Paigtingin at lalo pang palawakin ang pagkakaisa laban sa Kaliwa Dam!
Patuloy na palakasin ang pagdaluyong ng suporta at pagkakaisa ng malawak na hanay ng mamamayan upang ganap na tutulan ang pagtatayo ng Kaliwa-Kanan-Laiban Dam!
Pinagpupugayan ng KADUMAGETAN, ang rebolusyunaryong organisasyon ng mga katututubong Dumagat at Remontado ang tuluy-tuloy na pagtutol ng mamamayan sa pagtatayo ng Kaliwa-Kanan-Laiban Dam. Kaisa ang iba pang mga sektor ng lipunan na tahasang nananawagan sa pagpapahinto ng pagtatayo ng mga dam na ito, kailangan pa nating gampanan ang tungkuling makapagpalawak ng hanay at ikasa ang malalaking kilos-protesta laban sa proyektong ito ng rehimeng US-Duterte.
Kinikilala ng KADUMAGETAN ang pagtindig ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) laban sa pagtatayo ng Kaliwa Dam. Noon pa man, katuwang na ng mga katutubong Dumagat at Remontado ang mga taong-simbahan sa paglaban sa kapakanan ng mga komunidad ng mga ito. Sa pagtindig rin ng iba’t ibang local government units laban dito, saksi tayo sa tumitinding hidwaan sa hanay mismo ng reaksyunaryong gobyerno. Pilit mang konsolidahin ni Duterte ang kanyang pwersa, sumusulpot na ang bitak na nabuo ng kawalan ng pagkakaisa sa pagitan ng mga ito na tiyak na lalo pang lalaki sa pag-usad ng mga araw. Marami na ring mga abogado, akademiko, at mga abogado ang nananawagan kasama ang mga katutubo laban sa mga dam na ito. Solido ang tindig ng mga Dumagat at Remontado na gawin ang lahat ng pamamaraan para mapahinto ang pagtatayo ng mga dam na ito. Hinog ang sitwasyon para magtagumpay ang ating laban na kailangan na nating iangat ang antas ng ating pagkilos at pakikibaka laban dito.
Maliban sa malawak na pagwasak sa kalikasan, ang mariing tinututulan ng mga Dumagat sa pagtutuloy ng proyektong ito ay ang samu’t saring paninindak at pagsasamantala na nararanasan nila sa walang tigil na militarisasyon ng 80th IB-PA, sa ilalim ng 2nd ID, sa mga komunidad ng katutubo. Nagdudulot ito ng takot at kagutuman na nagtutulak sa pagbabakwit ng mga katutubong Dumagat palayo sa kani-kanilang mga lugar. Instrumento ng estado ang mga pasistang militar na ito na naglalayong sirain ang pagkakaisa ng iba’t ibang komunidad ng mga Dumagat.
Gamit ang kanyang kamay na bakal, sapilitang kinuha ni Duterte sa pamamagitan ng galamay nito na Department of National Environment and Resources (DENR) ang free, prior, and informed consent (FPIC) sa hanay ng mga katutubo kahit pa labag ito sa kanilang kalooban. Kahit pa walang Environmental Compliant Certificate (ECC), pilit na isinasakatuparan ng administrasyong Duterte ang mapanirang proyektong ito. Para magmukhang nakikinig at tinutugunan ang kanilang mga lehitimong pangangailangan, naglulunsad ang Manila Waters and Sewerage System (MWSS) ng mga bogus na konsultasyon. Nagpapatawag rin ang National Commission on Indigeneous People (NCIP) kung saan ang pagpirma sa attendance ay nangangahulugan na ng pagpayag ‘di umano sa nasabing proyekto.
Desperado ang rehimeng Duterte na tapusin ang grandiyosong proyektong “Build, Build, Build!” sa kanyang nalalabing dalawang taon ng panunungkulan, kahit pa nangangahulugan ito ng pagsasapanganib sa napakaraming buhay at kabuhayan ng mamamayan, sa ngalan ng tubo. Ginagamit ng reaksyunaryong estado ang pakanang may tuluy-tuloy na krisis sa tubig sa Maynila at malaganap itong ipinapalaganap sa mass media upang bigyang-katwiran ang mga dambulang proyekto ng Kaliwa-Kanan-Laiban Dam. Nagkukumahog na rin si Duterte na masimulan ang proyekto upang kamkamin ang napakalaking kikbak mula sa pautang ng Tsina sa anyo ng Official Development Assisstance (ODA). Sa ngalan ng kita, ilulubog ng rehimeng ito ang 100 milyong Pilipino sa kumunoy ng utang na lalo pang magpapahirap sa sitwasyon ng maralitang magsasaka. Malakas man ang pagtutol ng taumbayan ditto, kaysa pakinggan ang tinig ng mamamayan, palasak pang itinuring ni Duterte na ‘collateral damage’ ang mga masang masasagasaan ng mga proyektong ito.
Umaalingasaw na ang pilit na itinatagong baho ng mga proyektong dam ng rehimeng Duterte. Lantad na ang tunay na mukha nito: anti-mamamayan na tanging nagsisilbi lamang sa iilang naghaharing-uri, at anti-kaunlaran na tumutugon lamang sa interes ng tubo’t kapital, hindi sa kapakanan ng mamamayan. Malinaw at makatwiran na sapat ng batayan ang karapatan sa buhay, kabuhayan, at kalikasan upang hindi ituloy ng gobyerno ang proyektong ito. Kung hindi pa nasasapatan ang rehimeng Duterte sa kasalukuyan nating lakas, ipapakita natin ang kanyang dapat katakutan – ang pagdaluyong ng masang anakpawis at mga katutubong Dumagat at Remontado at tahasang paglaban sa mapaminsalang programang ito! Patuloy nating paiigtingin ang pagkakaisa ng mamamayan laban sa naghaharing-uri na kinakatawan ngayon ni Duterte. Tanging sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon bayan lamang matatamo ng mamamayan ang kalayaan sa sariling pagpapasya ng pambansang minorya! Tanging digmang bayan lamang ang magpapahinto sa Kaliwa-Kanan-Laiban Dam!
ITIGIL ANG MGA MAPAMINSALANG PROYEKTO NG KALIWA-KANAN-LAIBAN DAM!
ITIGIL ANG HINDI-PANTAY NA KASUNDUAN SA PAGITAN NG TSINA AT GRP!
IBAGSAK ANG REHIMENG US-DUTERTE!