga operasyong militar. Noong Agosto, naiulat ang kaso ng panggagahasa ng mga tropa sa ilalim ng 201st Brigade sa isang menor de edad na anak ng isang lider magsasaka sa Quezon at ng mga tropa ng 76th IBPA sa ilalim ng 203rd Brigade sa isang Mangyan.
Ginawang sandata ni Duterte ang COVID-19 virus upang ipataw ang kanyang kamay na bakal laban sa mamamayan habang inilulusot ang iba’t ibang mga batas para siguruhin ang kanyang paghahari lagpas 2022. Iniratsada ng rehimen ang Anti-Terrorism Act of 2020 upang magamit laban sa mamamayan at karatulahang “terorista” ang sinumang nagnanais mag-aklas at tumutol sa mga katiwalian ng rehimen. Niluluto niya ang Charter Change at pederalismo gamit ang kanyang mga tagasuporta na nanawagan ng pagtatayo ng isang “revolutionary government” upang ilunsad ang isang konstitusyunal na kudeta.
Gumawa pa si Duterte ng mga samu’t saring pakana para makapanatili sa kapangyarihan. Kamakailan, inanunsyo ng Opisina ng Ombudsman ang bagong patakaran nitong hindi magbibigay ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga nagsumiteng upisyal. Isinara na rin ng Korte Suprema ang pagsasapubliko ng medical bulletin ni Duterte sa kabila ng mga lumalabas na usapin hinggil sa kanyang kalagayang pangkalusugan.
Pinalubha ng militaristang lockdown at terorismo ng rehimen ang paghihirap at pagdurusa ng mamamayang Pilipino. Wala nang trabaho, patuloy pa silang pinagkakaitan ng serbisyong pangkalusugan, ayuda at subsidyo. Palyado ang mga programa ni Duterte laban sa COVID-19. Lumobo na sa 280,000 ang mga may kaso ng sakit sa bansa. Tigas-mukha pang nagawa ng rehimen ang lantarang pangungurakot sa pondo para sa kalusugan na nalantad sa ahensya ng Philhealth at Department of Health.
Tulad ng nakaraang Martial Law ng diktadurang US-Marcos, walang ibang nagbubunyi at nagpapakasasa sa panahon ng lockdown kundi ang mga kasapakat at kapural ni Duterte. Naging mas maluwag sa rehimen na mandambong at magnakaw sa kaban ng bayan. Pinapaboran din ito ng imperyalistang US na patuloy na kumikita at nakakapagbenta ng mga armas-pandigma nito sa bansa. Ginawang lehitimo ang paggamit ng terorismo ng estado sa ngalan ng pagsupil at palipol sa mga aktibista, progresibo, oposisyon, kritiko ng rehimen at rebolusyonaryong pwersa ng CPP-NPA-NDFP.
Tulad ng sinapit ng iniidolo niyang si Marcos, tiyak na hahantong din si Duterte sa kaparehong kapalaran. Ibabagsak siya ng malawak na hanay ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan at itatapon sa basurahan ng kasaysayan. Higit na lalabanan ng mamamayang Pilipino ang teroristang rehimen sa gitna ng lumalalang krisis sa ekonomiya at kalusugan sa bansa.
Higit na nagiging lehitimo ang paghawak ng armas ng mamamayan bilang pantapat at pananggol ng bayan laban sa itinatayong diktadura ng rehimen. Iniluwal ng nagdaang Batas Militar ang dumaraming bilang ng mamamayang sumasapi sa NPA upang labanan ang estado. Magsisilbing inspirasyon ang mga martir at mamamayang nakibaka noon sa Martial Law ng rehimeng US-Marcos at hanggang sa kasalukuyan upang patuloy na paigtingin ang digmang bayan. Bukas ang mga larangan sa ilalim ng Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog sa mamamayang nagnanais mag-armas laban sa terorismo ng estado.
Inaatasan ng MGC – NPA ST ang mga yunit ng NPA sa ilalim nito na maglunsad ng paparaming bilang ng mga taktikal na opensiba na bibigwas at dudurog sa kaaway. Katuwang ang NPA, bibiguin ng sambayanan ang de facto Martial Law ni Duterte at wawakasan ang kanyang tiranikong paghahari. Ang nagpapatuloy na laban ng NPA sa rumaragasang Martial Law ang higit na magbibigay ng lakas sa nag-aalab na pakikibaka ng mamamayan upang ibagsak ang taksil, korap at tiranong si Duterte.
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Biguin ang EO 70 at JCP-Kapanatagan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!