Pakikiisa sa mga kilos protesta sa Setyembre 21
Ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Bagong Hukbong Bayan ang pakikiisa sa ilampung libong nagrarali sa buong bansa upang gunitain ang pagpapataw ng batas militar noong Setyembre 21, 1972 at upang makibaka para wakasan ang paghahari ng terorismo, tiraniya at pasismo sa ilalim ng rehimeng Duterte. Nagsisilbi rin ang mga rali para paalingawngawin ang sigaw laban sa pabigat na mga buwis at sumisirit na presyo ng mga bilihin at itulak ang kahilingan para sa dagdag sahod, trabaho at seguridad sa trabaho, reporma sa lupa, pampublikong subsidyong panlipunan, at iba pang kagyat na reporma para sa kagalingan ng bayan.
Desperadong kumakapit sa poder si Duterte sa harap ng tumitinding krisis sa ekonomya at pulitika. Binabagbag ang kanyang rehimen ng mga panloob na sigalot ng kanyang mga alyadong nag-aagawan sa pork barrel at mga burukratikong pakinabang. Kasabay nito, lalo siyang nahihiwalay sa bayan na labis na nagdurusa sa mga patakarang anti-mamamayan.
Nagpupunyagi ang bayan sa pagsulong ng iba’t ibang anyo ng paglaban sa kabila ng todong panunupil. Sa partikular, ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay tuluy-tuloy na sumusulong sa buong bansa.
Nananawagan ang Partido sa lahat na pagtibayin ang kanilang kapasyahan at determinasyon na makibaka para wakasan ang rehimeng US-Duterte. Magiging mahirap at puno ng pasakit ang paglaban at kakailanganin ang maraming sakripisyo. Gayunman, kung lalaban na isang nagkakaisang pwersa ang bayan at sama-samang magmamartsa, tiyak ang tagumpay.