Pamamahagi ng AFP-PNP ng P14.2 milyong pabuya, malaking kasinungalingan

 

Pakitang-tao at isang malinaw na propaganda lamang ang pag-aabot ng hepe ng AFP na si Gen. Benjamin Madrigal ng P14.2 milyon sa limang maskaradong intelligence asset bilang pabuya sa pagkakahuli at pagkakapaslang sa lima umanong kasapi ng NPA. Pinalalabas pa ng mersenaryong hepe na “pangangalaga sa pagkatao” ng mga nagsuplong ang pagtakip ng mga mukha nito. Ngunit sa likod nito, tiyak na napupunta lamang ang pera sa mga tiwali at kurap na upisyal-militar tulad ni Madrigal.

Gamit ang reaksyunaryo at gatasang-bakang programa ng AFP-PNP na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), binubusog ng berdugong AFP-PNP ang kanilang mga bulsa ng pabuya habang naghahasik ng mapanlasong propaganda laban sa rebolusyonaryong kilusan tulad ng pagpapalaganap ng mga pekeng NPA surrenderees. Nais nilang linlangin ang mamamayan at palabasing humihina na ang rebolusyonaryong kilusan. Nais rin nilang suhulan ang masa na magbigay ng impormasyon upang masupil ang rebolusyonaryong hanay.

Ngunit sa kasaysayan, walang mamamayan ang maaatim na ipagkanulo ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan at buong bansa. Patunay rito ang napakalaking pabuya kay Gregorio “Ka Roger” Rosal ngunit walang masa na nabitag ang AFP-PNP para magturo. Batid ng masa na wala silang makukuhang pakinabang kapag ipagkakanulo ang rebolusyonaryong kilusan — ang natatanging organisasyon na tunay na ipinaglalaban ang kanilang mga interes. Patunay rin ang kawalang-kapakinabangan sa masa ng imbing pakana at programang E-CLIP nang ipalaganap ang mga kampanyang pagpapasuko at iprisenta sila bilang mga pekeng surenderees. Labis na pagpapahirap ang sinasapit nila sa kamay ng AFP-PNP sa tuwing pinalalabas sila bilang mga sumukong NPA. Kalokohan lamang ng AFP-PNP at ng rehimeng US-Duterte ang pamimigay ng mga pabahay at kung anu-anong programa para diumano, magbagong-buhay dahil katiting lamang ng pinagmamalaking pabuya ang ipinamumudmod ng rehimen sa masang nalinlang.

Sa harap nito, malinaw na hindi mabibitag ng AFP-PNP ang taumbayan sa kanilang mapanlinlang na propaganda at paghahasik ng malawakang kaguluhan. Batid ng mamamayang Pilipino ang kanilang gasgas na taktikang hati-hatiin at pag-away-awayin ang mamamayan upang pagharian. Malaon nang nahubaran ng maskara si Duterte bilang taksil, korap, pasista at tiraniko na siyang magiging dahilan ng mas mabilis na pagbagsak ng rehimen.

Hangga’t mayroong kahirapan, pang-aapi, pagsasamantala at laganap ang katiwalian sa iba’t ibang sangay at ahensya ng reaksyunaryong gubyerno, hindi matitinag ang sambayanan sa walang sawang pagtangkilik at pagsuporta sa demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong ng CPP-NPA-NDFP. Nanatiling di maipaghihiwalay ang relasyong tubig at isda ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino at ng CPP-NPA-NDFP. Hindi kakayanin ng reaksyunaryong estado sa pamumuo ng pasista at tiranikong si Duterte na buwagin at sirain ang matibay na relasyong ito ng rebolusyon at sambayanan. Kasaysayan ang makapagpapatunay nito bakit patuloy sa paglawak at paglakas ng rebolusyunaryong armadong pakikibaka ng mamamayan sa malawak na kanayunan ng bansa.###

Pamamahagi ng AFP-PNP ng P14.2 milyong pabuya, malaking kasinungalingan