Paigtingin ang pakikidigmang gerilya at pabagsakin ang pasistang diktadura ng rehimeng US-Duterte!
Raymundo Buenfuerza | Spokesperson | Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) | New People's Army
January 07, 2019
Pinagpupugayan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bikol at ng mamamayang Bikolano ang Partido Komunista ng Pilipinas sa ika-50 taon ng matagumpay nitong pamumuno sa proletaryong rebolusyong Pilipino. Magmula nang maitayo ang unang yunit ng Hukbo sa rehiyon sa gabay ng Partido sa bayan ng Tigaon, Camarines Sur noong 1971, mapangahas nitong ginampanan ang dakilang tungkulin sa pagsusulong ng tatlong sangkap ng digmang bayan—paglulunsad ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagpapalawak ng baseng masa.
Iginagawad ng BHB-Bikol ang pinakamataas na pagpupugay at parangal sa mga rebolusyunaryong bayani at martir at sa mamamayang Bikolano na nag-alay ng kanilang buhay para makamit ang isang bayang may tunay na kasarinlan, tunay na demokratiko at may sosyalistang kinabukasan.
Muling pinagtitibay ng rebolusyunaryong armadong kilusan sa rehiyon ang pagsalig sa wastong pamumuno ng PKP upang isulong ang digmang bayan tungo sa mas mataas na antas. Ipagdiriwang ng BHB-Bikol ang ginintuang taon ng bagong tipong rebolusyong Pilipino sa ganap na pagpapabagsak sa pasistang diktadura ng rehimeng US-Duterte. Taglay ng BHB sa rehiyon at sa buong bansa ang lakas at kakayanan upang ibayong paigtingin ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa upang lalong pahinain ang papakitid na pampulitikang kapangyarihan ng pangkating Duterte at ibayong mapalakas ang BHB.
Noong nakaraang taon, matagumpay na nakapag-ambag ang rehiyon sa lahatang-panig na paggapi sa ambisyon ng pasista’t teroristang rehimeng US-Duterte na durugin ang rebolusyunaryong kilusan. Sa gitna ng pinatindi pang pasistang atake ni Duterte gamit ang kanyang mga teroristang tropa sa AFP-PNP-CAFGU, nakapagpalakas ang BHB sa militar, pulitika at iba pang larangan. Tampok na halimbawa nito ang 15 koordinadong aksyong gerilya sa bawat panig ng rehiyon noong Disyembre 17-19, 2018. Ito ang panimulang tugon ng BHB-Bikol sa papaigting na pasistang atakeng hatid ng MO 32 at pagbubuo ng National Task Force to End Communist Insurgency (NTFECI) sa ilalim ng whole of the nation approach.
Ngayong taon, ibayo pang kasikhayan ang ibubuhos ng BHB-Bikol sa puspusang paglaban sa papasidhing militarisasyon sa rehiyon sa pagpapatupad ng MO 32 at katambal nitong NTFECI at Whole-of-Nation-Approach sa rehiyon. Patuloy nitong palalakasin ang dumarami nitong kasapian at magpapalawak pa ng saklaw upang lubusang gasgasin, banatin at pahinain ang kakayanan ng Task Force Bicolandia na isustine ang all-out war ng rehimen laban sa mamamayan.
Buong sikhay na ipagtatanggol ng BHB ang mamamayan. Paiigtingin ng rehiyon ang paglulunsad ng mga koordinadong kampanyang gerilyang gagapi sa papatinding kampanyang pagpatay at pagdurog ng rehimen na ipinapatupad ng 9th IDPA ng AFP at PNP laban sa rebolusyunaryong masang Bikolano. Ipagpapatuloy ng iba’t-ibang yunit ng NPA sa Bikol ang paglulunsad ng taktikal na opensibang kinatangian ng papalakas na koordinadong mga serye ng matutunog na mga anihilatibong aksyong katambal ang mga malaganap na atritibong patama. Layunin nitong higitan ang 101 taktikal na opensibang ilinunsad ng BHB-BIkol noong 2018 na nagresulta sa pagkumpiska ng dagdag na mga armas sa BHB, pagkapinsala ng kriminal na 9th IDPA ng higit kumpanyang pwersa (72 ang napatay habang 56 ang sugatan). Higit sa lahat, hangarin nitong ikonsolida ang mga nakamit na tagumpay ng BHB sa pulitika at militar sa pagsusulong nito ng armadong pakikibaka.
Lubusang palalalimin ng BHB-Bikol ang pag-ugat nito sa baseng masa. Patuloy na mag-aalab ang armadong pakikibaka mula sa panibagong pagsulong ng pakikibakang antipyudal sa rehiyon. Mahusay na panghahawakan ng BHB ang tamang balanse ng lawak at sinsing kinakailangan upang ibayong mapaunlad ang pakikidigmang gerilya. Makakatuwang ng masa ang BHB sa puspusang konsolidasyon at pagpapataas ng antas ng organisasyon sa kanilang hanay. Sisikapin nito ang mabilis at maramihang pagtatayo, pagpapalawak at pagtaguyod ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa bawat antas sa bawat panig ng rehiyon.
Higit sa lahat masikhay itong magwawasto sa mga kahinaang dulot ng konserbatismong militar at gawi ng rebeldeng lagalag. Panghahawakan nito ang tamang istruktura ng lakas, komand ng mga pormasyon, daloy ng komand mula antas sa lahat ng antas, pagsasanay ng mga upisyal at iba pang ispesyal na pagsasanay sa taktika at teknika ng gawaing militar. Isasagawa ng BHB-Bikol ang pangunahing tungkulin bilang hukbong panlaban upang patuloy na makapagpalakas ng pwersa sa pamamagitan pangunahin ng anihilatibong taktikal na opensiba at makalikom ng paparaming dagdag na sandata. Ipagpapatuloy nito ang paglulunsad ng mga pagsasanay sang-ayon sa pangangailangan ng lahatang-panig na pag-unlad ng BHB bilang isang hukbong pulitiko-militar, pamproduksyon, pangkultura at pangkalusugan.
Gagampanan ng BHB sa rehiyon at sa buong bansa, sa pamumuno ng PKP, ang dakila nitong tungkulin bilang pangunahing armas ng rebolusyunaryong paglaban ng mamamayan laban sa papatinding pasistang atake ng rehimen. Buong lakas na mag-aambag ang BHB-Bikol sa pangkalahatang pagpapahina sa makitid na pampulitikang kapangyarihan ng naghaharing sistemang kinakatawan ng rehimeng US-Duterte. Ang mga tagumpay at aral na nakamit ng PKP, BHB at ng nagkakaisang hanay ng mamamayan ay magsisilbing puhunan sa pagsusulong ng digmang bayan upang mailuwal ang pinakamalakas na paglaban sa pasista at teroristang rehimeng US-Duterte at ang pinakamasikhay na determinasyong pataasin ang antas ng digma hanggang sa ganap na tagumpay.
Paigtingin ang pakikidigmang gerilya at pabagsakin ang pasistang diktadura ng rehimeng US-Duterte!