Palayain si Ka Diego! –BHB-Rizal
Itigil ang hindi makataong pagtrato ng rehimeng US-Duterte sa lahat ng bilanggong pulitikal!
Kaisa ng mamamayan sa pagkamit ng matagalan at makatarungang kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan, nananawagan ang Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-BHB-Rizal) sa kagyat na pagpapalaya kay Kasamang Diego “Ka Jaime” Padilla matapos itong arestuhin at sampahan ng gawa-gawang mga kaso ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police (AFP-PNP) noong Nobyembre 25, 2019.
Tatlong buwan na ang nakalipas matapos ang walang-awang pagdakip sa noon ay nagpapagamot na dating tagapagsalita ng Melito Glor Command – BHB – TK. Sa kalagayang hors de combat si Ka Diego, sinagpang ng mersenaryong tropa ng reaskyunaryong gobyerno ang pagkakataong ito para ikasa ang planong pagsupil sa rebolusyunaryong kilusan sa Timog Katagalugan sa ngalan ng Joint Campaign Plan – Kapanatagan. Sa kabila ng kanyang edad, hindi nagbigay ng makataong konsiderasyon kay Ka Diego na batay sa naaayong proseso ng batas. Sa katunayan, ipinagkait sa kanya ang karapatang makaharap ang kanyang mga piniling abogado. Itinago pa ng kaaway si Ka Diego sa kanila at lihim na inilipat sa bilangguan sa San Jose, Occidental Mindoro. Hindi na nga iginalang ang kanyang mga batayang karapatan, todo pa ang paglalapastangan ng mga ito sa kanya sa pagpapakalat ng tsismis na ginagamit lamang ni Ka Diego ang kanyang katandaan para kunin ang simpatya ng mga tao. Ipinapamalita pa ng SOLCOM na hindi totoo ang kanyang sakit, kaya naman ginigipit na rin nila ang kanyang karapatang mabigyan ng atensyong medikal. Kahit ang pagpapapasok ng mga kinakailangan niyang gamot ay ipinagkakait din ng mga ito. Kailangan pang dumaan sa butas ng karayom ang kanyang mga kapamilya at kaibigan na nagnanais na makapunta at makadalaw sa kanya sa kulungan. Ang sitwasyong ito ni Ka Diego ang mukha ng tunay na kalagayan ng mahigit sa 500 bilanggong pulitikal sa Pilipinas na dumaranas ng ganitong panggigipit sa loob ng bilangguan.
Pinatunayan lamang nito ang katumpakan ng bansag sa Southern Luzon Command (SOLCOM) bilang tagapagtaguyod ng kultura ng karahasan sa pangunguna ng noon ay berdugong hepe nitong si Gen. Gilberto Gapay na ipinagpapatuloy naman ngayon ng tagapagmana niyang si Gen. Antonio Parlade. Walang-awang ginamit ng mga ito ang kanilang kamay na bakal para ilayo si Ka Diego sa kanyang mga pamilya at sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao. Tila asong labis na naglaway ang dalawang berdugo na ito sa perang tiyak na kanila nang napaghatian na nakapatong sa ulo ni Ka Diego dahil sa mga gawa-gawang kasong pilit na isinampa sa kanya.
Ibang-iba ang kondukta ng AFP-PNP sa pagharap nito sa mga itinuturing nilang ‘kaaway ng estado’ kumpara sa kung paano pinakikitunguhan ng BHB ang mga bihag nito. Sa direktang panghihimasok ng tambalang Lorenzana-Esperon-Ano (LEA) sa kumpas ng rehimeng US-Duterte, walang patumanggang paglabag sa karapatang tao ang ikinakasa ng armaduhang pwersa ng estado sa mga kritikal sa gobyerno. Kaliwa’t kanang tortyur ang dinaranas ng mga bilanggong pulitikal habang ipinagkakait ang kanilang batayang karapatan at kapakanan sa loob ng piitan.
Taliwas sa nakasanayan ng kaaway na pasistang pagharap sa kanyang nakakalaban, may pagtatangi ang rebolusyunaryong kilusan sa pakikitungo sa mga bihag ng digma. Kapag sumuko ang kaaway sa NPA sa panahon ng labanan at maituring na Prisoner of War (POW), maiintindihan ng mga sundalo at pulis ang kahulugan ng makataong pakikitungo sa mga bihag. Mahigpit na ipinatutupad ng rebolusyunaryong kilusan ang mga probisyon sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at sa Protocol I ng Geneva Convention na nagtitiyak sa paggalang ng NPA sa karapatang-tao ng mga POW. Pinakakain nang sapat, binibigyan ng maayos na matutulugan, at hindi ipinapailalim sa kahit na anumang tipo ng tortyur – ito ang aming matitiyak sa susukong mga pulis at sundalo o sa mga magiging bihag ng digma sa panahon ng labanan.
