Pakikiisa sa masang minorya sa Pilipinas sa Pandaigdigang araw ng mga Katutubo
Nakikiisa ang Partido sa masang Igorot ng Cordillera, mga Agta, Aeta, Ata, Dumagat, Manibi at iba pang etnikong grupo sa buong kahabaan ng Sierra Madre, mga Mangyan ng Mindoro, mga Tumandok at Ati ng Panay, mga tribong Lumad at mamamayang Moro sa buong kalawakan ng Mindanao at iba pang grupong minorya sa buong bansa sa Pandaigdigang Araw ng Mamamayang Katutubo.
Patuloy na dumaranas ng pang-aapi at diskriminasyon ang mga grupong minorya sa Pilipinas. Labis-labis ang pagbalewala sa kanilang mga komunidad na hindi inaabot ng kinakailangang mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon at pangkabuhayan. Patuloy silang itinuturing na mas mababang klaseng tao at inaapi ang kanilang kultura at mga kaugalian. Sa masang minorya, ang reaksyunaryong gubyerno, na laging nasa anyo ng mga armadong sundalo, ay mapang-aping kapangyarihang laging nagbabanta sa kanilang mga karapatan.
Kinakaharap ng masang minorya sa Pilipinas ang walang kasing-bangis na gera ng panunupil sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Sa ilalim ng Anti-Terrorism Law (ATL), ang mamamayang Moro ay biktima ng “terrorist profiling” at ang mga minorya sa kabundukan ay biktima ng “red-tagging.” Mga minoryang mamamayan sa Zambales at Mindoro ang unang kinasuhan sa ilalim ng ATL.
Inaapakan ang karapatan at kagalingan ng mga katutubong mamamayan upang bigyang daan ang interes ng dayo at lokal na malalaking kapitalista. Sa buong bansa, kabi-kabila ang operasyon ng dambuhalang mga kumpanya sa pagmimina, mga proyektong dam at mga plantasyon, huwad na reporestasyon, mga proyektong ekoturismo at iba pang yumuyurak sa karapatan ng mga minorya sa kanilang lupang ninuno at sumisira sa kalikasan sa tabing ng “progreso” at sa ngalan ng tubo.
Buong lupit na ginagamit ng tiranikong rehimen ang mga armadong pwersa nito upang maghasik ng karahasan at takot at palayasin ang masang minorya sa kanilang lupang ninuno. Sa ilalim ng programa nitong kontrainsurhensya, ang mga komunidad ng mga minorya ay isinasailalim sa paghaharing militar upang sindakin ang masa at pasunurin sa kanilang mga utos.
Buo-buong tinitipon ang kanilang mga pamayanan at pinalalabas na “sumurender” sa kapangyarihan ni Duterte. Walang-habas ang paghuhulog ng bomba at panganganyon sa kabundukan para maghasik ng takot sa masa at pwersahin silang magbakwit. Inaalok sila ng “pabahay” upang ilayo sila sa kanilang lupa at kagubatang pinagkukunan ng pagkain, tubig at kabuhayan.
Sa kabila ng pangakong kapayapaan, patuloy ang karahasan laban sa mamamayang Moro upang supilin ang kanilang rebolusyonaryong pagtatanggol sa kanilang mga karapatan at interes. Tinatakam ng malalaking kapitalista ang yaman ng lupang Moro. Pinapasok ang kanilang lupang ninuno ng mga dayong plantasyon at mga kumpanyang nagbabalak na kamkamin ang yamang langis at mineral.
Dapat magkaisa ang lahat ng minoryang mamamayan sa Pilipinas para labanan ang tiranikong paghahari ni Duterte at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.
Ubos-kayang makibaka para ipaglaban ang karapatan ng minoryang mamamayan sa sariling pagpapasya, para sa lupang ninuno, at pagpapayabong ng katutubong kultura. Labanan ang pang-aapi ng rehimeng US-Duterte at pagsiil sa mga minoryang naninindigan para sa kanilang demokratikong interes.
Malaking bahagi ng lakas ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ay nagmumula sa malawak na suporta ng masang minorya sa kanayunan at kabundukan, dahil sa puspusang pagsusulong ng BHB sa kanilang interes at pag-aangat ng kanilang kamulatan. Hindi iilan ang mga minoryang nagsisilbing kumander ng iba’t ibang yunit ng BHB sa iba’t ibang rehiyon. Kabilang ang mga minorya sa pinakamahuhusay na Pulang mandirigma ng BHB.
Batid ng mamamayang minorya na ang armadong pakikibaka ang pinakaepektibong paraan upang labanan ang mga pasistang terorista na dumadahas at sumusupil sa kanila at para ipagtanggol sa kalikasan sa malawakang pangangamkam at pangwawasak ng malalaking kapitalista. Patuloy din ang pag-usbong ng mga rebolusyonaryong armadong grupo ng mamamayang Moro na handang ipagpapatuloy ang kanilang mahaba nang kasaysayan ng armadong pagtatanggol.
Patuloy na ipagtatanggol ng BHB at buong rebolusyonaryong kilusan ang mga karapatan at kagalingan ng masang minorya sa Pilipinas. Patuloy na isusulong ng BHB ang armadong pakikibaka at pagbubuo ng demokratikong gubyernong bayan na nagbibigay sa masang minorya ng karapatan at kapangyarihang ipinagkakait sa kanila. Ang pagkakaisa ng BHB at ng masang minorya ay patuloy pang hihigpit at yayabong.