Pamamarusa sa 4th MBLT, sagot ng NPA-Palawan sa Focus Military Operations ng WESCOM at PPTF-ELCAC

 

Matagumpay na pinarusahan ng isang tim ng Bienvenido Vallever Command ang mga elemento ng 4th MBLT habang sila ay pauwi mula isinagawa nitong operasyon sa magubat at mabundok na bahagi ng mga sityong saklaw ng Brgy. Aribungos Brooke’s Point Palawan. Naganap ito nitong Hulyo 20 bandang 1:40 ng hapon sa Sityo Lagasen, Brgy. Aribungos, Brookes Point. Malubhang nasugatan si PFC Christopher Delacruz na namatay din sa ospital. Samantala, ligtas at walang anumang pinsala sa hanay ng mga operatibang nagsagawa ng ambus.

Mahigit isang buwan nang nag-ooperasyon ang yunit na ito ng Marines sa lugar at katumbas nito ay mahigit isang buwan ng gutom, takot at pahirap para sa mga katutubong Palaw’an na hindi makapamuhay nang normal dulot ng militarisasyon sa kanilang komunidad.

Ang pamamarusang ito ay bilang tugon din sa kaliwa’t kanang reklamo na natatanggap ng yunit hinggil sa pang-aabuso ng mga Marines. Mga kaso ng panggigipit, pananakot, pambububog, pambabastos sa kababaihan at paninira ng mga pananim sa kaingin. Ang yunit na ito ng Marines ay ang parehong yunit na dati nang nagkakampo sa Brgy. Mainit na pinalayas ng mga taumbaryo, ilang taon na ang nakakaraan, dahil sa panggagahasa ng mga Marines sa dalagitang katutubo na taga-Mainit. Walang nakuhang hustisya ang dalagitang ito sampu ng mga pamilyang nasira dulot ng dekadente at anti-sosyal na kulturang pinapalaganap ng 4th MBLT.

Seryoso ang NPA Palawan sa sinumpaang tungkulin nang lubos na paglilingkod sa masang Palaweño. Ang NPA ang tunay na hukbo ng masang api at hindi ang bayarang AFP-WesCom. Habang gutom at di makapaghanapbuhay ang mga Palaweñong nasa sektor ng transportasyon, turismo at serbisyo, una pang inaatupag ni Jose Chavez Alvarez ang pamumulitika at pagpapademolis sa mga taga-Puerto Princesa at San Vicente. Habang natatakot ang mamamayan ng Brooke’s Point sa pagkalat ng pandemya at kawalang ayuda, maraming maralita naman at magsasaka ang ginigiba ang kabahayan sa ngalan ng pagpapalapad ng kalsada.

Hibang na hibang ang rehimeng US-Duterte at si JCA sa pagpatupad ng kontra-mamamayang programa ng NTF-ELCAC at pihadong mas babalasik pa ito dahil sa Anti-Terror Law — na unang target ang rebolusyunaryong kilusan at mga kritiko ng pamahalaan. Tiyak na ito ang ibibida ni Duterte at iba pang kasinungalingan sa pekeng State of the Nation, dahil ang katotohanan: sukang-suka na ang masa sa Presidenteng tuta, pasista at pahirap sa masa.

At dahil langong-lango si JCA at Duterte sa kapangyarihan, lahat ng lagim at pasismo ng estado na kaya nilang ihasik sa mamamayan ay gagawin nila upang makapanatili sa poder. Simple lamang para kay JCA ang pamamaraan upang makapanatili sya sa poder at ang kanyang political dynasty: Hatiin sa tatlong ang probinsya ng Palawan. Ipinapahayag ng Bienvenido Vallever Command at ng buong reboluynaryong pwersa sa Palawan ang pagtutol sa pakanang ito ni JCA at kanyang mga alipores.

Nanawagan ang BVC sa mga makabayang Palaweño na walang panahon upang manahimik, lalo na sa mga pagkakataong naliligalig ang sikmura ng pamilyang Palaweño, walang panahon upang matakot at humintong itaguyod at itindig ang karapatang pantao na lantarang niyuyurakan ng AFP-WesCom, ni JCA at ng buong rehimeng US-Duterte. Sa darating na pekeng SONA, gamitin ang lahat ng porma ng protesta sa kalsada man, sa radyo at sa social media, ihayag ang tunay na kalagayan ng masang Palaweño sa panahon ng pandemya at bago pa ito, ilantad ang kabulukan at korapsyon ng mga opisyal ng gobyerno at tradisyunal na pulitiko.

Tiyak na sa paghuhusga ng kasaysayan, ang Bagong Hukbong Bayan, Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipnas at Partido Komunista ng Pilipinas ang titining bilang tunay na tagapagtanggol ng masang api. Pupulutin at bubulukin sa kasaysayan ang alaalala ni JCA, ni Duterte at ng sasandakot na naghaharing uri na malaon ng nagsasamantala sa mga Palaweño.

###

Pamamarusa sa 4th MBLT, sagot ng NPA-Palawan sa Focus Military Operations ng WESCOM at PPTF-ELCAC