Sa desperasyon ng estado na ipamukhang tapos na ang rebolusyon sa Timog Katagalugan, nagpakalat pa ang SOLCOM ng mga pekeng balita at kasinungalingan na “marami ang natakot sa buhay at pakikibaka ng NPA” at “sumuko na ang BHB sa rehiyon matapos mahuli si Ka Diego.” Ipinakalat pa nito ang itim na propaganda na “nagugutom ang mga mandirigma ng NPA habang nagpapakasasa si Ka Diego sa ginhawa ng isang mamahaling ospital” upang idemoralisa ang hanay ng mga Pulang komander at mandirigma ng rebolusyunaryong kilusan. Patuloy na ipinipilit ng reaksyunaryong gobyerno na ‘terorista’ si Ka Diego upang bigyang-katwiran ang pagdakip sa kanya.
Ang rehimeng US-Duterte ang tunay na teroristang pumapatay sa mga magsasaka. Lalo pa nitong pinahihirapan ang maralitang mamamayan sa pagkakait sa kanila ng maayos na pabahay at kabuhayan. Inaabuso nito ang mga kababaihan sa pagpasa ng TRAIN Law na nagpapataw ng mas mabigat na pasanin sa araw-araw na buhay ng pamilyang Pilipino. Pinagsasamantalahan nito ang mga katutubong Dumagat at Remontado at pinapalayas sa kanilang mga lupaing ninuno para bigyang-daan ang mga ‘proyektong pangkaunlaran’ na pabor sa mga naghaharing-uri.
Walang kasinungalingang hindi mailalantad. Nagdulot man ng pansamantalang ligalig ang pagdakip kay Ka Diego, nananatiling konsolidado at nagkakaisa ang hanay ng NPA sa buong lalawigan ng Rizal. Matatag na hinaharap ng mga Pulang komander at mga mandirigma ang kahirapan at sakripisyong kaakibat ng paglilingkod sa sambayanan. Hindi tumatalab sa hanay ng hukbo ng sambayanan ang kahit na anumang mga itim na propaganda at paninirang-puri ng kaaway. Karuwagan namang maituturing ang pagsangkot ng AFP-PNP sa mga inosenteng sibilyan na kanilang kinakaya-kaya at sapilitang pinapasuko bilang mga NPA.
Nagpapatuloy ang gawaing propaganda at gawaing pag-oorganisa sa hanay ng masang anakpawis. Hindi tumitigil sa paggampan sa gawaing produksyon ang NPA para maging katuwang ng magsasaka sa kanilang pang-araw-araw na gawain. Patuloy na naglilingkod ang demokratikong gobyernong bayan para sa pagpapaunlad ng pangkalahatang kapakanan ng sambayanan. Gagampanan pa rin ng NPA ang tungkulin nito bilang hukbo ng mamamayan na parusahan ang sagadsaring mga kumpanya ng quarry na sumisira sa kalikasan, at ipatigil ang security agencies na patuloy na ginagamit ng malalaking burgesyang-komprador na mga goons na lumiligalig sa mga magsasaka. Ipagtatanggol ng NPA ang mamamayan sa karahasan ng militar at pulis sa pamamagitan ng malalaking taktikal na opensiba ngayong taong 2020.
Mananatili ang mahigpit na pagkakaisa at pagtutulungan ng masa at ng hukbo ng bayan. Itutuloy ng mamamayan ng Rizal ang pagiging Tinig ng Rebolusyon. Titiyakin ng buong rebolusyunaryong kilusan ang paggampan sa tungkulin nitong magpukaw, mag-organisa, at magpakilos para sa pagdaluyong ng kilusang masa. Sa papatinding banta ng militarisasyon dulot ng focus military operations at retooled community support program operations, tanging ang kolektibong pagkilos ng masang anakpawis at ng hukbong bayan ang gagapi sa ganitong pakana ng kaaway. Lalo pang lalakas ang rebolusyunaryong kilusan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas! Sa nagpapatuloy at tumitinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, nananatiling tumpak ang pagtangan ng armas ng mamamayan para isulong at mapagtagumpayan ang demokratikong rebolusyong bayan!
PALAYAIN SI KA DIEGO!
PALAYAIN ANG LAHAT NG BILANGGONG PULITIKAL!
KARAPATANG TAO, IPAGLABAN!
REHIMENG US-DUTERTE, TUNAY NA TERORISTA!